Dilim
Mahigit isang oras na magmula nang iwanan ako ni Laszlo dito sa labas. Mabuti na lang at natatakluban ng mga dahon ng puno ang araw kaya hindi ito direktang tumatama sa akin.
Sinilip ko ulit kung saan pumasok si Laszlo kanina. May nakabantay pa rin doon. Paano kaya nalinlang ni Laszlo ang mga kawal na iyon? Sabagay, taklob nga pala ang mukha niya kaya siguro hindi siya pinagdudahan.
Bumalik ako sa pagkakaupo ko sa malaking ugat ng puno. Ang tagal naman! Baka maubos na ako ng mga langgam dito!
"Zale..." I heard a soft voice calling my name.
Napatingin ako sa paligid. Walang tao. Sumilip ulit ako sa kastilyo at nakitang wala namang nagbago. Ganoon pa rin ang mga kawal at wala namang nakatingin sa gawi ko.
May tumawag ulit sa pangalan ko. Tumingala ako para tingnan kung may tao ba sa taas ng puno. Boses babae iyon at bago sa pandinig ko kaya nagtaka ako.
Ilang beses ko pang narinig ang pagtawag sa akin bago nagdesisyong sundan iyon. Babalik din kaagad ako dito.
'Be back -Z.'
Isinulat ko sa lupa na kinatatayuan ko gamit ang putol na sanga na nakita ko kanina. Baka kasi mamaya ay bumalik si Laszlo at wala ako roon. Mamaya isipin pa niyang napahamak ako.
Sinundan ko ang pinagmumulan ng boses. Matataas ang puno dito kaya imposible talagang nasa taas ang tumatawag sa akin.
"Zale... Halika..."
Humangin nang malakas kaya napapikit ako. Pagmulat ko ay nanlaki ang mga mata ko sa nakita.
Isang malaking lumang bahay na gawa sa kahoy. May isang malaking bilog na bintana sa tuktok, halos malapit na sa bubong ng bahay. Kita ko ang ilang butas ng mga bubong mula dito.
Kinilabutan ako nang makita ang mga bungo na nakatusok sa palibot ng bahay. May mga apoy na nakasindi sa palibot ng bahay.
Nilingon ko ang pinanggalingan ko at nakitang puro puno na lang iyon. Wala na ang puno na pinagtataguan ko kanina.
Nakaramdam ako ng kakaibang takot.Imposibleng ito pa ang gubat na kinapaparoonan ko kanina dahil ibang-iba ang mga puno dito! Kumpara sa mga maberdeng dahon kanina, ang mga nandito ay puro lanta o 'di kaya ay patay na!
Nagtaka ako dahil sa pagkakatanda ko, umaga pa noong umalis kami ni Laszlo. Pero ngayon ay nakalitaw na ang bilog na bilog na buwan.
May narinig akong tawa mula sa loob. Kahit nakakaramdam na ng takot, kinain pa rin ako ng kuryosidad kaya dahan-dahan akong lumapit sa bahay.
Unang tungtong ko pa lang sa sahig na kahoy ay lumangitngit na agad ito. Senyales na talagang luma na ang bahay.
Umingay ang pinto nang itulak ko para buksan kaya lalo akong natakot. Pagbukas ay bumungad sa akin ang isang matandang babae na may kulay abong buhok. Hindi ko gaanong maaninag ang mukha niya dahil sa dilim. Tanging ang liwanag lamang ng apoy na nagmumula sa labas ang nagsilbing ilaw.
"Mukhang nakatakas ka sa iyong mga kapatid, Zale." Wika ng matandang babae. Nakaupo siya sa tumba-tumbang upuan. Bawat paggalaw noong upuan ay lumalangitngit ang sahig.
Itinigil din niya ang paggalaw ng upuan at dahan-dahang tumayo. May kinuha siyang tungkod sa gilid at nagsimulang maglakad patungo sa akin.
Tanging ang tunog lamang ng pagtama ng kaniyang tungkod sa sahig ang maririnig. Bumilis ang tibok ng puso ko habang nakatitig sa kaniya.
Unti unti kong nakita ang kabuuan ng mukha niya dahil sa paglapit. Natatamaan na ito ng liwanag mula sa apoy. She smiled creepily at me.
Dahan-dahan akong umatras habang patuloy naman ang paglapit niya sa akin.
BINABASA MO ANG
Flaming Ocean
FantasyZale is the exact definition of the word 'perfect'. She has everything. Loving and caring brothers, countless money, looks to die for, intelligence...everything! But what if one day she wakes up and a ghost from the past suddenly appears? A memor...