Tatay vs Nanay

53 6 0
                                    


“KUMUSTA ang pakikiharap ng pamilya ni Derreck sa’yo kagabi?” usisa sa kanya ng walang kangiti-ngiting ina habang nag-aalmusal sila.
         "Okey naman po, ‘nay,” nakangiting sagot niya. “Mainit ang pagtanggap nila sa akin at botong-boto silang lahat.”
         “Aba’y dapat lang, masyadong binaba mo na nga ang level mo dahil sa pakikipagrelasyon sa lalaking ‘yun,” nakaismid na turan ng ina.
         "Anong ibig mong sabihin, Richelle?” nakakunot ang noong tanong ni Michael sa asawa.
         "Nabalitaan ko lang naman na ‘yung Derreck palang ‘yon hindi na nag-aaral ngayon at paekstra-ekstra lang sa pagko-construction worker kasama ang tiyuhin at napasok din siya doon sa Coffee shop nila Benedict,” nakasimangot na pagsasaad ng ina. “Ang masaklap pa nito anak din pala siya sa pagkadalaga dahil nabuntis lang ng may-asawang pulis ang nanay niya at ‘yung mga kapatid naman ng boyfriend mo anak naman sa isang lalaking pamilyado rin kaya hindi kasamang lumaki ng mga bata.”
          “Ang tindi naman ng radar mo,” lalong kumunot ang noong sambit ng kanyang ama. “Saan mo naman nasagap ang mga balita ‘yan?”
          “Narinig ko lang naman sa tsismis d’yan sa labasan,” nasusuyang sagot ni Richelle. “Ang tali-talino daw ng anak natin pero bakit ganyan ang pinili niya. Masyado na raw siyang desperada kaya kung sino-sino na lang ang pinapatulan.”
          "’Nay, wala na akong pakialam sa sasabihin ng iba,” nakasimangot na wika niya. “Hindi pa ba kayo nasanay sa mga tao sa’tin, wala naman talaga silang magawa kundi maghalungkat ng baho ng iba.”
          "Kaya nga,” pagsang-ayon ng ama niya. “Totoo man o hindi, ang importante kaya niyang pasayahin ang anak natin. Kung tutuusin malaki ang utang na loob natin sa kanya dahil iniligtas niya sa matinding depression si Michelle,” pagtatanggol ng ama sa pinag-uusapang lalake. “Sa nakikita ko sa lalaking ‘yun mukhang mahal na mahal niya ang anak natin at naniniwala akong ang pagmamahal niyang iyon sa anak natin ang magbibigay sa kanya ng pangarap para umangat sa buhay.”
          “Aba’y dapat lang na mahalin niya si Michelle,” nakaismid pa ring wika ng ina. “Maswerte nga siya at pinatulan pa ng anak natin.”
           Napapailing na lang ang kanyang tatay dahil parehong alam nila na hindi naman likas na mapang-uri ang nanay niya, nagkataon lang na naiinis ito sa mga lumalabas na tsismis mula sa mga kapitbahay.
           “Maswerte din naman ang anak natin dahil kung tutuusin mas gwapo ‘tong si Derreck kaysa sa ex niya,” dagdag komento pa ng ama.
           Sabay silang napataas ng kilay dahil sa tinuran ng lalaki. “Hindi siguro,” naunang nagsalita ang nanay niya. “Di hamak na mas gwapo si Alexander kaysa sa lalaking ‘yun.”
          “Si Alexander mayaman lang at pormal ang itsura kaya lumilitaw ang gandang lalaki pero si Derreck very manly ang itsura at kung susuriing mabuti mas magandang lalaki ito,” pagtatanggol ng kanyang ama sa kasintahan niya.
          “Maganda lang ang tindig n’un pero hindi ibig sabihin gwapo na,” nakasimangot pa ring turan ng ina.
          “Ikaw, nadadala ka lang ng mga tsismis sa labas,” matatag na pahayag ni Michael sabay sulyap sa kanya na nanatili lang nakikinig sa pagtatalo ng mga magulang. “At ikaw naman, kahit hindi mo sabihin alam kong inlove ka pa rin kay Alexander kaya hindi ninyo nakikita ang mga katangian ni Derreck. Hindi ko sinasabing boto ako sa kanya pero nararamdaman ko bilang ama mo at isa ring lalaki na wagas ang pag-ibig niya sa’yo.”
          “Naniniwala rin akong hindi ganoon kadaling maka-recover sa paghihiwalay ninyo ni Alexander kaya kahit hindi ninyo sabihin ni Derreck alam kong hindi pag-ibig ang dahilan kung bakit kayo pumasok sa isang relasyon,” dagdag pa ng ama na tumpak na tumpak ang lahat ng sinasabi. “Para suungin niya ang isang relasyong walang kasiguraduhan dahil lang sa pagmamahal niya sa’yo base sa nakikita ko sa bawat sulyap niya sa sa’yo nagawa ni Derreck na makuha ang pagtitiwala ko sa kanya na kahit kailan hinding-hindi ka niya magagawang saktan.”
          Hindi na lang siya kumibo dahil aminado naman siyang tama ang ama, mapasahanggang ngayon tanging si Alexander pa rin ang nakikita ng kanyang mga mata kaya hindi niya ma-appreciate ang itsura ng kasintahan. Pareho silang natameme ng kanyang ina kaya sa halip na sagutin ang komento ng ama ay itinuon na lang ang nila pansin sa kinakain.

Through It AllTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon