Kabanata 13

1.1K 118 53
                                    

WALANG sinusunod na oras ang Catharsis. Araw at gabi lamang ang basehan ng panahon kaya't sa unang pagsikat ng araw, agad na naghanda ang lahat sa gagawing paglalakbay ng grupo. Pinili nina Alira na lumayo sa ilog at mamahinga sa isang lilim ng malaking puno na nakita nila. Salitang nagbabantay ang mga kalalakihan buong magdamag upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa.

Hindi mawari ni Alira kung ilang oras lamang ang tulog ng mga lalaki ngunit napapansin niya ang mapupungay at malalamyang mga mata nito. Maya't maya pang napapahikab si Harith na siyang ipinag-aalala naman ng dalaga. Batid niyang hindi magiging madali ang paglalakbay kung kaya't wala silang ibang puhunan kundi ang lakas ng katawan. Napapaisip tuloy siya kung kaya ba nilang maglakbay ngayon sa ganiyang kalagayan.

Dinampot ng dalaga ang isang bote ng tubig at tinabihan ang walang imik na kaibigan.

"Pwede tayong manatili muna rito ng ilang sandali pa upang makapagpahinga kayo," bungad niya.

Umangat ang tingin ni Harith rito. Mabilis niyang binigyan ng isang magandang ngiti ang babae upang ipakitang maayos lamang siya.

"Pagkatapos ng lahat ng nakita natin kagabi, alam mong hindi na tayo maaaring manatili rito nang mas matagal pa," tanggi niya.

"Naiintindihan ko naman pero hindi natin maaaring simulan ang paglalakbay ng wala kang sapat na tulog at lakas. Sigurado akong hindi naging maganda ang pagpapahinga ninyo kagabi."

"Kaya ko naman, Ali. Huwag kang masyadong mag-alala sa'kin."

Natahimik si Alira. Iniling-iling naman ng lalaki ang kaniyang ulo upang tanggalin ang antok. Uminom pa ito ng tubig upang tuluyang magising. Pinanuod lamang ni Alira ang ginagawa ng binata. Ngayon niya na lang napagtanto na hindi pa pala sila nakakapag-usap nang masinsin simula noong mapunta sila rito. Puno pa rin siya ng mga katanungan. Bakit ba nandito si Harith? Buong akala ni Alira ay hindi ito naniniwala sa kaniya. Kailanman, hindi niya inasam na makasama itong pumunta rito.

"Masyado na ba akong kaawa-awang tingnan para titigan mo ng ganyan?"

Napakurap ang dalaga. "Bakit ba kasi kailangan kayong mga lalaki lang ang magbantay. Kaya ko rin naman gawin 'yon kung ginising mo lang sana ako."

Bahagyang natawa si Harith at mahinang ipinukpok ang hawak nitong walang laman na lalagyan ng tubig sa ulo ng dalaga.

"Paano ko naman gagawin 'yon? Ang himbing nga ng tulog mo tapos humihilik ka pa."

"A-ano? Ako, humihilik?" Hindi makapaniwalang tanong ni Alira.

Hindi sumagot ang binata at nagpipigil lamang ng tawa. Walang gana siyang tiningnan ni Alira. Hindi niya nagustuhan ang biro ng kaibigan.

"Bakit ba ayaw mong maniwala? Bakit hindi mo tanungin si Leiter?"

Dumako naman ang tingin ni Alira sa binatang nasa 'di kalayuan na kasalukuyang kinakausap si Ciara. Napabuntong hininga siya.

"Oo na! Oo na! Humihilik na ako kagabi. Bakit ba kasi kailangan mo pang sabihin? Kung tapos ka na diyan, kumain ka na at magbihis. Magtago ka na lang sa kung saan para makapagpalit ka. Ang baho mo na!"

Isang malutong na tawa pa ang narinig ni Alira mula sa kaniya bago niya ito iniwan. Minabuti na lamang ng dalaga na simulan ang pagsasalansan ng tuyo niyang damit habang naghahanda naman ang iba sa kanilang makakain bago simulan ang mahaba-habang lakaran.

Suot ni Alira ang isang kumportableng pantalon at sando tsaka ito pinatungan ng isang checkered maroon long sleeves. Isang itim na combat shoes naman ang kaniyang suot sa paa. Nakatirintas ang kaniyang mahabang buhok habang sa gilid ng bewang ng dalaga, naroon ang punyal na nagtagpuan niya sa baul.

Wanderers Of The World BelowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon