2

78.8K 1.7K 144
                                    

MAHIGPIT na napahawak si Heaven sa hawak na basket nang mapansin ang isang magarang sasakyan sa gilid niya na marahan ang pagpapatakbo, sinadyang sinasabayan ang paglalakad niya.

Nagkibit-balikat si Heaven, nagpatuloy lang siya sa paglalakad kahit kilalang-kilala na niya kung sino ang may-ari ng sasakyan na iyon. Pupunta kasi siya sa talipapa na malapit lang sa bahay nila para bumili ng iluluto niya para sa tanghalian. Hindi naman siya pwedeng pumunta sa bayan nang hindi kasama ang tiyang niya. Natatakot ito na mawala siya hindi dahil concern ito sa kanya kundi baka raw kasi tumakas siya at hindi na bumalik.

Kahit naman matagal na niyang gusto umalis sa poder ng tiyang niya dahil sa pang-aalila nito, wala naman siyang alam na ibang mapupuntahan. Wala na kasi siyang ibang kamag-anak na pwedeng mapuntahan dahil parehong nag-iisang anak ang namayapa niyang mga magulang. Matagal na rin namatay ang mga abuelo at abuela niya.

Napapitlag si Heaven nang bumusina ang magarang sasakyan sa gilid niya, dahilan para mapahinto siya sa paglalakad. Nakangising dumungaw sa kanya si Rex nang maibaba ang bintana ng kotse nito, anak ito ng vice mayor sa bayan nila. Nagmamay-ari din ang pamilya nito ng isa sa mga hacienda sa La Geronimo kung saan nagtatrabaho ang tiya Bebang niya bilang kahera.

"Good morning, Heaven! Pupunta ka ba sa bayan? Tara, isasabay na kita." malawak ang pagkakangisi na alok nito.

Nangilabot siya nang mapansin kung paano siya nito pinasadahan ng tingin. Hindi lang ang mukha niya kundi pati ang buong katawan niya. At aaminin niya, hindi niya gusto ang paghagod ng mga mata nito sa kanyang katawan.

Simula nang aksidente silang magkakilala sa bayan nang makabungguan niya ito nang samahan niya ang tiyang niya na mamalengke, hindi na ito tumigil sa pangungulit sa kanya. Hindi na rin siya nagulat nang malaman nito kung saan siya nakatira. At kapag dumadalaw ito sa bahay nila, palagi itong may dalang pumpon ng mga bulaklak, tsokolate at damit, na si Mia ang palaging nakikinabang. Ayos lang naman dahil hindi rin naman siya interesado sa mga ganoon, lalo na kapag galing mismo kay Rex.

Makisig na lalaki si Rex, hindi naman lingid sa kanya na napakaraming babae ang naghahabol dito, hindi niya lang maintindihan kung bakit pa ito nagta-tiyagang manligaw sa isang mahirap at walang pinag-aralan na katulad niya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ito kapursigido sa kanya.

Hindi din lingid sa kanya na kabi-kabila ang mga babae nito. Masyado itong palingkero, may pagka-arogante rin. Kaya nga hindi niya tipo ang mga katulad nito. Si Mia lang naman ang may gusto sa lalaki.

"Hindi na po senyorito. Diyan lang naman po ako sa talipapa pupunta." magalang niyang pagtanggi sa alok nito, nagbigay siya ng kiming ngiti sa lalaki. Hindi naman kalayuan ang talipapa sa bahay nila. Ilang kanto lang ang layo 'nun.

Itinabi ng lalaki ang kotse nito sa gilid ng kalsada saka nagmamadaling bumaba at lumapit sa kanya. Kinuha nito ang basket na dala niya pati ang isang kamay niya at pinisil iyon. Nabigla pa siya nang bigla siyang akbayan ng lalaki at haplusin ang braso niya. Kinilabutan siya.

"Sasamahan na lang kita maglakad, ako na lang din ang magdadala nitong basket mo." malawak na ngiting saad nito. Pinasadahan pa nito ang labi nito gamit ang dila nito habang sumulyap sa dibdib niya. Marahan na hinatak niya ang kamay pabalik, agad rin naman niyang kinuha pabalik ang basket, humakbang siya paatras para ilayo ang sarili mula dito.

"H-huwag na po kayong mag-abala, senyorito. Kaya ko naman na po ito. Sige po, mauuna na ako." walang lingon-likod na nilampasan niya ang lalaki. Narinig pa niyang tinawag nito ang pangalan niya pero hindi na siya nag-abalang lumingon.

Lihim siyang nagpasalamat nang hindi na sumunod pa ang lalaki sa kanya. May pagmamadali na tinungo niya ang talipapa at namili agad siya ng mga kailangan niyang bilhin.

EtherealTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon