Kabanata 46

86 1 0
                                    

"Hindi totoo 'yan.." Hindi makapaniwalang sambit ko.

"Totoo 'yon. Wala na akong magagawa kung ayaw mong maniwala. Halang ang bituka niyang nanay mo, hindi lang halata." Nakakalokong tumawa siya.

"Hindi pa ba sapat na dinukot mo ako ngayon? Kailangan mo pa bang siraan si Mama Olive sa'kin?" Galit na sabi ko.

"Bakit? Kailan mo lang naman nakasama si Olive ah? Sigurado ka bang.. butihing ina ang nanay mo? Imposibleng walang nababanggit sa'yo si Benjamin o kahit sino sa pamilya mo tungkol kay Olive. Wala rin bang nabanggit ang kasintahan mo na si Sandro?" Pang-uuyam nito.

Natigilan ako. Natatandaan kong ayaw na ayaw ipagkatiwala ni Papa Benjamin kay Mama Olive ang ibang bagay tungkol sa negosyo ng pamilya. Naalala ko bigla na nabanggit sa akin noon ni Sandro na may katulong daw ako noong sanggol ako na nagpatiwakal..

"Natigilan ka, hija? Marami akong alam tungkol kay Olive.. Maraming-marami." Narinig kong sabi ng ama ni Sadie.

"Tumigil ka na. Ang gusto ko lang mangyari ay palayain mo na ako. Wala akong kasalanan at ang anak ko sa'yo!" Sigaw ko rito.

"Huwag mo akong sigawan kung ayaw mong busalan ko 'yang bibig mo! Pakakawalan lang kita kapag ibinigay na sa akin ni Benjamin ang kahit parte ng kayamanan niya.. Dito natin mapapatunayan kung talagang mahalaga ang nag-iisa niyang anak sa kanya." Nakangising sabi nito.

"Sa tingin mo ba kapag nakuha mo ang gusto mo ay mapapakinabangan mo iyon? Hindi. Makuha mo man ay wala kang mapapala dahil kulungan ang bagsak mo. Kriminal ka!" Singhal ko rito.

Bigla nitong binunot ang baril mula sa bewamg at saka itinutok iyon sa tiyan ko. Bigla akong kinilabutan.

"Kung ganyan din lang katigas ang ulo mo ay dapat pinapatay na kita kagabi pa!" Galit na sabi nito.

Hindi ako gumalaw sa pwesto ko. Natatakot ako na baka isang maling galaw ko lang ay iputok niya na ang baril. Mawawala ang anak ko sa isang maling galaw ko.

Dahan-dahan nitong ibinaba ang baril at saka muling nagsalita.

"Hindi ba nakwento sa'yo ni Sandro na pinatay ni Olive ang yaya mo noon at pinalabas na guilty ito sa pagkawala mo kaya nagpatiwakal ito?" Sabi niya.

Tila bombang sumabog sa tainga ko ang narinig ko. Nabanggit ni Sandro sa akin ang parteng nagpakamatay ang yaya ko. Pero hindi ko alam na...

"P-Pinalabas? Anong ibig mong sabihin?" Tanong ko.

"Kasama ako ni Olive sa dumispatsa sa yaya mo. Hindi naman talaga nagpakamatay 'yun eh. Pinalabas lang nagbigti siya mag-isa. Tinulungan ko si Olive na huwag hayaang matimbog siya ng mga pulis."

"Bakit n'yo ginawa 'yon?"

"Dahil nga nawawala ka noon. Eh nakatunog itong yaya mo kung sino talaga ang totoong may kasalanan sa pagkawala mo. Nahuli si Olive na kausap ako sa telepono tungkol sa'yo. Nagalit kasi si Benjamin sa yaya mo dahil naisip ng ama mo na kasalanan iyon ng yaya mo dahil pinabayaan ka. Ang hindi alam ni Benjamin.. si Olive ang may pakana. Nung araw na namatay ang yaya mo, pinalabas ni Olive na guilty ang yaya mo kaya pinili na lang magpakamatay." Mahabang salaysay nito.

Napaawang ang bibig ko. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa mga nalaman ko, kung totoo nga ang sinasabi nito.

"Hindi ka naman minahal ni Olive. Hindi naman naging ina 'yon sa'yo. Pinikot niya si Benjamin para mabuo ka. Ginamit ka niya para makakamkam ng pera, para magbuhay-donya. Ako talaga ang mahal ni Olive.." Sabi pa nito.

Hindi ko namalayan na naglalandas na pala ang luha ko sa pisngi ko. Parang hindi ko na kaya pang marinig ang mga susunod na sasabihin niya.

"Iniligaw ka niya noon para mawala ka sa landas niya. Nagpabuntis siya sa'kin para ang anak namin ang makatanggap ng karangyaan na para dapat sa'yo. Ipinagpasalamat ko rin na tatanga-tanga ang ama mo dahil tinanggap niya pa rin ang anak ni Olive sa ibang lalaki." Nakangising sabi niya.

Love Me Tender ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon