Kabanata 17

999 124 57
                                    

BAGAMA'T nabasa ni Alira ang ilang impormasyon tungkol sa kaharian ng Avaerze, hindi niya pa rin maipaliwanag ang lahat ng kaniyang mga nakikita ngayon sa loob ng palasyo. Sa tanang buhay niya, hindi pa siya nakatuntog sa isang tunay na kaharian, ni ang makakita lamang ng isa ay mistulang panaginip na sa kaniya. Walang salita yata ang kayang maglarawan sa tanawing kaniyang nakikita. Nagsusumigaw ng kagandahan at hiwaga ang buong lugar. Ang mga nadadaanan niyang mga haligi ay gawa sa matitigas na bato habang ang sahig ay pinapalamutian naman ng kakaibang disensyo ng marmol.


Sinong mag-aakala na may ganitong klaseng mundo pala ang matatagpuan sa ilalim ng mundong kanilang ginagalawan. Bawat sulok ng palasyo na nalalatayan ng kaniyang mata ay tunay na mahiwaga. Hindi niya na yata mabilang kung ilang beses na siyang namangha sa mga guhit na matatagpuan sa pader at sa magagandang larawan na nakaukit sa matayog na kisame. Kung tutuusin, isa lamang ang kaharian ng Avaerze sa lima pang kaharian sa Catharsis. Kung ganito kaganda ang palasyong ito, ano pa kayang mga bagay ang maaaring makita sa iba?


Malawak ang buong looban ng palasyo. Ilang pasilyo na ang dinaanan ni Alira ngunit hindi niya pa rin nakikita ang kaniyang mga hinahanap. Binihag ang kaniyang mga kaibigan kaya't hindi malayong nasa piitan silang lahat ngunit ang problema ngayon, hindi niya naman alam ang daan papunta doon. Napasulyap siya sa hawak niyang cellphone, nabawasan ng sampung minuto ang oras doon. Ibig sabihin, ganoon na rin katagal siyang naglalakad.


Sinusubukang magtago ni Alira sa tuwing nauulinigan niyang may paparating na tao sa kaniyang kinaroroonan. Paminsan-misan ay nagkukubli siya sa likuran ng makakapal na kurtina ng bintana o sa mga malalaking haligi ng palasyo. Lumiko pa ang dalaga sa gawing kanan hanggang sa natagpuan niya ang kaniyang sarili sa isang madilim at mahabang pasilyo. Naaninag niya ang malaking pintuan sa dulo nito.


Nabuhay ang kaniyang kuryusidad na pasukin ang pintuang iyon. May kung ano sa kaniya ang nag-uudyok na lapitan ito at tingnan kung anong nasa loob. Sa lahat ng mga pasilyong kaniyang dinaanan, ito ang pinakakakaiba. Bukod sa nag-iisang pinto sa dulo, tahimik ang parteng ito at balot ng makakapal na tela ang malalaking bintana dahilan upang hindi makapasok ang liwanag ng araw.


Nagpalingon-lingon si Alira. Walang tao sa paligid kaya hindi na ito nagdalawang-isip na magpatuloy. Narating niya ang malaking pinto at pinagmasdan itong mabuti. Itinapat niya pa ang kaniyang tenga rito. Kumunot ang kaniyang noo nang wala siyang narinig na kahit na anong ingay mula sa loob. Napagpasiyahan na lamang niyang umalis ngunit ilang hakbang pa lang ang kaniyang nagagawa nang makarinig siya ng mahihinang usapan ng dalawang tao. Biglang nataranta si Alira nang maramdaman niyang papalapit ang mga ito sa pasilyong kaniyang kinaroroonan.


Mabilis niyang binuksan ang malaking pinto at pumasok sa loob. Kasabay ng pagtago ng dalaga sa likod ng makapal na kurtina ay ang pagbukas ulit ng pinto senyales na may taong pumasok sa loob ng kwarto. Pinagpawisan si Alira habang pilit na sinisiksik ang sarili sa gilid. Nagpatuloy ang usapan sa pagitan ng dalawang tao gamit ang kakaibang lengguwaheng hindi niya maintindihan. Sandali silang nagpalitan ng mga salita hanggang sa narinig niyang ang pagbukas at pagsara muli ng pinto at pagkatapos nito ay namayani ang mahabang katahimikan.


Malalim siyang napabuntong hininga nang masigurado ng dalaga na nag-iisa na lamang siya sa lugar. Pinunasan niya ang namumuong pawis sa kaniyang noo. Ilang sandali muna ang kaniyang pinalagpas bago napagpasiyahang lumabas. Maingat siyang gumalaw at mabilis na hinawi ang makapal na kurtina palayo sa kaniyang katawan. Ang akala ni Alira ay ligtas na siya ngunit halos sumabog ang kaniyang dibdib sa sobrang kaba nang bumungad sa kaniyang harapan ang talim ng isang espada.

Wanderers Of The World BelowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon