Goodmorning…
Hindi ko alam kung bakit paulit ulit na binabati iyan ng ilan ganoong wala namang maganda sa umaga.
Anong maganda sa pagpasok? Sa paggising ng umaga? Sa panibagong araw na wala ka na naman ibang gagawin kung hindi maging tamad at tarantado?
Wala. Wala naman.
Lalo na at kung may epal kang kaibigan na umaga pa lang ay daldal na nang daldal.
"Dapat kasi hindi ka na gumagawa ng parusa na 'yan, Gaspar! Sayang, may pustahan pa naman kahapon!"
Umismid ako sa kanya.
"Nakakasawa maglaro." tugon ko.
Sa dalawang bagay lang talaga umiikot ang buhay ni Jose, sa babae at sa laro. Wala ang pag-aaral. Wala ang salitang seryoso sa kanya. Sa amin.
Naglalakad na kami sa malawak na eskwelahan at ang bawat na nadadaanan namin ay binabati niya.
Jose is very friendly. Kung matino siya at nasa pilot, pwede siyang magawaran ng Most Friendly Award sa recognition. Hindi ako gaya niya pero dahil palagi siyang buntot sa akin, lumalaki na rin ang mundo ko.
Ayos lang sa akin. Hindi naman ako introvert o extrovert na tao. Sakto lang. Minsan gusto ko makipagsocialize, minsan ayoko.
Aakyat na sana ako para sa hagdanan kung saan ang daan papuntang room ng bigla naman akong hatakin ni Jose papuntang room ng mga pilot.
"Titignan ko lang si Anne! Support naman diyan, boy." kinindatan niya ako.
"Tangina mo, nasabi mo pa 'yan e hinatak mo na nga ako."
Tumawa siya sa akin. Alam kong hindi dahil sa nakakatawa ang sinabi ko kung hindi para ipakita niya ang masayahin niyang mukha kay Anne.
Umiling na lang ako.
Nilagay ko sa bulsa ang kamay ko habang sinasamahan siyang maglakad.
Mukha siyang tanga kakasilip sa bintana. Hinayaan ko na lang.
Napatingin naman ako sa ibaba. Hindi ko alam kung bakit nagulat pa ako nang makita ko si Minion na walang ganang naglalakad sa ibaba.
Ngumisi ako.
Nakalagay sa likod ang mint green niyang bag pack. Mayroon siyang suot na maluwag na sweater ngayon at kung hindi ako nagkakamali, isang anime ang nakaprint doon.
Mas lalo siyang nagmukhang payat dahil doon. Mukha siyang hanger sa totoo lang.
"Sino 'yan, Par?" sumilip din si Jose kaya napahinto kaming dalawa. "Si transferee 'yon a?"
"Bakit mo pa tinatanong ang halata na, Jose?"
Inakbayan ko siya para makapaglakad na ulit kami.
Sumisipol sipol ako habang naglalakad. Ang katabi ko naman ay halos mabali ang leeg sa kakalingon.
Pagpasok namin sa room, magulo na naman. Kumpulan ang mga lalaki at ang mga babae ay nagpapayabangan sa mga make up nila.
Another usual boring day.
Umupo ako sa upuan ko. Nakisama ako sa ilang pinag-uusapan ng mga lalaki. Ilalabas na sana namin ang kanya kanyang cellphone namin para sa ML nang bigla namang mayroong kumalabog sa unahan.
Napatingin kaming lahat doon.
Agad namang namilog ang mata ko nang makita si Minion na pinalilibutan ng mga babae naming kaklase.