Chapter 7: Forgive and Forget

79 9 1
                                    

Isang linggo pa lang ang nakakalipas mula nang maaksidente si Dranreb ay nakatanggap ako ng tawag mula kay Tatay Bernard na nagsabi sa aking nabangga siya ng isang kotse. Kahit hindi makapaniwala ay mabilis akong nagtungo sa bakanteng lote kung saan siya naaksidente. Nakahiga si Tatay sa damuhan, nahihirapang huminga, pero walang makikitang mga pinsala.

Kahit hirap sa paghinga ay sinubukan ni Tatay na magsalita, "Patawad, My Frog Pri... Prince!" Lumuhod ako sa tabi niya at nagsabi ng nakahihikayat na mga bagay, "Magiging maayos ang lahat. Kumapit ka lang, Tatay!" Sa sandaling iyon, dumating sina Ate Melba, Kuya Marco, Garrett at ang aking inang si Nanay Mila na akay-akay si Madam Georgia. Iminungkahi ni Madam Georgia na yakapin ko si Tatay Bernard. Hindi ko na maalala kung ano ang mga sinabi ko pero malinaw sa alaala ko ang presensya ng iba pa na nakapalibot sa akin. At sa sandaling iyon ko nalaman na papanaw na si Tatay.

Inilipad si Tatay Bernard ng isang helicopter papunta sa ospital ngunit siya ay pumanaw na nga. Nadama ko ang pagpapatawad sa puso ko. Nakasama pa namin ng ilang sandali si Tatay sa ospital. Inihanda siya ng mga nagtatrabaho doon para mahawakan namin siya at makapagpaalam at pinahintulutan kami na makapiling siya hangga't maaari, hinahawakan siya hangga't nais namin.

Sa aming pag-uwi, nagtinginan kami ng aking nagdadalamhating kuya at ate at napag-usapan namin ang batang lalaking nagmamaneho ng kotse na nakabangga kay Tatay. Hindi namin siya kilala kahit na isang kalye lang ang layo ng tinitirhan niya. Dumating sina Zendee, Pogs at Jolens upang pawiin sa simpleng paraan ang kalungkutan namin. May bitbit silang kakaibang mga bagay. Ang sabi nila ay misyon daw nila na manguha ng mga ganoong bagay. Si Jolens ay may dalang kamaru, tamilok, uok, abuos at tuslob-buwa. Ang mga bitbit naman ni Pogs ay salak o prutas ng ahas, pitaya o prutas ng dragon, atemoya, akyat na pipino at ang kamay ni Buddha na dilaw na prutas. Iniabot naman sa akin ni Zendee ang mga hawak niyang kakaibang halaman na nakalagay pa sa iba't ibang paso. Mayroong halaman ng bangkay, baseball plant, plato ng bato, cobra lily at ang jackal food na amoy dumi ng tao. Napangiti nila kami pero nanumbalik ang lungkot namin nang kinailangan na nilang umuwi.

Napakahirap ng sumunod na araw dahil kaming lahat ay lubusang ginapi ng pagdadalamhati. Lumuhod ako at inusal ang pinakataimtim na panalanging nasambit ko. Kinalaunan noong araw na iyon, isang abogado ang nag-iskedyul para makaharap namin ang binatilyong nakasagasa kay Tatay Bernard at ang kaniyang mga magulang. Hinintay namin nina Kuya Marco, Ate Melba at Madam Georgia ang pagdating ng bata at ng kaniyang mga magulang. Nang bumukas ang pinto, nakaharap namin sila sa unang pagkakataon. Bumulong sa akin ang abogado, "Lapitan mo siya." Sabay namin siyang niyakap ni Madam Georgia. Umiyak kami nang tila ba napakahabang panahon. Sinabi namin sa kaniya na alam namin na talagang isang aksidente ang nangyari. Himala ito para kay Madam Georgia at sa akin dahil kapwa namin naramdaman ang pagpapatawad. Kasama ang ate at kuya ko, nagawa naming tahakin ang malaki, malinaw at tanging landas, ang mahalin ang mabuting binatilyo na aksidenteng nakabangga kay Tatay Bernard. Alam ko na ang makapagpatawad at alisan ang sarili ng pasanin sa ganoong paraan ay kasing-saya ng mapatawad.

Dalawang buwan na ang lumipas. Pinatigil muna ni Master Zendee ang paggawa namin ng mga misyon. Ang isandaang mga misyon ay natapos na dapat namin sa loob ng isang buwan pero dahil nga sa mga nangyari sa pamilya ko ay natigil muna ang bunutan sa misteryosong kahon. Nasa batas naman daw ng Vixens na tumigil muna sa pagkumpleto sa mga misyon kapag nagkaroon ng mabigat na pinagdadaanan ang kahit isang miyembro lang. Marami nang nagbago. Mayroong nagpatawad, nagpakumbaba, nagsakripisyo at nagparaya. Naging kasundo na namin ang bagong asawa ni Tatay na si Madam Georgia at ang anak nitong si Garrett na kapatid din namin sa ama. Nagbunga rin ang mga dasal namin na gumaling si Dranreb. Nagdesisyon si Aling Teresa na ilayo sa amin si Dranreb dahil daw sa mga negatibong nangyari at sa mga mangyayari pang makakasama sa anak niya. Dahil sa post-traumatic amnesia ay naging madali na rin para kay Dranreb na lumayo sa amin. Hindi niya na kasi maalala ang mga nangyari noong nagkita sila ni Tatay Bernard. Ang alam lang niya ay hindi siya naging maingat sa pagtawid sa kalsada. Hindi na rin namin ipinaalam sa kaniya dahil may posibilidad na hindi niya kayanin ang mga malulungkot na nangyari lalot hindi pa siya makakilos nang maayos. Pinagbawalan na rin siya ni Aling Teresa na makipagkita sa amin pero palihim pa rin siyang pinupuntahan ni Ate Melba. Mahirap mang gawin ay hinayaan na lang ni Madam Georgia na mamuhay si Dranreb kasama si Aling Teresa. Sabi nga nila, "If you love someone, set him free."

