Chapter 19

704 43 0
                                    

Asawa? Anong asawa? At sino naman? Nangunot ang noo ko, kapagkuwan ay dahan-dahan na nilingon ko si Andrew mula sa balikat ko at nakitang seryoso itong nakatingin sa ginang.

"May asawa ka na pala, kung ganoon ay siya ba?" maang na pagtatanong nito at saka pa ako itinuro.

"Opo," sagot ni Andrew bago tipid na ngumiti. "Pero bilang kaibigan po ni Jinky ay inihatid namin siya rito."

Napatigalgal ako sa harapan ni Andrew, ganoon pa man ay hindi na ako nakaimik at ayoko ring pangunahan kung ano man ang pahiwatig ng sinabi nito, lalo ng puso ko. Wala sa sarili nang makagat ko ang pang-ibabang labi.

"Oh, siya, mauna na kayo at mukhang inabala pa kayo nitong si Jinky," anang ginang kung kaya ay halos magkasabay pa ang pagtango naming dalawa ni Andrew.

"Sige po, huwag niyo na lang po siyang pagalitan." May bahid man ng hiya ay nagawa iyong iparating ni Andrew, saka pa tipid na napangiti.

Doon ko rin natanto na totoong kilala na nila ang isa't-isa. Well, kilala ko rin naman si Jinky, kaya ko nga nalaman na hindi sila in good term ng kaniyang ina dahil madalas ay palagi siyang napapagalitan sa kahit anong dahilan.

Alam ko iyan, minsan nang nabanggit sa akin ni Jinky na mainit ang ulo sa kaniya ng ina nito na lahat ng galit niya sa mundo ay ibinubuntong nito kay Jinky. Marahil ang ipinapakita ngayon ng ginang ay pawang pagpapanggap lamang.

Katulad din sa tuwing napapabisita ako sa bahay nila, kaya nga madalas ay sa labas na lang kami nagkikita ni Jinky. Mabibilang lang sa daliri ko sa kamay ang pagpunta ko sa kanila sa kadahilanang si Jinky din ang nahihiya para sa kaniyang ina.

"Sige na at umuwi na kayo." Matapos iyon ay siya na rin ang unang tumalikod habang kinakaladkad si Jinky sa braso nito.

Samantala ay sumusunod lang si Jinky sa paraang ano mang oras ay matutumba na ito dahil sa kalasingan. Napailing na lamang ako sa kawalan, kapagkuwan ay nagpakawala nang mahinang buntong hininga.

Mayamaya lang nang umalpas ang mumunting ngiti ni Andrew. "She'll be okay I guess."

Hindi ako nagsalita bagkus ay tumalikod ako at saka bumalik sa loob ng passenger's seat. Gusto ko na lang din ang umuwi, pakiramdam ko ay para akong lantang gulay at damang-dama ko ang pagod sa katawang lupa ko.

Hindi rin naman nagtagal nang umikot si Andrew banda sa driver's seat, kasabay pa nito ay ang pagbagsak nang malakas na ulan na siyang kanina lang ay inaabangan ko. Gulat na napatingala ako sa kalangitan.

Kalaunan nang pagak na lamang akong matawa bago isinandal ang likod sa kinauupuan ko at maang na napatingin sa labas ng bintana. Unti-unti ay pinuno ng tubig-ulan ang kabuuan ng kotse, maging ang patag na kalsada.

Napipilan ko pang nilingon si Andrew mula sa pagitan ng leeg at balikat ko kung saan nagmistulang itong estatwa na hindi gumagalaw. Kagaya ko ay mas pinili niyang pagmasdan ang bawat pagbuhos ng ulan.

Nakatingin ito sa gilid niya dahilan para may ilan akong pagkakataon na matitigan siya nang ganito katagal. Hindi pa maiwasan na umimpis ang labi ko para sa isang mapait na ngiti. Sa totoo lang ay gusto nang sumabog ng dibdib ko sa mga saloobin na gusto kong itanong dito.

Masyado lang din akong naduduwag na patunayan na narinig ko ang lahat ng sinabi niya kanina sa cellphone. Isa pa, hindi ko nga alam kung saan ko ba uumpisahan at kung anong tamang salita ang sasabihin ko.

"Andrew..." buntong hininga ko, maagap naman niya akong binalingan at saka nagtatanong ang mga matang tinitigan ako.

Hirap akong napalunok, ilang minuto akong natameme at hindi na malaman kung paano pa susundan ang pagtawag ko rito. Rason naman para tumagal ang paglalabanan namin nang mainit na pagtitig.

Love At Second Night [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon