MAHABA ang gabi kaysa sa araw sa Catharsis. Madilim na ang buong lugar kaya't napagpasiyahan ng buong grupo na magpalipas ng gabi sa tabing-ilog. Gamit ang mga bato at tuyong dahon na nahanap nila sa paligid, nakagawa ng maliit na apoy ang mga kalalakihan sa gitna. Kaniya-kaniyang halungkat naman ng mga gamit ang mga babae upang subukan itong patuyin malapit sa apoy. Nakakapagtakang unti-unting lumamig ang paligid nang gumabi na kaya't nagkumpulan ang lahat upang painitin ang kanilang mga sarili mula sa siga sa gitna.
Kasalukuyang ginagamot ni Ciara ang maliit na sugat sa pisngi ni Leiter nang mapadako ang tingin rito ni Alira. Napansin niyang kanina pa tahimik ang binata habang tulalang pinagmamasdan ang apoy. Hindi niya pa pala ito nakakausap simula nang mapadpad sila rito. Nais niya sanang tanungin ang kalagayan ng lalaki ngunit mukhang ayos naman rin ito. Isa pa, nasa tabi naman nito si Ciara upang alagaan siya. Sinipat naman ni Alira si Samuel na aligagang sinasalansan ang mga damit nitong natutuyo dahil sa init ng apoy.
Samantala, inilabas naman ni Harith ang mga baon nitong pagkain tulad ng de lata, biskwit at tubig at isa-isang iniabot sa mga kasama. Hindi rin nakaligtaan ng lalaki na bigyan ang dalawang estranghero sa grupo, sina Eujin at Philip. Tahimik na kumain ang lahat nang biglang nagsalita si Alira. Hindi na niya kayang maghintay pa. Marami siyang tanong na nangangailangan ng kasagutan. Dapat nilang pag-usapan ang lahat ng nangyari.
"Alam niyo naman siguro lahat kung nasaan tayo ngayon, hindi ba?" panimula ng dalaga.
Nakuha naman agad niya ang atensyon ng lahat.
"Alam kong nasa Catharsis na tayo."
"Tama ka, Leiter. Ngunit wala tayong sapat na impormasyon sa mundong ito kaya't kinakailangang pag-isipan natin nang mabuti kung ano man ang magiging plano ng grupo."
"Grupo?" Kunot-noo akong tanong ni Eujin. "Bakit mo naman naisip na sasama kami sa grupo niyo?"
Nagpantig ang tenga ni Alira ang marinig niya itong nagsalita. Simula pa lang, aaminin niyang hindi niya gusto ang ugali ng lalaki. Padalus-dalos ang mga kilos nito at mayabang magsalita. Hindi pa naaalis sa isipan ni Alira ang ginawa nitong pagbabanta sa kanilang mga buhay kanina. Nais niyang pagbayarin ang lalaki sa paglalagay ng kanilang mga sarili sa alanganin.
Gayunpaman, pinili niya munang makipagkasundo rito sa mapayapang paraan.
"Ano bang pinunta niyo rito? Hindi ba't ang buhayin rin ang kung sinumang malapit sa inyo? Paano niyo naman gagawin 'yon kung wala ang libro at singsing sa inyo?"
Ngumisi ang lalaking kausap. "May punto ka ngunit kaya ko namang agawin sa inyo ang libro at singsing na tinutukoy mo kung gugustuhin ko."
Tumaas ang kilay ng dalaga. Talagang sinusubukan ng lalaking ito ang kaniyang pasensya. Tumalim ang titig niya rito nang lalong lumawak ang ngisi nito sa kaniya, hindi na nakapagpigil si Alira. Sa isang kisapmata, gumalaw siya at hinugot ang nakatagong baril sa bag ni Harith tsaka mabilis itong ikinasa bago itinutok sa direksyon ni Eujin.
Napaigtad sa gulat ang iba habang namilog naman ang mata ni Eujin nang mapagtanto ang delikadong bagay na hawak ng dalaga.
BINABASA MO ANG
Wanderers Of The World Below
FantasySeven teenagers travelled down to the underworld for a wish to bring back the life of their loved ones. Unknown to them, there are strange creatures, peculiar things and dangers lurking in each corners of the hidden world of Catharsis. Will they ab...