"Ang sakit ng likod ko, 'tol!" hinawakan ni Jose ang likuran niya at umarteng nasasaktan. "Sa susunod, huwag ka ng magtatapon ng bagay na hahanapin mo rin pala!"
Sinuntok ko ng mahina ang braso niya.
"Huwag ka ngang maingay! Baka mamaya ay may makarinig sa'yo!"
Kumunot ang noo niya
"Ano naman kung mayroong makarinig? Lintek, keychain lang naman 'yon. Bakit parang sobrang importante sa'yo? Nagiging weird ka na, a."
Natahimik ako dahil ako mismo hindi maintindihan kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Ang ginagawa ko.
Bakit ko nga ba hinanap ang keychain na iyon? Bakit ko pa sinuyod ang bakanteng lote na iyon para lang sa keychain? Sa totoo lang, hindi ko talaga alam.
Pero sa isip ko, naiisip ko na baka…
Baka kasi… Magalit si Chairy. At baka… Iyon lang ang tanging alaala ko sa kanya.
Erase.
Ayoko nang isipin kung ano ito dahil baka mabaliw ako ng tuluyan. Ang mahalaga, nahanap ko si Naruto.
"Huh? Si Tingting iyan 'di ba?"
Tinuro ni Jose ang hallway na tapat ng room namin. Nakita ko si Minion doon na pinapalibutan ng mga babaeng kaklase namin.
"Anong mayroon? Sa make up na naman ba?" tanong ni Jose.
Imbes na tumunganga, mabilis ang naging hakbang ko papalapit sa kanila. At habang papalapit ako, kitang kita ko kung paano nila pagtulungan ang nag-iisang si Minion.
"Ang landi landi mo! Sa dami ng lalaki, pilot pa talaga! At ano, sa labas mo nilandi para hindi namin malaman?!"
Sasampalin sana ni Clarise si Chai kung hindi ko lang nahablot ang braso niya.
Ngayon, wala na akong pakialam kung away babae 'to. Kung mag-aaway sila, sana ay 'yung patas! Hindi 'yung lahat laban sa isa. At isang tingting pa talaga ang pinagtutulungan nila, huh?
"Huwag kang makialam dito, Gaspar! At huwag na huwag mong ipagtanggol ang malanding 'yan!" susugod pa sana siya kung hindi lang ako nakapagitna sa kanila.
Ang resulta, imbes na si Chairy ang masaktan niya, ako pa ang nahampas!
"Tangina Clars, pareparehas tayong mag-guidance kung magiging ganito ka!" sigaw ko sa kanya.
"Tama si Gaspar, Clarise. Kung mag-aaway kayo, huwag dito. Sa labas niyo na lang ituloy 'yan." singit ni Kris na kanina pa pala nandito.
Sana ay kanina niya pa sinaway 'di ba?
Lumingon ako kay Minion. Inaayos niya na ang mga gamit niyang nagkalat sa sahig. Ang iba namang nangaway sa kanya ay mga nawala na at mukhang pumasok na sa loob.
Dahan dahan akong lumuhod para matulungan siya.
"Sana ay hindi ka na lang pumagitna. Kaya ko naman ipagtanggol ang sarili ko."
Inis kong inabot sa kanya ang mga drawing niya.
"Hindi ka ba marunong magpasalamat? Iyon na lang sana ang sabihin mo imbes na ganyan."
Taas ng pride! Alam mo 'yun? Mas mataas pa sa height niya.
"Dude! Hero ka na pala!" tinapik ako sa balikat ni Jose.
Umupo din siya at tumulong sa aming kolektahin ang mga gamit sa lapag.
Wala talaga ako sa mood para patulan ang mga sinasabi niya. Bukod sa masakit talaga ang katawan ko sa pagbabasketball at paghahanap ng keychain kahapon, masakit din ang ulo ko kakaisip.
