NAGPATULOY ang paglalakbay ng buong grupo habang sinusubukang lumayo sa lupain ng kaharian ng Avaerze. Maya't mayang napapalingon si Alira sa paligid upang tingnan kung may sumusunod ba sa kanila. Hindi siya maaaring magkamali. Batid niyang ang lalaki ang kaniyang nakita sa may malaking bintana bago siya tuluyang nakalabas ng kaharian. Ngunit ang labis na ipinagtataka ng dalaga, bakit hindi man lang ito gumawa ng kahit na anong paraan upang pigilan sila? Bakit hinayaan lamang siya nitong makatakas?
Sumulyap ang dalaga sa suot niyang singsing. Malakas ang kaniyang kutob na may alam ang lalaki tungkol dito. Nagtatalo ang kaniyang isipan kung paano niya nakilala ang suot nitong singsing. Kung tutuusin, wala nga naman talaga siyang ibang alam maliban sa pininiwalaan niyang pagmamay-ari ito ng kaniyang lolo. Liban doon, ang pinanggalingan at kasaysayan nito ay malaking hiwaga sa kaniya.
Napahawak si Alira sa kaniyang batok nang bahagya siyang nakaramdam ng pagkahilo. Nilapatan na ni Harith ng paunang lunas ang kaniyang sugat at nakainom na rin siya ng gamot. Marahil ay epekto lamang ito ng gamot.
"Alira? Ayos ka lang ba?"
Napalingon siya kay Philip na ngayon ay kasabay niyang naglalakad.
"Oo, ayos lang ako. Bigla lang sumakit ang ulo ko."
"Gusto mo bang sabihan ko silang magpahinga muna tayo?"
Umiling ang dalaga. "Hindi na, Philip. Kaya ko pa naman."
"Sige, ikaw ang sbahala. Nauuhaw ka ba? Gusto mong uminom?"
Binuksan nito ang hawak niyang bottled water at inabot sa babae. Nakangiti naman itong tinanggap ni Alira.
"Salamat, Philip."
Isang tango lamang ang isinukli sa kaniya ng lalaki bago siya nito iwan upang sumabay sa paglalakad kay Ciara. Napansin niyang inabutan niya rin ng tubig ang babae. Nagkibit-balikat na lamang si Alira habang pinapanuod ang binata. Hindi naman pala ito kasing-sama tulad ng kaniyang unang pagkakilala sa kaniya.
Pinagmasdan ni Alira ang kaniyang mga kasama mula sa likuran. Ngayon na kumpleto na ulit sila, maaari na nilang ipagpatuloy ang kanilang paglalakbay papunta sa Lupain ng Andada. Sana lang ay wala na silang ibang suliranin na haharapin pa sa susunod na mga araw. Delikado man ngunit umaasa siyang magagawa nilang lahat ang kanilang misyon rito at sama-samang makabalik ng buhay sa kanilang mundo.
Hangga't maari iniwasan ng grupo ang pumasok sa mga lugar na maaari nilang ikapahamak. Dumaan ang mga ito sa mga burol at sa gilid ng mga mabatong baybayin. Natuto na sila sa kanilang mga karanasan. Batid nilang masyadong delikado ang kagubatan kung doon sila maglalakbay. Kaya't kahit ay bahagya silang lumayo sa tunay na daan papunta sa Andada, pinili na lamang nila ang malayo ngunit ligtas na paraan.
Inabutan na ng gabi ang buong grupo sa daan. Nakakita si Leiter ng isang kweba. Nang sigurado nilang ligtas ito, napagdesisyunan ng lahat na dito na lamang magpahinga at magpalipas ng gabi. Sakto namang nag-uumpisa nang sumama ang panahon sa labas. Sinikap nilang makagawa ng isang maliit na apoy gamit ang mga bato at tuyong kahoy na nakalap ng mga lalaki sa paligid.
![](https://img.wattpad.com/cover/228365588-288-k552241.jpg)
BINABASA MO ANG
Wanderers Of The World Below
FantasiSeven teenagers travelled down to the underworld for a wish to bring back the life of their loved ones. Unknown to them, there are strange creatures, peculiar things and dangers lurking in each corners of the hidden world of Catharsis. Will they ab...