Kabanata 20

155 2 0
                                    

Habang naghihintay kay Sandro ay naglinis ako ng bahay. Inayos ko rin ang mga damit na nakasalansan sa aparador sa kwarto. Kaunti lamang ang mga damit na nandoon, damit ni Sandro at saka damit nga raw ng mama niya.

May parte talaga sa akin na hindi ako kumbinsidong sa mama niya ang mga pambabaeng damit na nandoon. Pero wala naman akong pakialam kung kanino ba talaga ang mga iyon. Kung sa mga naging ex niya ba o ano.

Bahagyang may kumurot sa puso ko nang maisip na posibleng may naging kasintahan na siya noon at nanirahan din iyon dito noong sila pa. Akala ko ba ay wala akong pakialam...

Nang matapos kong tupiin ng maayos ang mga damit ay lumabas naman ako para sumilip. Hindi na masyadong malakas ang buhos ng ulan pero nangingitim pa rin nang husto ang ulap na para bang nagbabadya pang bumagsak ang mas malakas na ulan.

Naghiwa na ako ng mga rekado para sa lulutuin niyang dinuguan mamaya pag-uwi niya. Wala sa sariling napangiti ako nang maisip na para akong misis na hinahanda ang lahat para sa pagdating ng mister niya.

Dumaan na ang alas-dose ng tanghali ngunit wala pa rin siya. Nagsimula na akong mag-alala dahil baka napaano na iyon. Hindi naman kalayuan ang koprahan mula dito. Hindi na niya kailangan gamitin ang truck para makapunta doon.

Makalipas ang halos tatlumpung minuto ay nagdesisyon akong lumabas at hanapin na siya. Nagugutom na rin kasi ako. Hindi sa hindi ko kayang kumain nang wala siya ngunit ay napag-usapan namin kanina na sabay kaming manananghalian.

Kinuha ko ang payong na nakasabit sa shoe rack at saka sumuong sa malakas na ulan. Kahit pa nakapayong ako ay nababasa pa rin ako ng ulan dahil sa malakas na hangin.

Malayo-layo na ang nilakad ko pero hindi ko pa rin siya makita o makasalubong man lang. Tingin ko ay malapit naman na ako sa koprahan kaya naglakad pa rin ako para magbakasakaling madatnan ko siya roon.

Ilang saglit pa ay nakarating na ako sa koprahan ngunit walang katao-tao roon. Sinuyod ko pa ang loob pero wala talaga akong makita. Tanging mga bao lamang ng niyog ang nakita kong maayos na nakasalansan sa loob ng nipa. Nayayamot na lumabas muli ako sa may kalsada.

Walang katao-tao sa paligid. May mangilan-ngilang mga bata na nagtatampisaw sa ulan sa di kalayuan. Wala namang bakas ni Sandro dito sa kinaroroonan ko ngayon.

Nasaan na ba ang lalaking iyon?

Sa huli ay napagdesisyunan kong muli na bumalik na lang sa bahay. Naisip kong baka magkasalisihan lang kami. Hindi ko naman kasi kabisado ang iba pang daan dito.

Naglalakad na ako pabalik at basang-basa na ako ng ulan. Wala rin silbi ang pagdala ko ng payong. Nakasilong  na ako sa balkonahe ng bahay at pinapatulo ang basang payong at ang sarili ko nang marinig na may nagtatawanan sa loob ng bahay.

Napakunot-noo ako. Pinatulo ko muna sa labas ang sarili ko bago pumasok ng bahay. Nadatnan kong nagtatawanan doon si Maya at si Sandro.

Nagngitngit ang kalooban ko ngunit hindi ko ipinahalata iyon. Nagulat si Sandro nang pumasok ako sa loob ng bahay at mukha akong basang-sisiw.

"Where have you been?! Halos kakauwi ko lang din at aalis sana ulit kami para hanapin ka." Tarantang sabi ni Sandro at kaagad akong inabutan ng tuwalya.

Akmang ibabalot niya sa akin iyon ngunit inunaham ko siya. Hinablot ko sa kanya ang tuwalya at saka ibinalot ko iyon sa sarili ko. Nangangatog ako sa lamig.

"Hinanap kita dahil ang tagal mo. Hindi naman kita nakita sa koprahan." Kaswal na sabi ko habang pinupunasan ko ang sarili ko.

Halos magmukha na akong tanga kakahanap sa kanya sa koprahan tapos pag-uwi ko ay madadatnan ko siyang prenteng nakaupo at nakikipagtawanan sa ibang babae?! Tapos sasabihin niya ay hahanapin niya ako? Sinong niloko niya?

Love Me Tender ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon