"Gago ka! Sabi mo may titignan ka lang, tapos ngayon may isang linggong community service ka na?" si Jose nang magkita kami pagkatapos ng dalawang araw.
Lunes ngayon, at araw na naman ng flag ceremony. Pinakanakakatamad na araw sa bawat linggong lumilipas.
Pinaikot ikot ko na lang sa kamay ko ang keychain at madilim iyong tinignan.
Ang amo mo Naruto, hindi pa rin nagpaparamdam. Parang hindi ako nagsasakripisyo mamaya sa parusang gagawin.
"O? Mahilig ka na sa Naruto? Nakailang episode ka na?" aniya at sinubukang kuhanin ang keychain pero inilayo ko.
"Huwag mo ngang dumihan ang alaga ko."
"Wow! Kailan mo nagustuhan si Naruto? Siguro nahuli ka kasi nag-Shippuden technique ka?" tanong niya habang sinusuntok suntok ako sa balikat. Tumatawa tawa pa!
"Nanonood ka ba ng Naruto?"
"Hindi 'tol, bakit? Balak mo ata na impluwensyuhan ako?"
Umiling ako.
"Ako rin hindi." sabi ko at pinaikot ikot ulit ang keychain sa kamay.
Mahilo sana 'to. Tapos pati ang amo niya.
Ngumuso ako para pigilan ang ngiti dahil sa naiisip.
"Weird mo," aniya at iniwan ako para puntahan ang iba pa naming kaibigan.
Hindi pa tapos ang flag ceremony pero tumakas na agad ako paakyat sa classrom namin.
Dahil halos lahat ng teacher ay nasa ibaba, sigurado akong hindi ako mahuhuli. Kung mahuli man, ano naman? Isang linggo naman akong gagawa ng paglilinis kaya ayos lang. Sulitin ang parusa.
Napabagal ang paglalakad ko nang mayroon akong narinig na kaluskos.
Ano na naman ito?
Napapahamak ako sa mga ganito, e.
Kahit na nagdadalawang isip, unti unti akong pumasok sa classroom. Maingat ang bawat paghakbang ko. Kahit na ang paghinga ko, pinipigilan ko para lang hindi ako marinig kung sakaling tao man ang may gawa noon.
Unti unting umusbong ang ngiti sa akin.
Nang makita ko ang likuran ni Minion Girl, tumakbo na naman ang kalokohan sa isip ko.
Gugulatin ko sana siya. Handa na ang dalawang kamay kong kakalabit sa balikat niya nang bigla niya akong sikuhin sa mata
"Parang tanga, pota." reklamo ko sabay hawak sa mata kong tinamaan niya.
"Hala! Sorry, sorry, hindi ko alam. Sorry,"
Sinibukan niyang hawakan ang mata ko, para bang matatanggal ang sakit kapag hinaplos niya.
Mabilis kong hinawi ang braso niya.
"Ano ba?! Ang sadista mo naman!"
"Eh bakit ka kasi nasa likod ko? Akala ko kung sino na!"
Kumunot ang noo ko.
Ngayon lang natanto ng bobo kong isip na nandito ulit siya! Nakauniform at nasa classroom pa namin.
"Bakit kasi andito ka?" tanong ko sahay hila ng isang upuan malapit. Umupo ako doon habang iniinda ang sakit ng mata.
"E bakit andito ka din? May flag ceremony, a?"