Excited ako palaging umuwi dati. Ha! Huwag kayo dahil mas doble na 'yon ngayon. Talagang pumapasok na lang ako para hintayin ang uwian. Dahil para sa'kin, iyon ang pinakamasayang parte ng araw ko.
"May laro mamaya. Pustahan sa halagang dalawang daan. Sayang 'yon kaya sumama ka."
Umirap agad ako sa panimula ni Jose.
"Ayoko. May gagawin ako. Importante kaya huwag mo na akong pilitin pa."
"Magkukunwari ba kong walang alam kung ano ang importante na 'yan?"
"Mali ang iniisip mo." nag-iwas ako ng tingin.
"Wala pa naman akong sinasabi a? Bakit defensive ka?" patay malisya niyang tanong bago tumawa ng nakakaloko. "Pero seryoso, sumama ka. Wala namang gagawin mamaya kaya magcutting na lang tayo. Ano?"
Bumuntong hininga ako.
Sayang nga 'yon kung tutuusin. Pero mas sayang naman kung palalagpasin ko ang araw na 'to para masabayan siya sa pag-uwi.
"Ayoko."
"Sus! O sige, tatapusin agad natin ang game. Kapag uwian na, tapos na rin ang laro. Para naman makaharot ka pa."
Mabilis ko siyang siniko. Tinignan ko rin ang paligid at nang makitang may kanya kanyang mundo sila, huminahon ako.
"Ang ingay mo Jose! Mamaya ay makarinig sa'yo!"
"So haharot ka nga?" namilog ang mata niya at hinampas ako sa dibdib. "And landi mo!"
Hahampasin ko rin sana siya nang bigla namang dumaan sa gilid namin si Minion. As usual, nakahoodie na naman siya kahit na sobrang init dito sa school.
"Chairy!"
Namilog ang mata ko at mabilis na binatukan si Jose.
Dahil lang naman sa pagtawag niya, huminto si Chairy at humarap sa amin.
Matangkad kami ni Jose, halos parehas lang ang height namin kaya ngayong nasa harap namin ang maliit na ito, para siyang naligaw na pusa.
"Bakit?"
"Wala! Pa-epal lang 'yan si Jose kaya huwag mong pansinin." sambit ko at inakbayan ang kaibigan ko.
Hihigitin ko sana siya palayo. Kaya lang, tinanggal niya ang pagkaka-akbay ko sa kanya at pinilit na makipag-usap kay Chai.
Napansin iyon ni Chairy kaya naman umatras na lang ako at tumahimik.
"May gagawin ka mamaya?"
Kumunot ang noo niya, halatang nagtataka.
Siyempre, kahit ako magtataka kapag biglaan na lang akong tinanong ng isang taong hindi naman ako madalas kausapin.
"Wala naman. Bakit?"
"Ah! Magpapagawa sana ng portrait sa'yo itong si Gaspar. Pwede ba 'yon?"
Tinignan ko nang mariin ang kaibigan ko.
Anong sinasabi ng bobo na 'to?
Alam kong magaling magdrawing si Chairy. Sobrang galing sa totoo lang. Pero ayoko pa ring magpadrawing ng kung ano sa kanya. Bukod sa 'di ko alam kung paano magsasabi sa kanya, hindi ko rin alam kung ano ang ipapaguhit ko.
"Gano'n ba…"
Nalipat ang tingin ko kay Chairy. Hindi naman siya galit o naiinis. Nilagay niya ang kamay niya sa bulsa ng hoodie niya bago ako tignan.