Pahina 31

26 6 2
                                    

Agosto 30, 1966
Martes                


Mahal kong talaarawan,

     Isang taon na rin ang nakalilipas. Dahil dito, napatunayan kong totoo nga ang sinasabi nilang sa tuwing may aalis ay may darating.

     Umalis ang mga mahal ko sa buhay... at dumating naman sa akin ang isang karamdamang hindi mapangalanan.

     Pinagmasdan ko ang ikatlong daan at animnapu't anim na paglubog ng araw mula sa harap ng aming tahanan.

     Isang taon na.

     Sumilay ang ngiti sa aking labi habang dinaramdam ang paghaplos ng hangin sa aking mukha.

     Ang bukang liwayway. Ang takipsilim. Ang paglitaw ng buwan. Sa araw-araw na panonood ko sa kalangitan ay umasa akong kahit kapiranggot man lamang ay may makita akong pagbabago sa kanila. Ngunit... sa tuwing ako ay umaasa ay nauuwi lamang ako sa pagkabigo at pagkainggit.

     Mabuti pa ang araw at ang buwan ay hindi kumukupas samantalang ako ay malaki na ang pinagbago. Ilang libong taon na ang buwan at araw at ilang libong taon rin ang kanilang tanda sa akin... Ngunit, bakit tila mas mauuna pa akong lumipas kaysa mga ito?

     Lumingon ako sa aking gilid nang maramdaman kong dumating si Ina at ibinalot sa akin ang isang kulay berdeng balabal.

     "Pumasok na tayo, anak. Hindi ka ba nilalamig?" nag-aalala niyang tanong.

     "S-Sobra... p-po," hirap kong sagot.

     Nginitiang muli ako ni Ina at hinalikan muna ang tuktok ng aking ulong nababalutan ng telang sombrero bago niya itinulak ang aking silyang de-gulong para pumasok sa aming tahanan.

PeridotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon