CHAPTER 26
NIANA'S POV
HINDI KO alam kung nagkataon lang o talagang ito 'yon. Kamukhang-kamukha ng tunnel na ito 'yong tunnel na dinadaanan ko sa first vision ko.
May mga dim light din sa itaas. Ang kaibahan nga lang, wala na 'yong mga bintana kung saan ko nakikita 'yong mga nangyayari sa buhay ni Sophia. Wala na ring pader na humaharang kung saan nakalagay 'yong year kung nasaan ako. Pero kahit gano'n, I can feel the same ambiance sa tunnel na nakita ko sa first vision ko at sa tunnel na dinadaanan namin ngayon.
Tahimik ang lahat ng mga naglalakad. Hindi ko alam kung dahil wala silang mapag-usapan o dahil sa tensyon na nararamdaman ng bawat isa sa amin. Sa vision na ito para na talaga akong totoong tao. Hindi lang dahil tensyonado at kabado ako, kundi dahil lahat ay nakikita ako.
Akala ko noong una, si Miniso lang ang nakakakita sa akin. Pero dumating si Jiji. Hanggang sa 'yong mga sundalo sa safe zone, pinapasok ako. Nakilala ko si aling Lanny, at ang mga anak niya. Lahat sila nakikita ako. Lahat sila nararamdaman ako.
Natatakot tuloy ako sa posibilidad na baka nasa loob na ako ng vision na ito. Na baka hindi na ito simpleng vision lang at baka narito na talaga ako sa taon na 'to.
Kaso imposible. Imposibleng mangyari 'yon dahil ayokong mangyari 'yon. Hindi ko na alam ang gagawin ko kung pati katawan ko mapunta sa taon na 'to.
"Hanggang dito na lang kami. Sa dulo ng tunnel na ito, sa bukana, may mga sundalong mag-aabang sa inyo ro'n. Sila ang magdadala sa inyo sa pinakaligtas na lugar. Kailangan naming masiguro na ligtas kayong lahat na makakapunta ro'n, kaya magpapa-iwan kami rito para maging look out," paliwanag ng isang sundalo nang huminto sila dahilan para mapahinto rin ang lahat sa paglalakad.
Kanina tahimik ang lahat, pero ngayon, naghalo-halo na ang iba't-ibang reaksyon. 'Yong iba natatakot kasi hindi naman nila alam kung talaga bang may naghihintay sa kanila sa dulo ng tunnel. 'Yong iba parang nakahinga nang maluwag dahil may nakikita pa silang pag-asa. 'Yong iba naman, hindi maipaliwanag ang mga mukha. Para silang tutol, pero wala silang magawa.
"Sige na, magsimula na kayong maglakad. Baka abutin pa kayo ng mga kalaban," sabing muli ng sundalo, dahilan para magsimula na muling maglakad ang mga tao.
Tahimik muli kaming naglakad. May mangilan-ngilang nakikipag-usap sa mga kasama nila, but mostly, tahimik. 'Yong iba tulala. Halatang pagod na pagod na sa lahat ng mga nangyayari.
Kahit ako.
Nakakapagod talaga.
Nakakatakot, nakakakaba, nakaka-iyak.
Sa ganitong punto, parang ang kaya mo na lang gawin ay umiyak. Paulit-ulit na matakot. Paulit-ulit na magdasal at humiling na sana matapos na ang lahat ng ito.
Never in my dreams na naisip kong ganito kahirap ang mabuhay sa gitna ng giyera. Sa gitna ng bakbakan. Palagi ko lang nakikita sa TV, sa balita, na magulo ang lahat kapag may labanan. Pero hindi ko iniisip na ganito kahirap 'yon para sa mga taong apektado. Hindi ko naisip na ganito nakakapagod ang malagay sa peligro. Hindi mo tiyak kung mabubuhay ka pa pagkatapos ng giyera.
Hindi mo alam kung kailan ka makakabalik sa pamilya mo. No thing is sure during this time. Ang kailangan mo lang gawin, ay manatiling buhay. Kahit pa hindi na ikaw ang may hawak sa sarili mong kapalaran.
"Niana." Napalingon ako kay aling Lanny. Halata sa mukha niya na pagod na siya at nahihirapan. Pero dahil nakangiti siya sa akin, hindi ko masiyadong maramdaman na pagod na siya. Wala yata sa mga mata niya ang bakas ng pagsuko.
BINABASA MO ANG
Precognition (Published by PaperInk Publishing House)
Science FictionSixth Sense Series #1 | Perhaps the end comes in various forms yet all fatal. *** A novel. "Take a peek at the end of humanity." Niana Alacantara is no ordinary. After a series of lessons in one of her specialized subjects, she saw and predicted fiv...