Pang-aalo

90 12 0
                                    

HINDI nila namalayang alas-diyes na nang gabi nang makababa sila sa pampasaherong jeep dahil talagang nag-enjoy sila nang husto at simula nang iwanan ni Alexander ngayon lang nangyari na napatawa siya ng iba at panandaliang nalimutan ang sakit na dulot ng kanyang pagkabigo sa pag-ibig. Nakakatuwang isiping mayroon palang tulad ni Derreck na kaya siyang pasayahin kahit pansamantala lang dahil sa mga baon nitong jokes. Kuntudo-alalay sa kanya ang binata simula pa kanina kaya hindi niya alam kung iniisip ba nito na lasing siya ga'yung wala naman silang ininom na alak o sadyang gentleman lang ito na ilang beses na niyang napatunayan. Hindi na lang niya inabala pa ang sarili sa pag-iisip ng dahilan dahil aminin man niya o hindi gumaan ang pakiramdam niya habang nakasandig siya sa malapad nitong dibdib na parang dito niya natagpuan ang kapanatagan ng kalooban.
Gaya nang madalas gawin dumaan muli sila sa bahay ni Alexander at dahil gabi na'y malaya niyang napagmamasdan ang tirahang naging saksi ng kanyang pag-ibig at mga binuong pangarap. Palibhasa abala sa paglalambingan o tamang sabihing pag-aasaran ang dalawang kasama kaya balewala na lang sa mga ito kung bakit sila tumigil sa lugar na'yon.
"D'yan nakatira si Alexander," aniya na malungkot na tinanaw ang bahay sa tapat nila. "Dati madalas akong mag-stay d'yan lalo na kapag wala ang mga kasama niya. Ang saya-saya ko noon, akala ko hindi na magwawakas 'yun pero isang araw d'yan din sa bahay na 'yan naramdaman ko ang pinakamasakit na kabiguan nang sabihin niyang iiwan na niya ako."
Nakita niyang nagtiim-bagang ang binata at hindi nito naikubli sa mukha ang pagkaawa dahil sa nakikitang pag-ibig na inuukol niya sa taong nanakit sa kanya. Ngunit maliban sa awa sa kanya parang tila may naaninag din siyang kapaitan sa mga mata nito na hindi niya sigurado kung para ba sa kanya iyon o sa sarili nito na hindi man nito deretsong sabihin pero may pahaging na ito na gusto siya ng binata.
Niyakap siya ni Derreck at masuyong hinaplos ang kanyang likuran. "Alam ko mahirap gawin pero tulungan mo ang sarili mong kalimutan na siya dahil iniwanan ka na niya at hindi ka na kailanman babalikan. Naiintindihan mo ba'ko? Alam kong masakit pero sana magising ka na d'yan sa kabaliwan mo."
Sa sinabing ito ni Derreck hindi niya maiwasang mapaiyak dahil sa realisasyong pilit na iminumulat sa kanya ng binata. Tama naman ito, kung mahal nga siya o totoong minahal ng kasintahan sana hindi nito nagawang lumayo sa kanya at sana binigyan man lang siya ng assurance na babalikan pa siya.
"Sssssh! Please 'wag ka nang umiyak," pang-aalo nito sa kanya. "Nandito naman ako, mamahalin kita at tutulungan kitang kalimutan siya." Iniangat nito ang kanyang mukha at masuyong pinahid ang mga luhang patuloy na naglalandas sa kanyang pisngi. "Pangako, Michelle, hinding-hindi ako mawawala sa'yo," masuyong usal nito at minsan pa muli siyang kinulong sa mga bisig nito.
Nabigla man sa tahasang pag-amin nito sa nararamdaman sa kanya hindi niya maalis sa sariling bigla siyang nakaramdam ng kaginhawaan dahil sa mga pangako kaya nanatili na lang siya sa mga bisig nito at patuloy na tumangis na parang iyon na ang huling buhos ng kanyang mga luha. Kung gaano sila katagal sa ganoong pwesto ay hindi na nila namalayan at kung kailan huminto ang pagpatak ng kanyang mga luha ay hindi na rin niya napansin. Kung wala lang ang mga kasama marahil mananatili na lang silang magkayakap dahil sa mga yakap nito nakakaamot siya ng konting pag-asa. Sa kanyang puso't isipin nahiling niya na sana si Alexander na lang ang kayakap ngayon subalit tama si Derreck, wala na ito at hindi na kailanman mangyayari ang pinapangarap. Napasulyap siya sa mukha ng kayakap at nakita niyang bahagya itong ngumiti habang matiim na nakatitig sa kanya. Alam niya na gusto siya ng lalaki pero hindi niya batid kung gaano na ba siya kamahal ng binata subalit isa lang ang maliwanag, malaki ang maitutulong nito para tuluyan na niyang makalimutan ang dating kasintahan.


Through It AllTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon