Ang Unang Dugo

24 0 0
                                    

Kyle's POV

"Jake! Gumising ka! Hindi ka p'wedeng mamatay!" Paghagulgol ko sa taong nakahiga ngayon sa aking harapan.

Hindi ko pa rin lubos maisip na sa ganitong paraan kami magkakahiwalay ng taong pinag-katiwalaan ko sa buong buhay ko.

Ansakit isipin na nawala yung taong nandiyan para sa akin sa tagumpay man o kalungkutan. Siguro, ito na talaga ang tadhana ko, yung mawala yung mga taong nand'yan para sa akin.

Bata pa lamang ako, inisip ko na napaka-malas kong tao. Na lahat nalang ng bagay sa paligid ko ay mawawala. Puwera na lamang sa mga taong nag-aruga at kumupkop sa akin simula ng kunin nila ako sa ampunan.

Marangya naman ang buhay namin pero alam mo ba yung pakiramdam na kahit nasa'yo na ang lahat, may kulang pa rin at parang hindi pa sapat? At ito na naman ngayon, nabawasan na naman ako ng taong nagpakita sa akin ng tunay na malasakit.

• • •

"Jake, andaya mo naman. 'Di mo man lang pinahantong sa kaarawan ko yung huling hininga mo. Andaya mo! Andaya mo!" Pabalang kong sumbat sa lalaking ngayon ay nakaratay na sa kanyang huling hantungan.

Si Jake, siya yung taong maaasahan mo sa lahat ng bagay. Siya rin yung taong andiyan sa'yo para makinig sa mga hinaing mo sa buhay.

Sobrang saya ko tuwing kasama si Jake. Lahat ng problemang dinamdamdam ko, nawawala kapag nasisilayan ko ang kaniyang mga ngiti. Nakakapanabik pagmasdan ang kaniyang mga ngiti. Sobrang gaan, sobrang mapayapa.

Kaya 'di ko pa rin lubos maisip na sa dinami-dami ng tao sa mundong 'to, siya ang agad na kinuha. Bakit aksidente pa ang kaniyang kinamatay?

Napabuntong hininga na lamang ako habang hinuhulog ang rosas na pula sa kaniyang huling sandali.

"Until we meet again, bro! Mamimiss kita ng sobra. Mamimiss ko pagka-monggoloid mo!" Iyak tawa kong pamamaalam kay Jake.

Nagsimula nang ilipad ang mga puting lobo hudyat ng pagtatapos ng kaniyang libing.

Sabay-sabay naming tinahak ang daan patungo muli sa aming mga sasakyan. Habang naglalakad ako, 'di ko namalayan na nasa akin ng harapan ang Mama ni Jake.

"Tita, p'wede po bang sa inyo po muna ako matulog ngayong gabi? Kahit hanggang ngayong gabi lang po. Gusto ko lang po sana alalahanin lahat ng binuo naming ala-ala ni Jake bago siya lumisan." Wika ko. May lungkot man ang sinabi ay pinilit ko pa ring ngumiti para sa ikatitibay ng loob ng kaniyang ina.

"P'wede naman, Kyle. Hindi ka na rin naman bago sa amin." Wika ng kaniyang ina.

Hindi man alam ni tita Johanne ang relasyon naming dalawa ni Jake ay patuloy pa rin ako sa pag-kubli nito dahil alam kong 'pag nalaman ito ng kaniyang ina ay hindi niya ito makakayang tanggapin.

"Maraming salamat po, tita. Uuwi lamang po ako saglit para kumuha ng susuotin." Wika ko.

Agad naman akong umuwi para makapag-handa ng susuotin upang maki-tulog sa bahay nila Jake.

• • •

Dapit-hapon na nang dumating ako sa bahay nila tita Johanne. Halos mapagod ako sa kakasigaw sa labas ng kanilang gate dahil walang lumalabas sinuman sa kanilang pamilya upang ako ay pagbuksan.

"Tita, tito. Andito na po ako! Tao po! Tao po!" Paulit-ulit kong sambit kasabay ng pagkatok at pag-pindot sa kanilang doorbell.

Nagulat na lamang ako nang may dumating na mga ambulansya.

Ambilis ng tibok ng aking puso. 'Di ko mawari kung ano ba ang tunay na nangyayari. Biglang lumabas isa-isa ang mga tao sa loob ng sasakyan upang puntahan ang aking kinaroroonan.

"Ahm, sir, ano pong meron? Bakit po kayo napunta dito? Mayroon po bang may sakit dito?" Pagtatanong ko sa mga taong papasok ng bahay. Walang sumagot ni isa sa akin.

"Hijo, hindi mo ba alam ang nangyari?" Singit naman ng isang matanda dito sa aking tabi. Siguro ay kalapit-bahay lamang ito nila tita at Jake.

"Hindi po eh. Pupunta lang po sana ako dito para mag-stay ng isang araw. Ang kaso naman po ay ayaw naman po ako pagbuksan ng pinto. Ano po ba ang nangyayari?" Pagsasaad ko.

"Hindi mo nga alam. Narinig ko kasi kanina na may pumatay daw sa mag-asawang iyan..." Saad ng matandang nasa aking gilid.

Bigla naman akong natulala sa kaniyang sinasaad. Hindi ko mawari kung may katotohanan o pawang kasinungalingan lamang ang lumalabas sa kaniyang mga labi. Ngunit, natitiyak ko na may hindi mangandang nangyayari.

"...mukha daw itong planado dahil wala man lang iniwang bakas ang suspek." Dagdag pa ni Nanay.

Nanlamya na ang aking buong katawan sa lahat ng pinagsasabi sa akin ng matandang ito. Bahagyang lalakad na sana ako nang bigla naman ako nitong hawakan sa aking braso.

"Mag-iingat ka, hijo. Lahat ng nakapaligid sa'yo ay mamatay kapag hindi ka nag-ingat at nagdalos-dalos ka sa mga gagawin mo." Wika ni nanay.

Binitaw ko ang aking braso upang maglakad muli papasok ng bahay. Ngunit, bigla na namang pumasok sa aking isipin ang sinabi ni nanay.

'Di ko maintindihan lahat ng mga nangyayari. Una, si Jake. Pangalawa, sila tita at tito. Sino ang susunod? Ako? O ang pamilya ko?

Ganoon na ba talaga ako kamalas sa buhay kong 'to? Na lahat ng nagmamahal sa akin ay mawawala?

Nilingon kong muli si nanay. Ngunit, pag-lingon ko ay bigla naman itong nawala.

Bigla namang tumulo ang aking mga luha. Hindi ko na alam ang paniniwalaan ko. Naiiyak na lang ako sa mga nangyayari ngayon sa buhay ko.

Ang masakit nga lang ay nawala na yung mga taong andiyan upang tulungan ako magsimula ng panibagong buhay ng wala si Jake.

Humagulgol na lamang ako sa aking kinatatayuan at hinintay ang mga taong lalabas sa bahay nila tita upang liwanagin ang lahat.

"Mag-iingat ka, hijo. Lahat ng nakapaligid sa'yo ay mamatay kapag hindi ka nag-ingat at nagdalos-dalos ka sa mga gagawin mo."

Bumalik naman sa aking isipan ang sinambit kanina nang isang ginang. Napa-isip akong muli. Anong mamatay lahat? Tadhana ko na ba na talagang mag-layag ako sa buong buhay ko ng mag-isa? Bakit? Bakit ako? Andaming tao sa mundo, bakit ako?

Nagsimula kay Jake, sinundan nila tita at tito, at wala na dapat pang mawala kundi ako na. Nasa akin ang malas. Ako ang gumagawa ng kamatayan at kamalasan nila sa buhay kaya dapat ako na ang mawala.

To be continued...

The Blood of LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon