Liham

18 7 0
                                    

Agosto 29, 1965
Linggo                 


Mahal kong Peridot,

     Hindi ko mawari kung paano ko ba sisimulan ang liham na ito. Hindi ko rin mawari kung paano nga ba ako humantong sa kalagayang ito.

     Subalit bago ang lahat, hayaan mo muna akong ilahad ang laman ng aking puso.

     Alam mo bang mula noong tayo'y nasa elementarya pa, hindi ko na mapigilang lihim na sumulyap sa iyo? Nakakatawang isipin na sa murang edad, tila nahumaling na ako sa iyong napakainosenteng mukha. Oo, labis ang aking pagkamangha sa iyong kagandahan. At alam mo ba kung ano ang pinakanakamamangha? Ang iyong berdeng mga mata na puno ng kuryosidad sa lahat ng bagay.

     Sa aking pagmamasid sa iyo sa loob ng maraming taon, napansin ko ang iyong pagkasabik na malaman ang  kasagutan sa lahat ng iyong napakaraming katanungan. Alam ko iyon dahil minsan mo na akong natanong ukol sa bagay na maski sinong batang katulad natin ay hindi iyon maiisip na itanong.

     "Hoy bata, may tanong ako!" pasigaw mo akong tinawag noon sa may bukid, pitong taong gulang pa lamang tayo. Nagsasaka kami ng aking tiyo sa bukiran habang ikaw ay prenteng nakaupo sa lilim ng isang matayog na puno.

     "A-Ako ba ang kausap mo?" gulat kong turan. Sa ilang taon kasi nating pagiging magkaklase, iyon ang unang beses na kinausap mo ako.

     "Sino pa ba? Oo, ikaw nga!" Iniikot mo pa ang iyong mga mata noon habang nakapameywang sa akin.

     "Eh bakit mo ako sinisigawan?!" Kunwari'y naiinis ako sa iyo noon ngunit nais ko lamang talagang itago ang kabang nararamdaman ko.

     "Wala kang pakialam! Halika, lumapit ka rito. Dalian mo!" Hindi ko alam kung bakit, ngunit sinunod ko kaagad ang utos mong iyon sa akin. Dali-dali kong pinunasan ang pawis sa aking noo at saka tumakbo palapit sa iyo.

     "Bakit?" tanong ko habang pigil pa ang pagkahingal.

     Tumingin ka noon sa nayon saka mo ako tinanong. "Pag-ibig ba ang tawag sa mag-asawang nagsisigawan? Lagi ko kasing naririnig sila Ina sa may kwarto. Nagsisigawan sila ni Ama."

PeridotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon