Kabanata 5

149 3 0
                                    

Nakangiting inilapag ko ang tatlong tangkay ng rosas at ang diploma ko sa lapida na naroon. Umayos naman ako ng upo sa damuhan at saka inalis ang mga maliliit na kalat na nakapaligid doon.

"Kumusta na kayo? Pasensya na at medyo late ang dalaw ko. Naging abala ako masyado sa practice para sa graduation. Pagkatapos naman ng graduation ay naging abala naman ako para sa release ng mga important documents ko. Kaya ngayon lang ulit ako nakadalaw." Sabi ko habang hinahaplos ang lapida.

Sinindihan ko ang dala kong kandila. Masyadong mahangin kaya maya't-maya nawawala ang maliit na apoy dahil sa hangin. Maya't-maya ko rin iyon sinisindihan.

"Sa susunod na araw ay magsisimula naman akong maghanap na ng trabaho. Kumpleto na ang requirements ko. Lakas ng loob na lang ang kulang." Pagpapatuloy ko.

"Sana kahit wala na kayo, maramdaman ko pa rin kayo. Palakasin n'yo 'yung loob ko, please. Nasa panibagong hamon na ako ng buhay. 'Yung totoo na talaga." Sabi ko pa at hindi ko na naiwasang  mapahikbi.

"Kassidy..."

Lumingon ako sa pinanggalingan ng boses na iyon. Napangiti ako nang makita kong ang tiyahin ko iyon, ang isa sa mga kapatid ni Tatay Rudy.

"Tiyang..."

"Pasensya ka na kung natagalan kami. Masyadong mahaba ang biyahe." Hinging-paumanhin ng tiyahin ko.

"Ayos lang po. Kararating ko lang din naman." Nakangiting sabi ko at nilingon si Eli na nasa tabi niya.

"Naiinip na siya sa amin at gusto ka na niyang makita. Saka pasensya ka na, iha. Hindi kakayanin kung magtatagal pa sa amin ang kapatid mo dahil.. kapos din kami."

Nginitian ko si Eli at saka lumapit siya sa akin. Binigyan niya ako ng isang mainit na yakap. Pagkatapos ay naupo siya sa tabi ko bitbit ang bag niya.

"Naiintindihan ko po."

"Paano kayo niyan kapag naghahanap ka na ng trabaho? Saan mo iiwan ang kapatid mo? Pupwede pa rin naman siya sa amin kaso nga nagrereklamo na ang mister ko dahil maliit lang naman ang kinikita niya sa pagpapasada."

Malaki kasi ang pamilya ng tiyahin namin pero gaya namin ay kapos rin sila sa buhay. Kaya naiintindihan ko naman na hindi nila maaako si Elias, kahit gustuhin man niya na tulungan ako.

"Gagawan ko na lang po ng paraan, tiyang. Saka, malaki naman na si Eli. Tinuruan ko na po ito para kapag dumating 'yung pagkakataon na gaya nito, hindi na ako mahihirapan." Paliwanag ko.

"O siya, basta kung kakailanganin mo ang tulong ko ay tawagan mo na lang ako ha? Mag-iingat kayo lagi. Mauuna na ako at baka abutan pa ako ng traffic sa daan." Sabi ng tiyahin ko at saka niyakap kami.

"Ingat po."

Nang makaalis ito ay nilingon ko ang kapatid ko. 

"Kumusta ka?" Tanong ko habang hinahaplos ang buhok niya.

"Okay lang po ate. Sorry po kung pinilit ko nang umuwi dito, ayaw ko po doon kila tita.. Pero baka po busy ka pa dito.."

"Ano ka ba? Okay lang. Gagawan naman ng paraan ni ate. Kaya natin 'to nang tayong dalawa lang. Okay?"

Tumango siya at saka niyakap ko siya. Parehas kaming nakatitig lang sa lapida nila nanay at tatay.

Mahigit isang buwan na rin mula nang mamatay si nanay dahil sa atake sa puso. Kung hindi siya tumanggi noon para isugod namin siya sa ospital ay kasama pa sana namin siya ngayon. Naabutan niya pa sana ang graduation ko. At napalagay na sana ang loob niya kung malaman niyang ayos lang si Eli.

Tama ang sinabi sa akin ng barangay captain noon, si Eli nga ang nakahandusay noon sa kalsada kasama ang kalaro niya dahil nahagip sila noong pampasaherong jeepney. Matapos atakehin ni nanay ay isinugod pa rin ito sa ospital pero kalaunan ay idineretso na sa morge para ayusin ang bangkay niya.

Love Me Tender ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon