Kabanata 46

853 116 47
                                    

SUMALUBONG sa buong grupo ang iba't ibang kulay ng mga ilaw at magagarang palamuti ng bulaklak nang makarating sila sa palasyo. Saan man ibaling ni Alira ang kaniyang mga tingin, nagsusumigaw pa rin sa ganda ang bawat sulok ng kaharian. Puno ng ilaw ang malaking hagdan papaakyat ng pinto ng kaharian habang sari-saring uri ng bulaklak naman ang nakahilera sa giid nito bilang dekorasyon. Hindi niya alam kung anong uri ng halamang iyon ngunit gustong-gusto niya ang halimuyak at amoy nito na humahalo sa hanging kaniyang nilalanghap.

Sa labas pa lamang, mahabang linya na ng mga kawal ang naghihintay upang pag-aralan ang mga taong pumapasok. Bawat isa sa kanila ay may bitbit na isang sibat na may nakasabit na berdeng bandila ng kaharian ng Avaerze sa dulo. Mahigpit ang pagbabantay kung kaya't bawat panauhing makikita ay hinihingan nila ng berdisa bago pahintulutang makapasok sa loob. Hindi na rin nag-atubili pa ang buong grupo na ilabas ang kanilang hawak na berdisa at nakangiting inabot ito sa kawal na nakatalagang magbantay.


Suot ni Alira ang isang magarang kulay puting damit na abot hanggang talampakan ang haba. Kakaiba ang desinyo nito kumpara sa mga karaniwang damit na isinusuot ng dalaga. Hapit na hapit sa kaniyang bewang ang manipis nitong tela na pinapalamutian ng maliliit na kulay puting diamante upang hindi tuluyang lumantad ang kaniyang balat. Kumikinang rin ang alahas mula sa kwentas at hikaw nitong suot na siyang nagdaragdag sa ganda ng babae. Nakapusod rin ang mahaba nitong buhok kung kaya't kitang-kitang ng lahat ang kaniyang makinis na likod at leeg. Hindi sanay ang dalaga sa kaniyang suot kaya't bahagya itong nahihirapan sa paglalakad ngunit mabuti na lamang at naroon si Harith sa kaniyang tabi upang alalayan ang kaibigan.


Isang kulay itim na terno at kurbata na yari sa katad naman ang piniling suotin ni Harith. Nakataas ang kaniyang buhok kung kaya't lumantad rin ang malinis nitong noo.


Kasunod naman ng dalawa ang mag-pinsan. Taas-noong naglalakad si Ciara habang suot ang kaniyang kulay pulang damit na abot hanggang binti ang hiwa. Kaunting galaw lamang ng dalaga ay lumalantad na ang kaniyang makinis na balat. Kakaiba rin ang suot nito sapagkat balot na balot man ang kaniyang harapan ngunit halos hubo't hubad naman ang kaniyang likuran. Isa pa, hapit na hapit rin sa katawan ng babae ang kaniyang damit kung kaya't gumuhit ang magandang hubog ng kaniyang katawan. Imbes na itali, pinili ni Ciara na ilugay ang kaniyang buhok at bahagyang ginulo ang kulot nito upang magmukha siyang kaakit-akit.


Tahimik lamang si Lieter at hinayaan ang kaniyang pinsan. Katulad ni Harith, isang kulay kayumanggi rin na terno at kurbata ang kaniyang suot. Minabuti rin ni Leiter na ibahin ang ayos ng kaniyang buhok. Mula sa itim ay naging kulay tsokolate ito, kakulay ng kaniyang mga mata. Bagsak na bagsak ito at tinatabunan ang kaniyang noo.


Samantala, kakaiba sa lahat ang ayos ni Samuel. Kulay rosas ang terno at kurbata nito habang nakasabit rin sa kaniyang balikat ang isang makapal na kulay pulang kapa ng pinagsamang balahibo ng mga ibon na nakapulupot sa kaniyang balikat. Ilang mga taong nakakasabay nila sa pagpasok ang napapatingin sa kaniyang ayos. Imbes na mahiya, lalong nadaragdagan ang kumpiyansa sa sarili ni Sam. Gustong-gusto niya pa naman ang napapansin siya.


Nang tuluyan silang makapasok sa loob, sumalubong sa kanila ang nakakahalinang himig mula sa pinagsamang tunog ng alpa at trumpeta. Namangha si Alira sa bagong ayos ng bulwagan, malayo ito mula sa kanilang nakita nang magpunta sila ni Leiter rito. Puno na ng bulaklak ang paligid at nakakakalmang simoy ng hangin. Nagkalat rin ang mga tao na nagsusumigaw sa ganda at rangya ang mga suot na mga damit. Dumako ang mga mata ni Alira sa trono at nabigla siya nang mapagtantong hindi na ito bakante. Nakaupo roon ang isang matandang lalaki na nakasuot ng magarang kulay berdeng damit na gawa sa katad habang isang korona naman ang nakaputong sa ulo nito. Kumikinang ang malaking berdeng diamante nito sa gitna. Mabilis na nahinuha ni Alira na ito na marahil ang hari ng kahariang Avaerze. Bagama't ngayon niya lamang ito nakita ngunit ramdam niya ang malakas nitong awra. Nakatitig lamang ang matanda sa kanilang mga panauhin na animo'y pinag-aaralan ang bawat galaw nito.

Wanderers Of The World BelowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon