Agosto 7, 1965
Sabado
Mahal kong talaarawan,
Namamantasya lamang ba ako? Nagkamali lamang ba ako ng pandinig? Nagkamali lamang ba ng paningin ang aking mga mata?
"Peridot," pagtawag niya sa aking atensyon. Hinawakan niya ang aking mga kamay at ako'y pinaharap sa kaniya.
"Alam kong masyado pang maaga upang aking sabihin ito ngunit hindi ko na kayang ipagpaliban pa ang aking nais sabihin." Siya'y ngumiti sa akin at para bang ito'y isang tahimik na engkantasyon at hinahalina akong sumama patungo sa isang paraiso. "Sobra-sobra ang aking kaligayahan sa tuwing ika'y aking nakakasama. Ang aking puso ay labis din ang pagtibok sa tuwing nasisilayan ko ang iyong napakaamong mukha. Peridot, mahal na yata kita."
Agad na nanlaki ang aking mga mata. Nagtapat ng pag-ibig sa akin si Alejandro. Totoo ba ito?
Dahil sa aking pagkatahimik, unti-unting nawala ang ngiti sa labi ni Alejandro at napakamot ito sa ulo habang pinipilit ang sariling ngumiti sa akin. Oo nga't nginitian niya akong muli ngunit napakapait naman nito.
"Pasensya na. Nais ko lamang ilabas itong bigat sa aking dibdib kung kaya naman ay nagtapat na ako sa'yo. Ngunit, sa tingin ko'y ako lamang ang umiibig sa atin. Sige, mauuna na ako sa pag-uwi," pagpapaaalam niya habang nakaturo pa ang hintuturo sa kaniyang likuran, sinesenyas ang daan patungo sa kanilang tirahan. Ano? Ganoon na lamang ba iyon?
Tinalikuran na ako ni Alejandro at magsisimula na sanang maglakad paalis nang hinawakan ko ang kaniyang kanang kamay. At nang humarap siya sa akin, tila nakaramdam ako ng ilang boltahe ng kuryente dahil sa pagdidikit ng aming mga balat kaya naman ay inalis ko kaagad ang aking pagkakahawak sa kaniya at saka yumuko. Kinakabahan ako. Sasabihin ko na rin ba? Bahala na.
Nahihiya akong tumingin sa kaniya at sinalubong ang kaniyang mapupungay na mga mata. "M-mahal rin k-kita, Alejandro." Nang sa wakas ay nabanggit ko na ang aking nais ipagtapat, tila gumaan ang aking pakiramdam. Nginitian niya ako nang napakalawak kaya naman ay sinuklian ko ito.
Matapos ang aking sinabi, wala nang nagtangkang magsalita pa sa amin. Bagkus, tumingin na lamang kami sa bandang hilaga at sabay na pinanood ang pagkubli ng araw sa likod ng nayon.
Talaarawan, ganoon ba talaga? Kapag ba nagtapat ng pag-ibig ang dalawang tao ay wala nang kasunod pa na pag-uusap? 'Mahal kita' at 'mahal din kita.' Iyon lamang ba iyon?
Nagmamahal,
Peridot
BINABASA MO ANG
Peridot
Short StorySummer of 2020. Isang kasaysayan ang matutuklasan. Isang kuwentong nakabinbin, ilang dekada na ang nakalilipas. Ano kaya ang nakapaloob sa lumang diary ng isang nagngangalang... Peridot? *** Santa Claus. Bermuda Triangle. Atlantis. Unicorn. 'Yung fe...