"Huwag mo nga akong kuhanan ng picture!" singhal niya habang tinatakpan ang maliit niyang mukha.
"Paano kung ayoko?" patuya ko habang kinukuhanan pa rin siya.
"Gaspar!" saway niya pa rin.
Natatawa kong ibinaba ang camera ko.
"Huwag kang madaya, Chairy. Tinulungan kita sa drawing mo. Tulungan mo naman ako sa pag-eensayo ko. Bumawi ka."
Ngumiwi ito sa akin, mukhang wala talagang balak na pagbigyan ang gusto ko.
"Huwag ako ang gawin mong subject sa ganyan, Gaspar… pangit ako."
Tumaas ang kilay ko at unti unting natanto ang sinasabi niya.
Pangit siya… oo, siguro nga lalo at pagdating sa pisikal na anyo. Pero, pasensya siya at nagbago na ang tingin ko sa kanya. Para sa akin, hindi na siya ang pangit at patapon na Chairy.
"Ikaw na mismo ang nagsabi noon. Na pangit ako. Kaya huwag mo na ako kulitin sa ganyang bagay."
Napatikom lalo ang labi ko.
Kasalanan ko 'to.
Ilang beses kong sinabi sa kanya iyon para lang mawala ang kung anong iniisip niya. Maraming beses ko ngang sinabing ang pangit niya pero ang totoo, kabaliktaran na ang tingin ko sa kanya.
Tumingin siya langit. Pinanonood niya ang dahan dahang pagpapalit ng araw at buwan.
"Alam mo ba kung sinong nandiyan palagi kapag nag-iisa ang tao sa gabi?"
"Sino?" kuryoso kong tanong lalo at mukhang seryoso siya.
"Ang buwan."
Ngumiti ako at tumango. Tama nga siya lalo na at noong ipagpalit kami ni Mama sa iba, sa buwan lang ako tumingala at umiyak.
"Hindi ito katulad ng mga tao. Na bigla na lang aalis at iiwan sa huli."
Hindi natanggal ang tingin ko sa kanya.
"Kapag malungkot ka, andiyan ito. Kapag masaya ka, tumingala ka lang at makikita mo ang buwan. Iniisip mong mag-isa ka sa mga problema pero ang totoo, andiyan ang buwan para samahan ka."
Napakunot ang noo ko.
"May pinagdadaanan ka ba?" tanong ko, dahil kung sasabihin niyang wala, hindi ko ata mapapaniwalaan iyon.
Siguro nga, ilang buwan pa lang kaming magkakilala. Pero alam ko… Ramdam ko. May problema siya.
Tinignan kong maigi ang mata niya. Nakikita ko doon ang repleksyon ng madilim na langit at ng maliwanag na buwan. Sinasabi niya mang namamangha siya, alam ko namang mayroong siyang tinatagong problema.
"Sabihin mo sa 'kin, Chairy. Susubukan kong makatulong…"
Tumingin siya pabalik. Akala ko magkekwento na siya pero hindi pala. Ngumiti lang ito at umiling.
"Wala akong problema. Nagsasabi lang ako ng opinyon ko."
Dahan dahan akong tumango.
"Pero kung may problema ka, sabihin mo lang sa akin. Handa akong tumulong."
Hindi siya nagsalita pa. Tumingin na lang ulit siya sa buwan at malalim na nag-isip.
Mas lalo ko lang napatunayan sa sarili ko na mahirap nga siyang abutin. Magagawa mo lang hawakan ang katawan niya pero ang isip niya, hirap mong maaabot. O baka hindi mo talaga maaabot kahit ang tuldok sa iniisip niya.