Sa sugal, minsan nanalo ka pero mas madaming beses ang natatalo ka.
Sa buhay, maaring swerte ka ngayon, pwede rin namang malas ka bukas.
At sa pag-ibig, may tsansang mahalin ka din ng mahal mo. Ang iba naman, hindi magawang mahalin ng mahal nila.
At alam niyo kung saan ako sa tatlong 'yan? Sa sugal, ako yung laging talo. Sa buhay, ako 'yung malas. Hindi lang sa mundo kung hindi pati sa pamilya. At sa pag-ibig? Wala ako diyan sa dalawang 'yan. Dahil hindi naman ako nagmamahal.
O… Hindi ko pa nararamdamang may mahal na pala ako?
Pagpasok ko sa classroom, magulong upuan na agad ang tumambad sa akin. Walang bago. Natural lang ang lahat. Kapag nasa lower section ka, walang lugar ang malinis at tahimik na classroom.
In short, lahat kami dito walang pag-asa sa buhay.
Gaya ng sinasabi ng mga teacher namin, kami 'yung malas sa lipunan.
"'Tol gago, dumaan kami sa pilot section, and boom! Dami pa ring magagandang babae!"
Sinuntok ako ni Jose, tulad ko wala ring plano sa buhay. Pero hindi naman ako gaya niya na kulang na lang ay maglaway sa mga magagandang babae.
Hindi naman sa nagmamalinis ako. Siyempre, gusto ko rin ang magagandang babae. Iyon nga lang, hindi ako 'yung kagaya niyang sobrang effort sa paghahabol sa babae.
Ayoko ng naghahabol. Mahirap. Bukod sa mukha kang tanga, may pag-asa pang abusuhin ka.
"Si Anne? Grabe! Sobrang ganda. Ang talino pa!"
"'Tsaka mo na pangarapin ang ganyang mga babae kapag may ibubuga ka na." paalala ko.
Dahil ganoon naman sa mundo.
Kapag naghangad ka ng mas angat sa'yo, dehado ka. Dapat 'yung kapantay mo lang. At kung gusto mo mang mangarap ng mas angat sa'yo, ayusin mo muna ang sarili.
Dumating pa ang iba naming kaklase at mas lalong naging maingay lalo na dahil may pinagkaguluhan agad sila sa cellphone.
Sa section namin, mas lamang ang lalaki. Kaya natural na maingay at magulo sa lugar namin. Samin din galing ang mga pangalang laging present sa guidance.
Siyempre, 'di ako mawawala doon.
I'm not a bad boy but I'm not a kill joy too.
Natural na talaga sa'ming mga lalaki ang magulo, maingay at gumawa ng gulo.
"Sama ka Par? Punta kaming field."
Kumunot ang noo ko.
"Cutting?"
Ngumisi ito at tumango.
Bitbit nilang lahat ang mga bag nila. Kalahati ng populasyon ay nasa labas na. Bago pa man ako mahuli, kinuha ko na rin ang bag ko at sumunod na.
Para sa'kin, aanhin pa ang pag-aaral kung sa school namin, patapon na ang tingin sa'min?
Hindi ako matinong tao, pero hindi ako bulag sa pamamalakad nila sa school.
Kapag nasa lower section ka, wala kang pag-asa. Hindi ka na dapat bigyan ng atenyon dahil wala ka na rin namang mararating sa buhay mo. Sa pilot? Maswerte ka kapag nasa section ka niyan. Ibig sabihin mataas ka. May ibubuga ka. May karapatan ka pang tuparin ang pangarap mo.
That's how unfair the life is.
Kaya dito sa school, kung gusto mong tuparin ang pangarap mo, mag-aral ka ng maigi. Dahil bawat araw dito, nasa gera ka. At kailangan mong ingatan ang pangarap mo.
