Kabanata 17

139 3 0
                                    

Nakaupo si Elias sa tapat ng study table niya at abala sa kanyang mga aralin habang ako naman ay naglilinis ng kwarto niya. Aalis muli ako ngayong araw at ginagamit ko ang libreng oras ko para maglinis dito at ayusin ang mga gamit niya rito sa kwarto.

"Kaunti na lang pala iyong mga malinis mong damit. Nasaan na 'yung marumi? Akin na at lalabhan ko nang mabilis." Sabi ko sa kanya matapos kong halughugin ang aparador niya.

"Kinuha na po kanina ni Aling Nelma. Ngayon daw po kasi siya maglalaba at isinama iyong mga damit ko." Sagot naman ni Elias habang nagsusulat.

Ang tinutukoy niyang Aling Nelma ay 'yung labandera dito. Mabuti naman pala at naisabay na 'yung kay Elias.

Nagwawalis ako sa loob ng kwarto nang biglang bumukas ang pinto. Si Mama Olive ang sumungaw roon.

"Ma. May kailangan po kayo?" Saglit kong itinigil ang pagwawalis at saka nilapitan siya.

Ngumiti siya at pumasok ng kwarto. Isinara niya ang pinto at saka inakay ako papunta sa gilid ng kama para maupo roon.

"May hihingiin lang sana akong pabor sa'yo." Sabi niya sa akin.

"Ano po 'yun?" Umayos ako sa pagkakaupo.

"Kumbinsihin mo ang papa mo na bigyan ng mas mataas ng posisyon si Sadie sa kumpanya. Naaawa na ako kay Sadie. Nawawalan na siya ng interes sa ginagawa niya. Kaya naisip ko, mas maganda siguro kung doon siya sa pwesto kung saan mas mamahalin niya ang ginagawa niya." Malungkot na sabi ni mama.

Napaisip naman ako. Wala naman dahilan para tumanggi ako dahil wala naman akong problema kay Sadie kahit pa minsan ay sinusumpong siya. Hindi naman kasi ako madaling maapektuhan kaya ayos lang. In that way, makakatulong pa ako at matutuwa pa si Mama Olive kapag napapayag ko si papa.

Hinawakan ko ang kamay niya. "Sige mama. Susubukan ko pong kumbinsihin si papa. Pero.. 'wag po kayong magagalit sa itatanong ko ah. Bakit po hindi kayo ang makipag-usap kay papa tungkol dito?"

Bumuntong-hininga si Mama Olive at bahagyang sumimangot. Nakikita ko sa kanya si Sadie kapag nayayamot. Siya talaga ang kamukha ni Sadie.

"Paminsan-minsan talaga ay madamot iyang papa mo. Hindi mo pa siya gaanong kilala. Iyan ang madalas naming pag-awayan. Ang pagiging madamot niya." Turan nito.

Madamot? Hindi ako kumbinsido sa tinuran ni mama. Mukhang hindi naman iyon ang nakikita ko kay papa. Kung madamot siya ay hindi niya tatanggapin dito ang kapatid kong si Elias na hindi naman niya kadugo at hindi niya pa pag-aaralin. Kung madamot si papa ay hindi niya ako pagkakatiwalaan sa negosyo ng pamilya. Kung madamot siya ay hindi niya pupunan lahat ng kailangan ko.

"Saka isa pa, naisip ko lang. Hindi ka niya matatanggihan. Hindi ba't kahit anong hingiin mo ay ibinibigay niya?" Pagpapatuloy ni mama.

Tipid akong ngumiti. "Hindi po ako kailanman nanghingi sa kanya. Kusa niya po iyon binibigay."

Ngumiti rin siya pabalik pero napansin kong hindi tunay iyon. Hinawakan niyang muli ang kamay ko.

"Aasahan ko ang magandang sagot ng papa mo. Balitaan mo na lamang ako." Sabi niya at saka lumabas na ng kwarto.

Ipinagkibit-balikat ko na lamang ang mga tinuran ni mama. Magkaganoon man ay susubukan kong gawin ang hiling niya. At saka, mukhang wala naman masama sa pabor niya kaya papayag naman siguro si Papa Benjamin.

I glanced at the wall clock. 10AM na. Tinapos ko na ang pagwawalis ko at saka inutusan si Elias na lumabas muna dahil maliligo at magbibihis ako. Ngayon kasi ay sasama ako kay Sandro para tingnan ang lokasyon ng pagpapatayuan ng bagong pabrika at planta.

Love Me Tender ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon