NATUOD si Alira sa kaniyang kinatatayuan. Lumabas ang isang lalaking nakasuot ng itim na damit at pantalon habang hawak-hawak ang isang baril na kasalukuyang nakatutok sa gawi ng mga armadong estranghero. Ilang beses na kumurap ang dalaga upang kumbinsihin ang sarili na totoo ang kaniyang nakikita. Hindi siya maaaring magkamali. Nandito si Harith. Samu't saring katanungan ang naglalaro sa kaniyang isipan kung paano ito nakarating sa lugar. Buong akala niya ay wala itong interes na sumama o kahit ang paniwalaan lamang siya.
"Harith!" tawag ni Alira rito.
Sumulyap ang binata sa kaniya at ginawaran siya ng isang ngiti. Agad rin nitong ibinalik ang kaniyang atensyon sa dalawa pang lalaking may hawak ng baril.
"Ibaba niyo ang mga baril niyo!" muling utos ni Harith sa mga kalalakihan.
Napatigil naman ang dalawa at biglang nag-alinlangan. Gustong purihin ni Alira ang katapangan ng kaibigan ngunit nagtatanong rin ang kaniyang isipan kung saan nakuha ang binata ng baril na hawak nito. Hindi si Harith ang klase ng tao na magkakaroon ng interes sa mga ganoong bagay.
Buong akala ni Alira ay matatakot na ang mga lalaki ngunit lalo lamang itong nagmatigas at ipinagduldulan ang mga hawak na baril nito sa kanilang mga ulo.
"Sinong inuutusan mo dito, ha!? Ikaw ang dapat na magbaba ng baril dahil kung hindi pasasabugin ko ang ulo ng babaeng ito!"
Napapikit si Alira nang maramdaman niya ang malamig na bakal sa kaniyang ulo. Napansin niyang nagdalawang-isip naman si Harith nang makita ang kaniyang kalagayan. Alam ni Alira kung paano mag-alala ang lalaki sa kaniya kaya't kailangan na niyang kumilos habang wala pang napapahamak.
Muli niyang sinalubong ang mga tingin ni Leiter. Kailangan lamang nilang mailihis ang atensyon ng mga lalaki upang makuha sila ng magandang pagkakataon na agawin ang mga baril nito.
"Bakit ba gusto ninyong makuha ang singsing?" usisa ni Alira sa dalawa.
"Alam mo ang dahilan," sagot naman ng isang lalaking katabi niya. "Kailangan namin ang singsing dahil iyan ang susi upang makapunta kami sa Catharsis."
Nagpantig ang tenga ni Alira. Kung gayon, tama nga ang kaniyang hinala. Hindi niya inaasahan na may ibang mga tao pa pala ang may alam tungkol sa Catharsis.
"Para ano? Para buhayin ang taong namatay na? Nahihibang ka ba?" singgit ni Harith.
Umigting ang panga ng lalaki. "Mabubuhay ko ang kung sinumang gustuhin ko kapag nakapunta na ako roon."
"Sa tingin mo ba ay posible 'yang gusto mo?"
Lumalim ang pag-uusap ng dalawa. Unti-unting naagaw ni Harith ang atensyon ng mga lalaki.
"Bakit hindi na lang tayo magkasundo? Nais rin naming buhayin ang mahal namin sa buhay," alok ni Leiter.
Napalingon ang lalaki sa kaniyang gawi.
"Pare-pareho lang tayong nawalan at gustong ibalik ang buhay ng mga mahal natin pero hindi ibig sabihin n'on na makikipagkasundo na kami sa inyo."
Hinanda ni Alira ang kaniyang sarili nang makita ang mga interes sa mukha ng mga ito. Nagkatinginan ang dalawa at halatang pawang pinag-iisipan ang alok sa kanila ni Leiter. Lihim na napangiti naman si Alira.
"Kaya hanggang dito na lang kayo."
Kumindat si Leiter kay Alira bilang senyales. Bago pa man makagalaw ang dalawa, mabilis na yumuko si Alira at tinuhod ang lalaking kaharap niya. Napadaing ito sa sakit at nabitawan ang hawak na baril. Sinikmuraan rin ni Leiter ang lalaki sa kaniyang likuran at nagkipag-agawan sa baril na hawak nito. Napasigaw si Sam nang biglang pumutok ang baril malapit sa kaniya. Tumakbo ito sa gawi ni Ciara na kasakuluyang nakadapa at tinatakpan ang tenga.
Nakabawi naman kaagad ang lalaking napuruhan ni Alira. Kumilos ito upang abutin ang baril sa lapag ngunit malakas itong sinipa ng dalaga papunta sa lawa. Nanibasib ang loob ng lalaki at umakmang sipain ang babae. Umiwas si Alira at sinunggaban ito ng isang malakas na suntok sa mukha. Nakita niya ang pagdurugo ng ilong nito. Buong akala niya ay susuko na ang kaniyang kalaban ngunit nagulat siya nang tumakbo ito sa gawi nina Ciara at Sam. Nabigla si Ciara nang walang pakundangang itulak siya ng lalaki papunta sa malaking alimpuyo ng lawa.
"Ciara!" sigaw ni Sam.
Napangisi naman ang lalaking tumulak rito nang makita kung paanong nagpupumiglas ang babae mula sa pagkakalunod. Tinakbo ni Alira ang kinaroroonan ni Samuel na ngayon ay halos hindi makagalaw habang pinapanuod ang unti-unting paglubog ng kasama nilang babae sa tubig.
Sinipa ni Alira sa mukha ang lalaki. Bumaliktad ito sa ere at diretsong nalaglag sa tubig. Sunod-sunod na putok ng baril pa ang kaniyang narinig mula kina Leiter at sa lalaking nag-aamok. Napadapa rin si Harith sa kaniyang pwesto nang sa gawi niya tumama lahat ng bala. Nanginginig man sa takot si Samuel, sinubukan ni Alira na agawin ang atensyon nito at pakalmahin.
"S-si Ciara . . ." wala sa sariling mutawi ng kaniyang kaibigan. "P-patay na ba siya?"
"Sam! Huminahon ka! Hindi, hindi pa siya patay. Sa tingin ko ay naroon na siya sa Catharsis. Hali ka na, kailangan natin siyang sundan."
Nagpumiglas ang lalaki. "Susunod tayo sa kaniya?"
"Oo, Sam. Kunin mo ang lahat ng mga gamit mo. Kailangan na nating tumalon," wika ni Alira.
Hindi na nagdalawang-isip si Samuel. Dinampot niya ang lahat ng kaniyang mga gamit pati ang gamit na naiwan rin ni Ciara. Kumilos rin si Alira at isa-isang kinuha ang kaniyang mga bag na nagkalat sa tabi ng pampang. Napalingon siya sa mga kalalakihan. Nagtagpo ang mga mata nila Leiter.
"Sundan niyo na si Ciara! Kami na ang bahala rito!" utos nito.
Tumango naman din ang dalaga at agad na hinila si Samuel papalapit sa lawa. Bitbit ni Alira ang dalawang bag sa kaniyang likuran habang dala naman ni Samuel ang sa kaniya at kay Ciara. Hindi nag-alinlangan ang dalawa na tumalon sa lawa. Agad silang inukit ng alimpuyo hanggang sa napunta ang dalawa sa ilalim.
***
![](https://img.wattpad.com/cover/228365588-288-k552241.jpg)
BINABASA MO ANG
Wanderers Of The World Below
FantasySeven teenagers travelled down to the underworld for a wish to bring back the life of their loved ones. Unknown to them, there are strange creatures, peculiar things and dangers lurking in each corners of the hidden world of Catharsis. Will they ab...