Sermon ni BFF

28 6 0
                                    

"ANO naman ‘yung drama mo kanina?” seryosong tanong ni Glenda sa kanya pagkapasok nila ng kwarto.
            Wala silang kibuan mula sa simbahan hanggang sa maihatid siya nina Derreck at Benjie. Pagdating nila sa bahay niya nagpaiwan naman sa kanila ang kaibigan dahil humigit-kumulang alam na niyang mangyayari ang ganitong eksena na kokomprontahin siya nito dahil sa inakto niya kanina sa harapan ni Alexander.
           Yuko ang ulong sumagot siya sa tanong nito. “I’m sorry,” mapagpakumbabang usal niya rito dahil aminado naman siyang maling-mali talaga ang inasta niya kanina sa harapan ng mga kaibigan at ng mismong kasintahan niya.
          "Hindi ka sa akin dapat humihingi ng tawad, kay Derreck,” sumbat nito sa kanya. “Pinagmukha mo siyang tanga at katawa-tawa nang ipakita mo kung gaano ka naapektuhan sa paghaharap ninyo ni Alexander.”
           Nag-angat siya ng ulo bago sinalubong ang nanunumbat na tingin ni Glenda. “Alam mo bang awang-awa kami kanina kay Derreck dahil sa kabila ng lahat ng ginagawa niya hindi mo pa rin magawang kalimutan si Alexander,” dagdag na sumbat ng kaibigan na parang balaraw na humihiwa sa kaibuturan ng kanyang puso.
           "Hindi ko naman ginustong mabuhay na lang sa alaala ni Alexander at lalong hindi ko naman ginustong saktan si Derreck,” lumuluhang tugon niya sa mga sumbat ng kaharap. “God knows, pinipilit ko namang kalimutan siya pero hindi ko talaga magawa, sinusubukan ko namang mahalin si Derreck pero hindi ko talaga kaya dahil kahit anong pilit ko sarili ko si Alexander pa rin ang mahal ko.”
           “Ano ba naman kasing meron ang lalaking ‘yun at hindi mo siya magawang burahin sa isipan mo,” naaawang wika na ni Glenda bago tumabi na sa kanya sa gilid ng kama. “Kung tutuusin dapat noon mo pa siya kinalimutan dahil binasura na niya ang lahat ng pinagsamahan ninyo.”
           “Hindi ko talaga alam, Gee,” aniya. “Gusto ko na ngang iuntog ang ulo ko baka sakaling maburang lahat ang mga alaalang mayroon kami ni Alexander pero paano ko gagawin kung hanggang ngayon mahal na mahal ko pa rin siya.”
           “Mahirap nga talagang talikuran ang mga alaalang hatid ng ating mahal sa buhay kaya kahit makapanakit tayo ng damdamin ng iba sige pa rin tayo sa pagbubulag-bulagan sa mga taong totoong nagmamahal sa atin,” dugtong pa nitong muli but this time may pang-unawa na ang tono ng pananalita nito marahil naisip nito na hindi rin naman sila nalalayo ng nararanasan.
           “Tingnan mo ako,” anito na biglang nalukot ang mukha sa suya. “Kahit harap-harapang binabandera sa akin ni Benedict ang mga nagiging girlfriend niya hindi pa rin ako makapag move-on,” dugtong pa nito. “Si Benedict pa rin ang pinapangarap kong makasama at hanggang ngayon umaasa pa rin na ako pala ang babaing makakapagpatino sa maligalig niyang puso.”
           "Pero, Michelle, hindi mo ba talaga naiisip kung gaano ka kaswerte para magkaroon ng isang Derreck na tapat na nagmamahal sa’yo,” muling saad nito sa kabila ng pananahimik niya. “Kung makikita ko lang na ganyan na’ko kamahal ni Benjie o ng kahit sinong lalaki malamang kinalimutan ko na rin si Benedict. Hindi mo ba nararamdaman kung gaano ka kamahal ni Derreck at hindi pa ba sapat ‘yun para tuluyan ka ng lumaya sa nakaraan ninyo ni Alexander?”
           “Ayoko rin namang gawing panakip-butas lang si Derreck kaya inis na inis na’ko sa sarili ko,” aniya na patuloy na tumatangis. “Kung may paraan lang sana para hindi na ako umaabot sa puntong makakapanakit pa’ko ng ibang tao tulad ng ginagawa ko ngayon kay Derreck ginawa ko na sana kaya lang talagang mahirap gawin dahil hanggang ngayon nababaliw pa rin ako sa kanya.”
            “Pero sana, Mich, habang hindi pa huli ang lahat timbangin mo na sa sarili mo kung sino nga ba ang dapat manatili diyan sa puso mo,” payo ni Glenda. “Alam ko mahihirapan kang gawin ‘yun but sooner or later kakailanganin mo talagang mamili sa dalawa.”
            “Kung ako ang papipiliin mo, si Derreck na ang pagtutuunan ko ng atensyon ko kasi sa kanya alam na nating hindi ka niya sasaktan dahil mahal na mahal ka niya,” dugtong pa nitong muli.
            Hindi na lang siya kumibo dahil alam niyang may katotohanan ang lahat ng sinabi ng kaibigan. Subalit hindi pa talaga siya handang talikuran ang magandang pinagsamahan ng dating kasintahan kaya nanahimik na lang siya hanggang sa makauwi na ang kaibigan.


Through It AllTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon