MAHIGPIT ang hawak ni Alira sa singsing. Hindi siya makapaniwalang matagumpay niyang nakuha ito mula sa pangangalaga ng prinsipe. Sumagi sa kaniya ang nangyari kanina. Bumilis ang pintig ng kaniyang puso, hindi niya mawari kung kinakabahan ba siya o ano ngunit isa lamang ang sigurado siya; nagtagumpay sila. Batid niyang hindi magtatagal ay malalaman rin ng prinsipe ang pagkawala ng singsing, malamang siya ang una nitong hahanapin. Kailangan nilang makarating sa Ilog ng Kausrel at makatawid sa kanilang mundo bago pa man iyon mangyari.
Pagkatapos niyang makuha ang kwentas ng mula sa prinsipe. Hindi na nagdalawang-isip si Alira na tumakbo palabas at tinungo ang likurang bahagi ng kaharian kung saan doon naghihintay ang kanilang gagamiting Argus. Sumunod naman kaagad ang kaniyang mga kasama at sabay nilang nilasan ang palasyo.
Nasa himpapawid na silang lahat papunta sa Ilog ng Kausrel ngunit hindi pa rin humuhupa ang kaba ni Alira. Hindi mapapalagay ang kaniyang loob hangga't hindi sila nakakabalik sa kanilang mundo. Ginawa na niya ang lahat at ibinigay na niya ang lahat ng mayroon siya kaya hindi maaaring mauwi lamang sa wala ang kanilang pinaghirapan.
Napansin naman ni Harith ang pangangamba ng kaniyang kasama. Bagama't magulo rin ang kaniyang utak at naninikip ang kaniyang dibdib habang inaalala ang nakita niyang eksena kanina sa pagitan ng prinsipe at ni Alira, sinubukan niya pa ring pakalmahin ang dalaga.
"Uuwi tayo, Alira," bulong ni Harith. "Uuwi na tayo, malapit na."
Tiningnan ito ng dalaga sa gilid ng kaniyang mga mata. Kanina pa ito tahimik simula nang umalis sila sa palasyo kaya't nagulat siya nang bigla itong magsalita.
"Oo. Makakauwi tayo, Harith," tugon niya.
Napalingon rin si Alira sa kaniyang mga kaibigan nang humanay sa kanilang tabi ang mga Argus na sinasakyan ng mga ito. Magkasama sina Leiter at Ciara habang mag-isa namang nakasakay si Sam sa ibang Argus. Isang ngiti ang kaniyang ginawad rito. Batid ni Alira na hindi na rin makapaghintay ang mga ito na umuwi.
Madilim na ang himpapawid ngunit nakatulong ang malakas na sinag ng dalawang buwan sa kalangitan upang maaninag nila ang paligid. Kaya naman hindi nakaligtas sa kanilang paningin ang paglitaw ng dalawang malalaking ibon sa likuran ng mga ulap. Nabura ang mga ngiti ni Alira at gumapang ang labis na kaba sa kaniyang dibdib nang umangil nang malakas ang mga ito at sinundan sila. Agad niyang nahinuha na malamang ay kagagawan ito ng prinsipe upang pigilan sila.
"Oh my gosh! What are those!?" sigaw ni Ciara. "Sinusundan tayo ng mga malalaking ibon!"
"Huwag kayong matakot! Hindi tayo maabutan n'yan!" sagot ni Alira.
Kawangis ng mga buwitre ang mga ibon ngunit kulay pula ang mga mata at pakpak nito. Maya't maya itong umaangil na para bang isang hayop na gusto silang lapain. Ngayon lamang nakakita si Alira ng ganitong klase ng hayop. Wala siyang ideya kung anong kaya nitong gawin kaya't binilisan na lamang nila ang kanilang paglipad. Napalingon siya sa likuran at nagulat ito nang halos dakmain na sila ng mga ibon dahil sa sobrang lapit na nito sa kanila. Umangil ang Argus na sinasakyan nina Alira dahil sa gulat ngunit agad ring nakabawi at nagpatuloy sa paglipad.
Sinipat ni Alira ang kinaroroonan ng kaniyang mga kaibigan at isang ibon rin ang umatake mula sa likuran nina Leiter. Muntik pang mahulog si Ciara nang magwala ang Argus na sinasakyan nila nang makalmot ito ng ibon.
BINABASA MO ANG
Wanderers Of The World Below
FantasySeven teenagers travelled down to the underworld for a wish to bring back the life of their loved ones. Unknown to them, there are strange creatures, peculiar things and dangers lurking in each corners of the hidden world of Catharsis. Will they ab...