Prologue

10.9K 299 18
                                    


     October 24, 2009

      "Kakapasok lamang po na balita. Natagpuang patay sa kanyang tinutuluyang condominium unit ang dating aktres at businesswoman na si Athena Del Mundo, asawa ng business tycoon na si Carmelo Del Mundo. Matatandaang naging mainit na topic sa showbiz news ang pakikipaghiwalay ni Athena sa kanyang asawa matapos ang labing limang taon na pagsasama. Wala pang lumabas na resulta sa imbestigasyon at humihiling ang pamilya ni Athena Del Mundo ng panahon ng pagdadalamhati at piniling huwag nang magbigay ng pahayag ukol sa pangyayaring ito. Naiwan ni Athena Del Mundo ang kanyang nag-iisang anak na lalaki na si Winchester Del Mundo."

    Gulat si Aling Chona sa kanyang nakita sa TV habang nagluluto ng hapunan para sa kanyang asawang tricycle driver at dalawang anak na papauwi pa lamang mula sa eskwela. Hinahangaan niya ang napabalitang namatay na si Athena Del Mundo at parang hindi pa rin niya mapaniwala ang sarili na ito ay papanaw sa hindi mapaliwanag na dahilan.

    "Nakakatakot talaga ang mundo ng mayayaman. Hindi na natin alam kung ano ang pwedeng mangyari sa'yo dahil sa dami ng pera mo." biglang nagsalita ang asawa ni Aling Chona na si Oscar.

    "Mabuti nalang talaga ang hindi tayo naging mayaman. Kahit simple lang ang buhay natin, hindi natin nararanasan ang mga ganitong klaseng pangyayari. Nakakaawa lang si Athena. Napakabata pa niya para pumanaw."

     Tumayo ang asawa ni Aling Chona at pumasok sa banyo upang maligo.

     "May mga bagay talaga na hindi natin malalaman. Mga bagay na tanging mayayaman lamang ang makakaintindi." usal pa nito bago simulan ang pagligo nito.

     Umiling na lamang ang ginang at inayos na ang kanilang mesa dahil ilang sandali nalang ay maluluto na ang tinolang manok na kanyang niluto. Dumating na rin ang panganay niyang anak na pinagpapasalamat niya sa Diyos. Isa itong responsable ang mabait na bata. Marunong na ito sa maraming bagay at marami na rin itong nakakamit sa eskwelahan sa edad nitong kinse.

    "Luke, mabuti naman at dumating ka na. Kakain na tayo. Nasaan si Jacob?" tanong ng ginang sa kanyang anak na kinataas lang nito ng kilay.

    "Mama.. Pinapapunta ka ni Mrs. Gerona sa principal's office bukas. Gumawa nanaman ng gulo si Jacob."

    Napakamot ng ulo si Aling Chona sa narinig niya mula sa anak. Ano nanaman ang kinasangkutang gulo ng bunsong anak niya? Kung anong kinabait ng panganay niya ay siya namang sakit ng ulo na bigay sa kanya ng bunso.

   Dumating ito na may pasa sa mukha na agad na linapitan ni Aling Chona. Lumayo ang bunsong anak niya mula sa kanya at naupo sa sofa ng kanilang sala.

    "Ano nanaman bang nangyari, Jacob? Nakipagbugbugan ka nanaman ba sa mga barkada mong wala nang ibang ginawa kundi bigyan ako ng sakit ng ulo?"

    Napailing lang si Jacob sa sermon ng kanyang ina. Wala na itong nakita kundi ang mga ginagawa niyang mali sa mata nito.

    "Katorse anyos ka na, Jacob. Matuto ka nang maging responsable sa mga ginagawa mo. Ayokong mabalitaan ko nalang isang araw na nasa ospital ka na dahil diyan sa ginagawa mong 'yan."

    "Pinagtanggol ko lang si Gerald, Ma.. Ano bang masama dun? Hindi ba pwedeng ipagtanggol mo ang taong wala manlang kalaban laban sa mga gagong classmate ko?"

     Lumapit ang ginang sa kanyang ina at tinaas nito ang nakayukong ulo ng anak. Kita niya ang mumunting pasa sa pisngi nito at sa gilid ng kanyang bibig.

    "Pwede mong ipagtanggol ang isang tao na hindi gumagamit ng dahas, Jacob. Hindi tama na mananakit ka ng tao dahil lang sa inaapi ito ng kapwa niya."

The Heir (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon