GULONG-GULO ang isip ni Sam. Wala siyang maisip na matinong dahilan kung bakit nakakaya niyang huminga sa ilalim ng tubig. Gusto niyang maging masaya dahil kahit ilang minuto na ang nagdadaan ay hindi pa rin siya nakakaramdam ng pagkalunod. Imbes na lumutang paitaas upang lumanghap ng hangin, ipinagpatuloy na lamang ni Samuel ang kaniyang pagsisid hanggang sa makarating ito sa pusod ng ilog.
Nagulantang ang lalaki nang lumantad sa kaniya ang isang karumal-dumal na eksena. Hindi lamang pala nag-iisa ang babaeng tinapon doon sapagkat puno ng kalansay ng mga taong nakagapos sa isang silya ang ilalim ng ilog. Pawang mga babae ito lahat at nakasuot ng itim. Hindi niya mabilang kung ilang kalansay ang kaniyang natagpuan, ang iba'y pinamamahayan na ng mga isda at nilamon na ng damo.
Natauhan si Samuel nang gumawa ng maliit na ingay ang silyang lumapag sa lupa. Agad na natunton ng binata ang kinaroroonan ng babae na kasalukuyang nagpupumiglas upang makawala sa pagkakatali. Hindi na nag-atubili ang lalaki na lapitan ito. Bahagyang nagulat pa ang dalaga nang makita siya ngunit hindi na rin ito pumalag nang sinumulan siya nitong kalagan. Mabilis na natanggal ang tali at sabay na lumangoy ang dalawa paibabaw.
"Samuel!" sigaw ni Harith nang makita ang kaibigan.
Kaagad siyang sumagwan papalapit sa binata.
"Samuel! Halika, tulungan ko na kayo!"
Iniabot ni Harith ang kamay niya sa babae habang si Leiter naman ang tumulong kay Samuel.
"Ayos ka lang ba?" tanong ni Harith sa babae.
Matipid itong tumango at pagkuwa'y napaubo dahil sa rami ng naipong tubig sa kaniyang ilong. Kumilos si Harith at kumuha ng isang tuyong damit at idinantay ito sa balikat ng dalaga. Dumako naman ang tingin ni Samuel kaniyang babaeng tinulungan. Bagama't habol ang hininga nito, masaya siya sapagkat buhay ito.
"Samuel, ayos ka lang ba?" baling naman ni Harith sa kaibigan.
Dahan-dahang tumango ang lalaki. Batid niyang ilang minuto siyang nanatili sa ilalim ng tubig ngunit nakakapagtakang hindi man lang siya naghahabol ng kaniyang hininga. Bagama't ramdam niya ang pagpasok ng tubig sa kaniyang ilong, hindi naman siya nakaramdam ng pagkalunod.
"Paano mo nagawa 'yon? Alam mo bang halos sampung minuto ka sa ilalim? Akala nga namin nalunod ka na," turan ni Leiter.
"Sampung minuto?"
"Oo, sampung minuto, Sam," pag-uulit ni Leiter. "At hindi 'yon normal."
Natutop pa ni Samuel ang kaniyang bibig na animo'y gulat na gulat sa kaniyang ginawa. Hindi siya siguro kung paano niya nakayanang huminga sa ilalim ng tubig ngunit tiyak siyang walang lahing sirena ang kaniyang pamilya. Wala naman siyang kakaibang ginawa o kinain kundi ang kakaibang kulay ng kabute na nakita niya sa kakahuyan.
"Wala ka bang ibang nararamdaman sa katawan? Sigurado akong epekto ito ng kinain mong kabute kanina."
![](https://img.wattpad.com/cover/228365588-288-k552241.jpg)
BINABASA MO ANG
Wanderers Of The World Below
FantasiaSeven teenagers travelled down to the underworld for a wish to bring back the life of their loved ones. Unknown to them, there are strange creatures, peculiar things and dangers lurking in each corners of the hidden world of Catharsis. Will they ab...