"Wala si Kris! Hindi daw makakapunta. Biglang nagkasakit."
Hindi ko alam kung bakit sinabi pa sa akin ni Jose 'yan.
"So? Anong gusto mong gawin ko?" tumaas ang kilay ko kay Jose. "Hindi ko naman mapapagaling si Kris kahit gusto ko."
Bigo niya akong tinignan. Inakbayan bago magsalita.
"Ang sinasabi ko, kung wala si Kris e 'di ibig sabihin, walang katabi si Peter sa bus!"
"Tapos?"
"Eh saktong wala ring katabi si Chairy…"
Mas lalong kumunot ang noo ko. Hindi gusto ang pinapahiwatig ng walang hiyang 'to.
"T-Tapos? Huwag mo sabihin saking magkatabi sila?"
Ngumisi siya. Mas lalong lumapit sa akin at bumulong.
"Hindi… Dahil may plano na kaagad ako. Ang galing kong kaibigan hindi ba?"
May plano raw siya… Bakit parang hindi ko gusto 'yon?
Sa tinagal naming magkaibigan, wala pa kong nagustuhan sa ginawa niya. At sa sampung pinlano niya, labing isa ang palpak! Nakakadala na magtiwala ulit sa kanya. Baka sa susunod, mamatay na lang ako dahil sa plano niya kuno.
Madilim pa ang langit. Kitang kita mo pa ang mga bituin. Nakahilera na ang mga bus sa harap namin pero dahil wala pa ang mga teacher, hindi pa kami makapasok.
Nilingon ko ang mga kaklase ko. Walang bago, nagkukumpulan na naman ang mga babae. Hindi ata talaga sila nauubusan ng pag-uusapan. Samantalang ang mga lalaki, sila Peter, naglalaro na naman.
Bumagsak lang ang balikat ko nang hindi ko makita ang hinahanap ko.
"Where the hell is that girl?"
Alam naman siguro noon na bawal malate 'di ba? Maaaring importante siya sa buhay ko. Pero rito sa school, hindi hihintayin ang gaya niya dahil 'di naman siya espesyal.
Ang resulta tuloy, sa buong minutong paghihintay, busangot ang mukha ko. Hindi ko kayang mag-enjoy gaya nila Jose na walang inatupag kung 'di laro kahit nakapasok na kami sa bus.
"Ano ba, 'tol? Sa lamay ba tayo pupunta? Bakit hindi ka man lang ngumiti riyan?"
"Anong gusto mo? Ngumiti ako na parang tanga?" ngumiti nga ako, sinadya kong ilabas ang ngipin ko sa harap niya. "Ganito ba?"
Humalakhak siya. Nagawa pang hampasin ang balikat ko.
"Gago! Hindi porquet wala ang crush mo, Biyernes Santo na ang mukha mo." tumayo siya dala dala ang bag. "Sige, roon muna ako kay Peter. Maglalaro kami. Wala ka naman sa mood, eh."
Hindi na niya hinintay ang sasabihin ko. Agaran na siyang nagmartsa papunta sa kaibigan naming ilang upuan lang ang layo.
Limang minuto bago umalis, wala pa rin siya.
Punyeta. Pinaasa lang ata ako. Nakakainis. Parang sarap tuloy suntukin ng bintanang nasa gilid ko. Kagigil!
Pasarado na ang bus. Mas lalo lang akong maiirita kapag naramdaman kong aandar na ang bus kaya nagsuot na lang ako ng earphone bago pumikit.
May naramdaman akong umupo sa tabi ko. I know it's Jose. Bumalik na ata dahil aalis na. Malas niya lang dahil talagang wala ako sa mood ngayon.
Maaga akong nagising kanina kaya ang pagpikit ko, nauwi sa pag-iglip. Nagising na lang ako nang may araw na. At paglingon ko sa tabi, halos mapatalon ako nang hindi si Jose ang nakita ko!