CHAPTER 4

2.7K 173 47
                                    

JERICHO - POV





Matapos ang pag-uusap namin ng gunggong na si Gerome, isang desisyon din sa akin ang nabuo sa pagdaan ng mga araw — hindi ko aatrasan ang hamon nito. Matira na lang sa amin ang matibay.


Nagkaroon na nga ng pagbabago sa pagsasama namin nito. Ang mga pagbabagong iyon ay halos ikawala rin ng malay ng mga kasamahan namin dito. Lahat ay hindi makapaniwala sa mga nasasaksihan sa amin ni Gerome. Lahat ay naiintriga ngunit wala talagang naglalakas-loob na magtanong.


Siya ang itinuturing kong bangungot sa bawat gabi ng aking pagtulog. Gusto ko nang dikdikin ang kanyang buto, ngunit sa kabila ng galit ko, sinikap kong sabayan ang kahambugan nito. Hindi ako puwedeng matalo sa larong ako ang nagpasimuno. Kahit ngayon lang, ako ang dapat manalo!


"Good morning, Oppa~" masigla kong pagbati isang umaga nang makapasok ako ng opisina.


Balik sa routine. Napagdesisyunan kong unti-unting pahirapan ang ulupong na ito. Naisip kong tutal naman ay bihasa ako sa pang-aasar, ang bagay na ito ang gagamitin kong bala para siya ay pahirapan. Sisiguraduhin kong ang aking presensiya ang magiging peste sa kanyang pamumuhay.


"Good morning din, Jericho." nakangiti rin nitong pagbati.


Ito na nga ang nakakabadtrip. Kung noong una ay hindi ako nakakatanggap ng sagot mula sa kanya, ngayon ay nagagawa na niya akong batiin nang buong sigla. Sa tingin ko, iyon din ang kanyang pamamaraan upang iparating sa akin na handa talaga siya sa sinimulan kong giyera.


Sa halip na ipakitang napupurga na ako sa kanyang kayabangan, kailangan kong patunayan sa kanyang mali siya ng kinalaban. Ipapalasap ko sa kanya ang bagsik ng isang Jericho Gonzales na walang inuurungan.


Mas naging masigasig pa ako sa pagsira ng bawat araw niya. Hindi ko siya tinigilan. At kahit saan siya magpunta, naroon din ang aking presensiya. Ginagawa ko ito dahil gusto kong tuwing nakakasama niya ako ay maaalala rin niya ang kanyang video. At kung lagi ko naman siyang kakausapin at kukulitin, posibleng maubos din ang pasensiya niya sa akin.


Hindi ako susuko kahit anong mangyari — ito ang isinusumpa ko sa sarili ko.


"Masarap lagyan ng paminta 'tong lugaw." wika ni Jamie nang minsan kaming magtungo ng aming mga katrabaho sa canteen ng aming kompanya.


Agad kong kinuha mula kay Jamie ang bote ng paminta na kanyang hawak. "Par, PAMINTA raw! PAMINTA! Lagyan mo na 'yang lugaw mo!" masigla ngunit makahulugan at may diin kong alok kay Gerome habang iniaabot ang condiments na iyon.


Hindi naman siya sumagot nang kuhanin iyon mula sa aking kamay. Gusto ko nang isaksak sa lalamunan niya ang bote ng paminta dahil pangiti-ngiti lang siya sa aking pang-aasar. Ganito niya lang ako kung gantihan, kaya naman sa huli ay sinasaway lamang ako ng aming mga katrabaho dahil ang tingin nila ay binu-bully ko ang itinuturing nilang 'Knight-in-shining-armor'. Hindi na lang ako kumokontra dahil hahaba pa ang usapan. Gusto ko sana sabihing, Baka 'Kinginang-Epal-Na-Tukmol' ang dapat na maging titulo ni Gerome?


Isang araw naman nang magkaroon kami ng meeting sa aming department, nakaisip na naman ako ng kalokohan para ito ay gaguhin.


"So, any ideas kung ano ang dapat na maging theme natin para sa next TV ad?" tanong ng aming department manager na lumalabas na ang pusod dahil nadagdagan na naman ang kanyang timbang. Mas marami-rami na rin ang hinihiram nitong buhok mula sa likod na bahagi ng kanyang ulo patungo sa bunbunan nito. Marami na yatang stress na pinagdaan ito kaya ang bilis maubos ng buhok.


CAUGHT ON CÜMTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon