JERICHO - POV
Matinding reklamo ang inabot ni Gerome mula sa akin. Gayunpaman, kusa ko rin naman isinusuot ang seatbelt sa aking katawan.
Ang ganitong sitwasyon na nga ang iniiwasan ko. Pilit ko man itanggi sa aking sarili, sa mga nakalipas na panahong hindi kami nagkakausap ni Gerome ay hinahanap-hanap ko rin ang presensiya nito. Sa aking bawat pag-iwas, nakakaramdam ako ng awa tuwing nakikita ang kalungkutan sa mga mata nito. Gustuhin ko man ang sumuko at bumalik sa dati naming magandang samahan, may mga oras na nangingibabaw pa rin ang pagnanais kong maituwid ang mali naming nasimulan.
"Saan mo ba ako dadalhin, kingina ka?!" galit-galitang tanong ko habang nasa loob kami ng sasakyan. Kinailangan ko nang basagin ang katahimikan. Simula kasi nang makaalis kami ng parking lot at iwan si Jamie kasama ang sinasamba niyang sausage, wala na kaming imikan.
Napangiti nang malawak si Gerome habang nakatutok pa rin sa kalsada ang mga mata.
"Pukingina, tinatanong kita! 'Wag kang pangiti-ngiti lang diyan! May nakakatawa ba sa tanong ko?!" buska ko na sa kanya. Nagsimula na naman uminit ang ulo ko dahil parang maliit na bagay lang ang nangyayari sa aming dalawa. Pakiramdam ko ay muli na naman akong nababalewala.
Muli na naman natawa ang gago kaya tuluyan na akong napuno. Inangat ko na ang isa kong kamao para sana makatikim na siya ng suntok, pero naging maagap siya sa pagsagot.
"Dadalhin kita sa nanay ko. Ipapakilala kita ulit. Sisiguraduhin kong sa pagkakataong ito, hindi ka na makakatakbo. Gusto kong marinig mo ang karugtong ng mga sinabi ko noong huli kang magpunta sa condo ko," mahaba nitong sagot.
Natigilan ako at bahagyang naguluhan.
"S-sinong nagsabi na gusto kong makilala ulit ang nanay mo?!" nauutal kong tanong.
"Ikaw?"
"Kelan?!"
"Kanina? Nasabi mo ang dahilan, 'di ba? May witness pa nga ako, si Jamie. Nakalimutan mo na ba?" paninigurado nito.
Hindi ako nakasagot. Sa dami ng nasabi ko kanina, sinubukan kong isa-isahin ang naging senaryo. Pero kahit anong pilit ko, hindi ko matandaan kung saang parte ko nasabi na gusto kong makilala ang dragonang nanay nito.
Dahil sa naiwan akong walang imik at nakatulala, pinili na lamang ni Gerome ang magpatuloy sa kanyang paliwanag. Huminga muna siya nang malalim bilang paghahanda.
"Ipapakilala ulit kita kay Mommy. Sasabihin kong hindi lang tayo basta magkatrabaho." mas klaro na nitong sagot.
Sa pagkakataong ito, nagbago na ang ekspresyong suot ko. Mula sa inis ay napalitan ng pagtataka ito.
"Anong ibig mong sabihin?" naguguluhan kong tanong.
Sa malawak at mahabang daan nitong Edsa, lakas-loob na itinigil ni Gerome ang pagmamaneho ng kotse sa gitna mismo nitong kalsada. Hindi niya alintana kung may sisita sa aming traffic police. Hindi rin niya iniisip kung may makakabangga o may bubusinang mga motorista sa amin dahil sa sasakyan niyang hindi man lang nagawang itabi.
Unti-unti ay hinarap ako ni Gerome. Mas inilapit din nito sa akin ang kanyang sarili upang masigurong maririnig ko nang malinaw ang bawat sasabihin niya.
"Uulitin ko ang pagpapakilala sa 'yo kay Mommy. Oo, katrabaho nga kita, pero NOON 'yon. Sasabihin ko ulit sa kanya na simula nang makita kita sa opisina, lagi na kitang sinusubaybayan; Na ikaw ang dahilan kung bakit hindi ko magawang pasukin ang family business namin; Na sa loob ng halos dalawang taon na hindi tayo nagkakausap, naging posible na rin 'yon sa wakas. Nagawa na rin kitang makasama at higit pa roon ang naging samahan nating dalawa. At sa pangalawang pagkakataon, hihingi ako ng basbas ni Mommy para sa pagsasama nating dalawa. Kasi, Jericho, mahal kit--- ump!"

BINABASA MO ANG
CAUGHT ON CÜM
RomanceSynopsis: Matinding karibal para kay Jericho Gonzales si Gerome Almeria kung pag-uusapan ang trabaho at atensyong nakukuha nito. Magmula nang dumating si Gerome sa kanilang kompanya mahigit isang taon na rin ang nakalilipas, lahat ng proyekto maging...