Chapter 4

771 46 1
                                    

Sa dami ng sinabi ni Anna ay wala akong naging sagot. Gulat na gulat ako sa naging emosyon niya at ito ang unang pagkakataon na narinig ko siyang naglabas ng hinanakit. Hindi ko alam na ganoon na pala ang nararanasan niya sa school. Hindi ko alam na ganito na pala ang saloobin niya.

Ang akala ko ay okay pa kami, akala ko ay ayos lang kung hindi man niya makita si Andrew, o malaman kung sino ba ang ama niya. Nagbulag-bulagan ako sa sarili kong anak para sa pansarili kong kapakanan.

"I'm sorry..." nahihirapan kong sinabi dahil sa paninikip ng dibdib ko. "Sorry, anak—"

"Ayos lang talaga, Ma. Huwag mo akong pansinin. Naiintindihan ko naman na simula nang isilang ako ay wala na talaga akong nakilalang ama," dagdag ni Annalisa habang pinipilit niyang papatagin ang sarili.

Kumurap-kurap din siya para ang nagbabadyang mga luha ay hindi tuluyang tumulo. Pilit ang naging ngiti niya sa akin, animo'y ako pa itong gusto niyang i-comfort at palakasin ang loob.

Napahinga ako nang malalim bago napayuko sa kawalan ko nang masasabi. Ewan ko, gusto kong aluhin si Anna at bigyan siya ng pag-asa ngunit saan ko nga ba huhugutin ang pag-asang iyon kung wala naman talaga?

Maski sa sarili ko ay natanggap ko nang hindi na kami magkakabalikan ni Andrew, pero totoo na nagbibigay pa rin siya ng suporta at sustento. Noong iwan ko si Andrew, inamin kong buntis na ako ng mga panahon na 'yon.

Noong umalis naman ako at sumama sa isang lalaki patungo sa States ay hinintay ko na munang ipanganak ko si Annalisa bago ko inialay ang buhay ko para sa operasyon. Para just in case na magkaproblema, ako lang iyong mawawala.

Kahit papaano ay may maiiwan pa rin na taong magpapaalala kay Andrew. Kahit papaano ay may babalik pa rin sa kaniya, pero dahil malaki ang pananalig ko ay nagkaroon ng himala. Naisip ko noon na babawi ako kay Andrew, babalik ako at saka ako hihingi ng patawad.

Ipapaliwanag ko ang lahat ng nangyari, kung bakit din pinili kong sumama sa iba at isipin ang sarili kong kapakanan. Ngunit natapos ang nangyari noong gabing iyon sa Isla Mercedes, natanto kong baliwala na ako kay Andrew. Wala na akong halaga sa kaniya.

Nasabi ko na iyong paliwanag ko, pero wala namang nangyari. Nagmistulang lang siyang bingi at patay-malisya. Hindi ko nga alam kung paano pang kapal ng mukha naming dalawa ngayon na nagkakaharap pa kami. At kung papaanong nasisikmura niya ako.

Iyon bang para lang kaming masokista na nagkakasakitan, pero sa lagay ko na naramdaman ko na iyong iba't-ibang klase ng sakit ay nasanay na lang ako. Na-immune na lang 'yung sistema ko sa paulit-ulit na sakit. Hindi na bago, parang normal na lang sa akin na masaktan nang ilang beses.

Hindi ko na kinukwestiyon ang Diyos kung bakit ganito at ganiyan, kasi aminado naman ako na ako ang may kagagawan kung bakit ito ang kinahinatnan ng buhay ko. Sa akin pa rin babagsak ang sisi. Ako pa rin iyong ituturo ng lahat kung bakit nagkaganito.

"Tapos na ho ako," anang Annalisa dahilan para mabalik ako sa reyalidad.

Napakurap-kurap ako sa kawalan, kapagkuwan ay tiningala ito nang tumayo siya. Buhat na nito ang pinagkainan niyang plato na dinala niya sa lababo, roon ko natanto na natapos na pala itong kumain.

Samantala ay hindi ko na naituloy ang pagkain ko, ni hindi ko manguya iyong natitira sa bibig ko kung kaya ay minabuti kong uminom ng tubig. Dali-dali ko pa siyang nilingon nang lumapit ito sa gawi ko.

Inabangan ko ang gagawin niya at nagulat ako nang tapikin niya ako sa balikat. Nagawa pa niya akong yakapin mula sa likod ko at saka ako dinampian ng halik sa pisngi. Maang akong napatitig sa nakangiti nitong mukha ngunit gaano man kalawak ang pagkakangiti niya ay hindi naman iyon umaabot sa dalawang mata nito.

Love At Second Night [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon