Break Up

123 13 0
                                    

PARA siyang tanga na nangingiting mag-isa nang maalala ang sandaling iyon ng pagkukulitan nila ng kasintahan at nang mga sandaling iyon napatunayan niya kung gaano siya kamahal ng kasintahan. Sa loob ng mga sandaling naroon siya sa tapat habang nakatanghod sa tirahan ni Alexander napakaraming alaala na tumatakbo sa kanyang isipan na nagpangiti sa kanya. Hanggang sa hindi nagtagal ay biglang nauwi rin sa kapaitan ang mga alaalang dumadaloy sa kanyang isipan dahil malinaw na nagbalik sa kanyang memorya kung paano nagwakas ang lahat sa kanilang dalawa.
        Tigalgal siya nang marinig ang sinabi ni Alexander. "Sabihin mong nagbibiro ka lang," aniya nang makahuma na sa kabiglaan.
        Mahigpit siyang niyakap ng kasintahan bago pinakawalan sa mga bisig nito. "I'm sorry, Michelle. I love you so much alam mo 'yan pero ang pag-iibigan din natin ang humahadlang sa pag-abot ng mga pangarap ko," panimula nito.     
       "Nasasakal na'ko sa relasyon natin kasi pakiramdam ko hindi mo kakayanin kung malalayo ako sa'yo kahit sandali. Sa loob ng tatlong taon nakita kong lagi kang nakadepende sa lahat ng sasabihin at gagawin ko. Hindi ko sinasabing pabigat ka dahil kasalanan ko naman na masyado kitang sinanay na nakadepende sa akin kaya heto siguradong mahihirapan ka kapag lalayo na ako."
       "Gusto kong pumunta ng ibang bansa para magkaroon ng matatag na kinabukasan at sariling pangalan nang hindi nakadikit sa impluwensya ng parents ko pero sa tuwing maiisip ko na lagi kang mangungulila sa akin, na lagi mo akong iiyakan na umuwi na agad ako at ang malaking posibilidad na mai-insecure ka sa mga makakasalamuha ko pinanghihinaan agad ako ng loob," pagpapatuloy pa rin ng lalaki na mababakas ang pamumuo ng luha sa mga mata nito. "Kaya naisip kong mas makakabuti kung maghiwalay na lang tayo para magkaroon ka ng pagkakataong maghanap ng iba na pupuno sa mga naging pagkukulang ko."
         Parang bombang sumabog sa kanyang harapan ang sinabi ng lalaki. Ang kanyang pinakamamahal na kasintahan iiwan na siya? "Pero bakit, Alex, bakit kailangang makipaghiwalay ka pa? Pwede naman kitang hintayin dito," maluha-luhang tanong niya. “Ayoko rin ng iba, gusto ko ikaw lang wala nang iba pa.”
        "Hindi ko kakayaning makita ka na nangungulila sa loob ng ilang taong walang katiyakan at hindi ko rin hawak ang sitwasyon para mapanatiling matatag ang relasyon natin," turan nito na kababakasan ng katatagan ng loob bagaman masasalamin sa mga mata nito ang paghihirap. "Sa ngayon masasaktan tayo pero bukas makalawa maghihilom din ang mga sugat natin dahil posibleng makahanap tayo ng kapalit. Mas maigi na'yon kaysa matagal tayong maghihintay but in the end hindi pala magwo-work out ang long distance relationship."
        "Kakayanin ko namang maghintay sa pagbabalik mo," umiiyak na giit niya sa lalaki.
        Umiling ito sa kanya bago masuyong pinahid ang mga luhang umiibis sa kanyang mga mata. "Siguro nga magagawa mo pero paano kung mabulag ako sa magandang kapalaran na nakahain sa'kin, paano kung may dumaan na tukso? Kakayanin ko bang iwasan 'yon kung wala ka sa tabi ko?" paliwanag nito. "Mas nanaisin ko pang saktan ka ngayon kaysa umabot pa sa puntong hindi mo na kakayaning bumangon kapag nawala ako sa buhay mo."
        "May third party ba?" tanong niya na bagaman pinapahid nito ang kanyang mga luha hindi pa rin ito tumitigil sa pag-alpas sa kanyang mga mata.
        "Wala, alam mo namang ikaw lang ang kaisa-isang babaeng minahal ko," tugon nito na kababakasan ng sinseridad. "Tanging ang mga pangarap ko lang ang karibal mo sa ngayon but I admit na malakas ang hatak nito sa'kin at alam nating pareho na kapag nanatili ako sa’yo hihilingin mong i-give up ang pangarap kong iyon dahil ayaw mong malayo ako sa’yo kahit sandali,” anito na may katotohanan talaga dahil sa tuwing nagpapahaging ito sa kanya na gusto nitong mag-abroad lagi niyang iginigiit na hindi naman nito kailangan magtrabaho sa malayo.
        “Patawarin mo sana ako at please pilitin mo namang unawain ang gusto kong mangyari," narinig pa niyang dugtong ng binata na hindi na niya tinugon basta niyakap niya na lang ng mahigpit ang lalaki at pilit hinahanap sa kanyang puso't isipan ang kapatawaran at pang-unawang hinihingi nito.
         Hindi niya namalayang may naglalandas na palang mga luha sa kanyang magkabilang pisngi habang inaalala ang huling pag-uusap nila ng kasintahan bago sila nagkahiwalay.    
         Napapahiyang pinahid niya ang mga luha nang makitang titig na titig ang batang babae na bumibili rin sa tindahan. Dali-dali niyang iniwan ang bote ng softdrinks sa pasilyo ng tindahan at saka nagmamadali ng umuwi ng kanilang tahanan upang doon na lang ulit sasariwain ang kanilang mga alaala.

Through It AllTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon