HATINGGABI na ngunit imbes na magpahinga, nakaayos at nakagayak sina Harith at Leiter ng itim na magarang damit. Walang sinabi ang mga nagbabantay sa kanila kung anong mayroon ngunit halata sa kanilang itsura at suot na isang importanteng okasyon ang dadaluhan ng dalawa. Isa lamang ang pumapasok sa isip ni Harith ngayon, marahil nga ay pumayag na rin si Samuel sa gustong mangyari ng matandang mangkukulam. Hanggang ngayon, hindi niya pa rin makuha kung paano nauwi sa kasalan ang pagliligtas nila sa babaeng iyon.
"Ang pangit mo tingnan d'yan sa suot mo."
Napalingon si Harith sa taong nagsalita. Nakasuot rin ito ng purong itim habang nakasandal sa maliit na haligi ng kubo.
"Ikaw rin. Hindi ka mukhang tao sa'kin ngayon," komento rin ni Harith sa lalaki.
Napangisi si Leiter sa tono ng pananalita ng kausap. Naglakad siya papalapit sa lalaki at sumingit sa malaking salamin na nasa harapan ni Harith. Napausog naman din ito nang wala sa oras.
"Talaga?" sagot ni Leiter, "Lahat naman ng damit bagay sa'kin."
Hindi ang sinabi niya ang nagbibigay ng inis kay Harith kundi ang mukha nitong walang emosyon habang nakikipag-usap sa kaniya. Hindi niya alam kung paano nagagawa ni Leiter na maglaro gamit ang mga salita habang seryoso ang mukha.
"Kamusta ang pilay mo sa paa?" tanong niya rito.
"Hindi na naman masakit. Nakakalakad na ako nang maayos. Hindi ko alam kung anong ginawa sa'kin ng matandang iyon."
Tumango-tango si Harith. Lumipat ang kaniyang tingin sa paa nito. Malaki ang pasasalamat niya dahil nakakalakad na ito nang maayos at nawala na rin ang kaniyang lagnat. Hindi niya alam kung paano pinagaling ng matandang mangkukulam na iyon na Nana Wilma ang pangalan itong bali sa buto ni Leiter.
Isa lang ang pinagsisihan niya ngayon, simula kasi nang gumaling ang binata ay bumalik ito sa kaniyang ugali, ang pagiging suplado nito.
"Sa tingin mo ba ay pumayag talaga siyang magpakasal sa babaeng 'yon?" panimula ni Leiter.
"Hindi malayong mangyari 'yang sinasabi mo. Nakakapagtaka lang, bakit naman gagamutin ng Nana Wilma na iyon ang bali mo kung walang kapalit."
Napalingon ang lalaki sa kaniya.
"Malakas ang kutob kong napilitan lamang si Sam. Hawak nila tayong dalawa at halata naman na kinukulong nila tayo rito dahil sa dami ng mga nagbabantay sa labas. Siguro nga ay pinagbantaan nila si Samuel na sasaktan tayo kapag hindi siya pumayag."
Bumuntong hininga si Harith. "Kung anu-ano nang nangyayari sa'tin pero hindi pa rin natin nahahanap si Alira."
"Kilala ko si Alira. Alam kong buhay pa siya."
Nagpantig ang tenga ni Harith nang marinig ang pangalan ng dalaga mula mismo sa bibig ng kausap niya. Bigla tuloy siyang nagtaka kung ano talaga ang totoong pakay nito kung bakit siya sumama sa paghahanap kay Alira.
BINABASA MO ANG
Wanderers Of The World Below
FantasíaSeven teenagers travelled down to the underworld for a wish to bring back the life of their loved ones. Unknown to them, there are strange creatures, peculiar things and dangers lurking in each corners of the hidden world of Catharsis. Will they ab...