Parehong may trabaho sina mama at papa nooong nabubuhay pa sila kaya bihira kaming magsama-sama. Kahit rest day nila, magkaiba.
Sa umaga, pare-pareho kaming umaalis. Sila, papunta sa opisina, samantalang kami ni Grey, papunta sa eskwelahan. Sa gabi, dadating sila nang tulog na kami o kung gising man, abala sa paggawa ng homeworks.
Noong mas mga bata pa kami, kumuha sila ng taga-bantay para sa'min ni Grey. Pero 'di kalaunan, hindi na kinaya ng budget kaya nang mapansin nilang pwede na akong iwan mag-isa sa bahay, kinausap nila ako at nag-desisyon na i-give up ang kasambahay.
Maaga nilang naipaintindi sa'kin ang sitwasyon namin kaya kailanman, hindi ako nagtanim ng sama ng loob. Araw-araw, nakikita ko ang paglalaban ng pagod at pagpupursige sa mga mukha nila.
Hindi sila nagkulang iparamdam sa'min ang pagmamahal bilang mga magulang kahit sa simpleng paraan. Palaging gumigising si mama nang sobrang aga sa pasok niya para paglutuan kami ni Grey ng almusal at baon. Si papa naman, palagi kaming tinutulungan sa mga homeworks kahit madalas, antok na antok na siya pag-uwi.
Birthday ko noong araw na 'yon. Saktong katatapos lang ng huling klase ko nang tumawag sa'kin si papa.
Ang sabi niya, pareho silang nag-early out ni mama para mai-celebrate ang kaarawan ko. Tinanong nila kung anong gusto kong regalo, pero ang tanging hiling ko lang nang araw na 'yon ay makakain kami sa labas nang sama-sama.
Labis ang saya ko nang pumayag sila at sabihing nasa taxi na para sunduin kami ni Grey sa school. Sabik na sabik kaming naghintay kahit marami nang iba pang estudyante at mga magulang ang nagpaalam at lumampas sa'min.
Nagsimula nang umambon at ilang minuto lang ang lumipas ay naging ulan ito. Palakas nang palakas hanggang sa ang marinig na lang namin ay ang pagbagsak ng mga patak nito sa lupa at sa bubong ng waiting shed at ang malakas na ihip ng hangin na humahampas ngayon sa buong paligid.
Hindi ko pa rin ito ininda. Ang tagal, pero hindi ko pansin noon ang oras na lumilipas. Bukod sa sabik akong makasama sila, excited din ako sa pagkain. Pakiramdam ko noong araw na 'yon, sobrang espesyal ko dahil magsasama-sama kami para sa birthday ko.
Malapit na ring dumilim nang makatanggap ulit ako ng tawag. Hindi registered ang number pero mula raw ito sa isang pulis.
Nang malaman ang edad ko, nagtanong sila kung may iba pang mas nakakatanda na pwede nilang makausap. Hindi ko alam ang gagawin.
Nag-isip ako sandali bago ko hinila si Grey papasok ulit sa loob ng school para hanapin ang adviser ko. Pareho rin tuloy kaming basang-basa na ngayon dahil sa ulan.
Nang makarating sa faculty, kinausap niya ang nasa kabilang linya at nang matapos ay doon ko unang nakita ang klase ng tingin na hindi ko akalaing magiging permanenteng tingin ng ibang mga tao sa'min mula noong araw na 'yon. Punung-puno ito ng awa at pag-aalala na kalauna'y hindi mo na masabi kung may katotohanan pa ba o wala.
Muli akong tinanong ng adviser ko kung sino pa ang mas nakatatandang pwede naming tawagan.
Nakatatanda na naman? Bakit? Ano bang hindi nila pwedeng sabihin sa'min?
Naisip ko ang ate ni papa na nakatira lang din malapit sa'min. Kinausap siya ng adviser ko sa telepono at makalipas ang ilang oras, dumating siya sa school para sunduin kami.
Isinuot niya sa'min ang kanya-kanya naming kapote. Kita ko ang pagpa-panic sa kanyang mga mata at kilos.
"Nasaan sina papa?" tanong ko pero wala akong narinig na sagot.
Nagmadali kaming sumakay sa jeep at bumaba sa isang ospital. Bakit kami nandito?
Nang makarating sa entrance, tumigil kami sa paglalakad. Pumunta sa harapan namin si tita at lumuhod nang bahagya para maging lebel ang paningin namin.
BINABASA MO ANG
Sa Loob ng Pitong Araw (Calyx's Story)
RomanceHow long will it take for someone to fall in love? Are seven days enough? George, a tough and independent woman who refuses to believe in destiny begins to question what love is after meeting Calyx, a man who is doing well in everything except in mo...