"Anong klaseng pamilya tayo?" tanong sa akin ni Garrett. "Tayo ay isang masayang pamilya!" sagot ko naman. Ngumiti lang siya sa akin pero alam ko na malalim pa rin ang kaniyang iniisip. Sa edad na labintatlo ay mahirap pa rin para sa kaniya na unawain ang lahat ng nangyari. "You know what? Ang himala ay nasa puso ng taong marunong magpatawad!" seryosong wika ko sa kaniya. "May himala!" tugon ni Garrett na mala-Nora Aunor pa ang kilos. Nilapitan ko siya at inakbayan habang nagsasalita, "Alam kong sa pamamagitan ng pagpapatawad sa isa't isa na may tunay na pagmamahal ay maaari tayong gumaling at lumakas upang malampasan ang ating sariling mga pagsubok!"

Nagtungo ako sa ilalim ng General Luna Bridge na madalas naming puntahan noon ni Tatay Bernard. Natanaw ko ang maisan na madalas naming tambayan noon. Naroon pa rin ang puno ng bayabas na naging pahingahan namin pagkatapos maghabulan sa damuhan. Naalala ko rin ang mga araw na magkasama kaming nangingisda sa ilog na maraming water lily. "Anong ginagawa mo dito?" pagkabigla ko nang makita ko si Zendee na nakatayo sa likuran ko. Hindi pa rin talaga ako sanay na bigla-bigla na lang siyang sumusulpot sa paligid ko. "Mukha ba akong multo sa ganda kong 'to?!" biro niya. "You know what? Magkakaroon ako ng sakit sa puso sa 'yo!" sabi ko sa kaniya bago ko inayos ang paghinga ko. Ewan ko ba kung bakit bigla na lang tumibok nang mabilis ang puso ko. Tumingin ako sa kaniya. Nakatingin naman siya sa langit. Ipinikit niya ang kaniyang mga mata bago siya nagsalita sa hangin, "Pumikit ka!" Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "Bakit?" tanong ko sa kaniya. "Basta!" utos pa niya na parang isang amo. Oo nga pala, siya si Master Zendee. Siya ang leader ng Vixens kaya dapat ko siyang sundin. Dahan-dahan kong ipinikit ang mga mata ko habang sinasabi sa kaniya na nagawa ko na ang ipinag-uutos niya. "Ngayon, isipin mo ang tatay mo!" wika niya na nakapagpadilat nang bahagya sa akin. "Sinabi ko bang dumilat ka na?!" naiiritang sabi niya. Muli kong ipinikit ang mga mata ko. "Bukod sa lugar na 'to, isipan mo ang isang lugar na naging memorable dahil sa tatay mo!" utos ni Zendee sa akin. Kaagad na pumasok sa isip ko ang paborito kong kwarto noong walong taong gulang pa lang ako. Para sa akin ay memorable ang kwartong iyon sa dati naming bahay. Si Tatay Bernard mismo ang nag-renovate at nag-ayos ng kwarto ko. May concert ang banda nila noon at sobrang lungkot ko dahil wala siya para sabitan ako ng medalya nung Recognition Day namin. Ako pa naman ang nagkamit ng unang karangalan at Best in Attendance. Malungkot akong umuwi sa amin galing sa school. Laking gulat ko nang pumasok ako sa kwarto ko. Halos lumuwa ang mga mata ko sa mga bagay na nakikita ko. Lahat ng gamit sa kwarto ko ay kulay green at punung-puno ito ng stuffed toys na palaka. Paborito ko kasi ang stories ni Aesop kung saan ang mga bida ay palaka. Mga pabula kasi ni Aesop ang madalas na ikuwento sa akin ni Tatay para makatulog ako noong ako ay bata pa. Mas ikinagulat ko pa ang pagpasok ni Tatay sa kwarto ko at may hawak pa siyang malaking cake na may disenyong Kermit the Frog. Nakalagay sa itaas ang mukha ko na masayang nakangiti. Hindi ako makapaniwala na nakasama ko ang tatay ko nang araw na iyon. Hindi ko namalayan na binibigkas ko na pala ang mga salitang madalas sabihin sa akin ni Tatay, "Congratulations, My Frog Prince!" Napahagulgol ako at naramdaman ko ang bisig ni Zendee na yumakap sa akin mula sa likuran. Habang nakayakap sa akin ay nagsalita si Zendee, "Ang pagpapatawad at paglimot ay pagpapalaya sa sakit na nadarama mo, sa galit, lungkot, poot, hinanakit at sama ng loob!"

The Four Bad Girls and MeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon