Pahina 15

27 10 0
                                    

Agosto 15, 1965
Linggo                


Mahal kong talaarawan,

     Habang mag-isa kong pinanonood ang bukang-liwayway sa bakuran ng aming tahanan, tumabi sa akin si Ina. Pinagsalikop niya ang kaniyang mga kamay at ako'y kaniyang nginitian.

     Matapos ang ilang sandali, inabot ni Ina ang aking mga kamay at marahan itong hinawakan. Ako'y kaniya ring niyakap bago magsalita. "Ako'y isang ina, Peridot. Alam ko kung ang aking anak ay may dinaramdam o wala. Kaya kahit na hindi mo sabihin sa akin, alam ko ang giyerang nagaganap diyan sa iyong puso."

     Hindi ko alam ang aking sasabihin sa mga oras na iyon, talaarawan. Iniisip ko kung sasabihin ko ba kay Ina ang tungkol kay Alejandro o hindi. Ngunit, muntik ko nang makalimutang iba si Ina sa lahat.

     Habang ako'y tumatangis sa kaniyang mga bisig, nagsalita siyang muli. "Anak, hindi ko na tatanungin pa kung ano ang 'yong problema. Ngunit, may isang bagay sana akong gustong malaman."

     "A-Ano po iyon, Ina?" pilit kong pagsasalita.

     Hinawakan ni niya ang aking mga balikat at iniharap ako sa kaniya. "Ayos ka lamang ba?"

     Ang mga katagang iyon... Ang mga salitang ilang araw ko nang lihim na nais marinig...

     Nag-unahan na naman sa pagtulo ang aking mga luha kaya naman pinalis ito ni Ina gamit ang kaniyang mga hinlalaki.

     Ayos nga lamang ba ako? Hindi...

     Habang patuloy na lumuluha, ako ay umiling kay Ina. At talaarawan, niyakap niya ako. Niyakap niya akong muli at hinaplos ang aking likod.

     "Ayos lamang na umiyak ka sa ngayon, anak. Basta't siguraduhin mong bukas o sa makalawa, ngingiti ka na lang dahil ang mga sakit buhat ng kahapon ay wala na." Tumango ako kay Ina.

     "Sa tingin ko'y alam ko na ang iyong pinapasan ngunit nais ko lamang ipabatid sa iyo na ano man ang mangyari, naririto lamang ako. Hindi kita iiwan, anak. Dahil mahal kita... Mahal ka namin ng iyong..." Nabasag ang kaniyang boses. "ng 'yong... Ama," hirap na pagpapatuloy ni Ina sa kaniyang sinasabi.

     May pinagdaraanan din ba siya? Bakit tila napakabibigat ng kaniyang pagbitiw ng mga salita?

     Unti-unting kumalas sa pagkakayakap si Ina at pinunasan ang kaniyang mga luha. "Sige, anak. Papasok na muna ako sa loob upang magluto ng umagahan. Pumasok ka na rin maya-maya."

     Binigyan ko si Ina ng isang malungkot na ngiti at tango bago siya tuluyang umalis.

     Habang mag-isa kong pinagpatuloy ang panonood sa bukang-liwayway, mayroon akong napagtanto.

     Talaarawan, masyado akong nagpapagapi sa kalumbayan. Sa tingin ko'y oras na upang ako'y sumayang muli. Kaya naman kasabay ng pagsilang ng panibagong araw ay ang pagkasilang muli ng aking pusong nasugatan.

     Oo nga't nakalulungkot talaga ang maiwan ng minamahal. Ngunit, pasasaan pa ang buhay kung mananatili tayong nananangis dahil sa kahapon?

     Iniwan man ako ng mga taong lubos kong pinahahalagahan, mayroon pa naman akong mga mahal sa buhay na nananatili sa aking tabi. At masaya na ako dahil doon.


Nagmamahal,
Peridot            

PeridotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon