Pahina 24

19 9 0
                                    

Agosto 24, 1965
Martes               


Mahal kong talaarawan,

     Ang masasayang mga araw ay tila mga buhangin na tinangay na ng hangin. Ang mga ibong umaawit ng Kundiman ay umaawit na naman ng isang elehiya.

     Pagkauwi ko galing sa paaralan, tumambad sa aking harapan ang aming tahanan... na tila hinagupit na naman ng isang bagyo. Ang mga gamit ay sira-sira at ang mga pinggan ay basag-basag. Ngunit, ang nakatawag ng aking pansin ay ang litrato ng aming pamilya--- Nabasag ang lagayang babasagin nito at ngayo'y nasa sahig na lamang. Agad ko naman itong pinulot.

     "Ina?" pagtawag ko habang tuluyang pumasok sa bahay. "Ama?" May narinig akong kaluskos sa silid ng aking mga magulang kaya naman ay nagtungo ako roon.

     Nabitawan ko ang litratong nasa aking kamay dahil sa nasaksihan, ang mga luha ay nagbabadya nang tumulo.

     "A-Ama?" Nginitian lamang ako ng aking amang may dalang isang napakalaking bagahe. Si Ina naman ay nakaupo sa kanilang higaang banig.

      "M-May kawatan na naman po ba? Aalis po ba tayo rito? T-Teka lang p-po. Ako'y mag-iimpake lamang." Pinalis ko ang aking mga luha at tumalikod na sa kanila. Iba ang kutob ko sa nangyayari.

     "Peridot..." Tila mas nawasak pa ang aking puso nang narinig ko ang pagtawag ni Ina. Humarap ako sa kanila at ngumiti habang lumuluha.

     "B-Bakit po? Saglit lamang po akong mag-iimpake, pangako. Huwag po k-kayong mainip." Pinipilit ko lamang na pasayahin ang atmospera sa kabila ng nakabibinging katahimikan ng aking mga magulang.

     Tumulo ang luha ni Ina. At sinundan pa ng isa... At ng isa pa... hanggang sa hindi ko na mabilang pa ang mga ito.

     Lumapit sa akin si Ama at niyakap ako nang napakahigpit. "Patawad, anak."

     "A-Ano pong ibig ninyong sabihin?  Wala n-naman po kayong kasalanan."

     Kumalas sa pagkakayakap si Ama. "Hindi ko na mahal ang iyong Ina. Patawad." Hinila ni Ama ang kaniyang maleta upang makaalis na.

     Naguluhan ako sa kaniyang sinabi. Tama ba ang aking pagkakarinig? "Bakit? A-Ama, bakit po? Dahil po ba sa akin? Magpapakabait na po ako!" Hindi ako pinapansin ng aking Ama kaya sinundan ko siya hanggang sa labas.

     "Ama! Iiwan niyo na lamang po ba kami?" Hindi ko na naisuot nang ayos ang aking bakya dahil sa pagmamadaling habulin si Ama sa labas.

     "Gagawin ko po ang lahat, huwag lamang kayong umalis. Pakiusap! Huwag po!" Niyakap ako ni Ina mula sa likuran upang pigilan ang aking paghahabol sa amang lumilisan.

     Nagpumiglas ako kay Ina ngunit nawalan din ng lakas kinalaunan. Kaya wala akong ibang nagawa kundi ang magmakaawa sa amang hindi na ako naririnig.

     "B-Bakit po, Ama? Akala k-ko po ba... A-Akala ko po a-ay mahal n-niyo kami? Bakit? ... B-Bakit?"

     "Shhh. Tahan na, anak..." pag-alo sa akin ng aking inang tumatangis din.

     Ang puso ko ay wala nang mas ikawawasak pa. Talaarawan, akala ko ay palaging magiging masaya ang aming pamilya. Ngunit... akala ko lamang pala...


- Peridot

     

PeridotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon