Sampung misyon ang napagtagumpayan namin nang bumalik kami sa kagubatan ng Tilapayong. Binigyan namin ng relief goods ang indigenous people doon. Napakasarap sa feeling na alam naming naging mapagbigay kami at nakatulong sa kapwa namin kahit sa simpleng bagay lang. Nag-ipon din kami ng maraming pictures na magsisilbing mga alaala ng mga bagay at pangyayaring naganap sa amin sa kagubatan ng Tilapayong. Bumuo ako ng memories kasama ang four bad girls. Naghanap din kami ng mga bago naming kaibigan. "Huwag mong ikulong ang sarili mo. Huwag masyadong suplada! Mainam ang maraming kakilala at kaibigan dahil nahuhubog nito ang ating pakikipagkapwa-tao at isa pa, malaking impluwensya ang naidudulot sa atin ng iba't ibang taong ating nakikilala at nagiging kaibigan. Maging wise lang sa pagpili!" nakangiting sabi ko kay Ate Melba. Nagtanim kami ng mga puno. Nilinis at inayos namin ang Tilapayong Rainforest Event Hall. Nakisaya kami sa Papag Festival doon at sabay-sabay kaming kumain ng nakakamay. Nag-organize din kami ng literacy outreach program upang turuang magbasa ang mga batang naninirahan sa kagubatan ng Tilapayong. Higit sa lahat, napangiti namin ang mga tao sa inihanda naming mini-concert. Syempre, humataw sa pagkanta at pagsayaw ang four bad girls. Nang kumanta si Zendee ng "Because You Loved Me," ako ang naging gitarista niya. Hindi ko akalain na makakatugtog ulit ako ng gitara sa harap ng maraming tao. Buti na lang at natatandaan ko pa ang mga itinuro sa akin ni Tatay Bernard. Sobrang saya palang ipakita ang natatagong talento. Hindi lang pala sakit ang nakakahawa dahil ang saya na dala namin ay kumalat na sa buong kagubatan.
Pagdating namin sa mga nirentahang papag ay agad naming ibinaba at iniayos ang gamit namin. Habang inaayos ng four bad girls ang kanilang hihigaan ay naupo na muna ako sa may papag. Lumapit sa akin si Zendee na nakakumot ang ulo at may hawak na unan. Nagulat ako nang mapansin kong magkatabi na kami sa papag. "Bakit ayaw mo pang ayusin ang tutulugan mo, Boss Marvin? Ala-una na. Tulog na yung mga kasama natin!" usisa sa akin ni Zendee. "Hindi ko nga alam kung bakit ayaw akong dapuan ng antok kahit sobrang dami nating ginawa kanina. Kaya heto, nagpapaantok!" tugon ko. "Wow, perstaym!" nakangising wika ng dalaga. "First time?" tanong ko. "Kapag may overnight kasi ang Vixens, ikaw ang unang nakakatulog. Ngayon nakikipuyat ka na!" biro ni Zendee. "Luh, nakaidlip kasi ako dahil sa kalahating oras na sing and dance n'yo! Eh, ikaw Master? Bakit gising ka pa?" bwelta ko sa kaniya. "Alam mo naman kung bakit, 'di ba?" sambit niya. "Oo nga pala! Naiwan mo ang kumot mo? Yung Hello Kitty ang design!" tumatawang tugon ko. "Natumbok mo!" nahihiya ngunit nakangiting pahayag ng dalaga. Sabay pa kaming natawa nang maalala ang nasabing kumot. "Grabe, napaka-childish mo! Hindi ka naman na bata. Saka, may iba pa namang kumot dito. Bakit kailangang yung Hello Kitty pa rin?" tanong ko. "May mga bagay na sadyang hindi mapapalitan. Ang Hello Kitty ko, alam kong forever ko nang kumot 'yon!" sagot niya. "Wow, forever?! Big word!" malakas na sabi ko. "Ideologist ka kasi! Open for change. Para sa inyo, lahat ng bagay napapalitan. Lahat nagbabago!" pahayag ni Zendee. "You know what? Wala namang permanente sa mundo kundi pagbabago!" sambit ko naman. "Hindi kaya! Maraming bagay na nanatili pa rin sa dati nilang estado. Kung alam mo lang!" tugon niya. "Pero siguradong may nagbago kahit katiting na detalye o bagay. Kahit yung Hello Kitty na kumot mo, darating ang araw na kukupas 'yon. Alam kong ginagamit mo pa rin 'yon ngayon. Pero paano bukas? Sa susunod na linggo? Hindi mo masasabi, Zendee!" pahayag ko. "Grabe ka naman! Pati kumot ko naging topic!" malakas na sabi niya. "I'm just..." hindi ko na natuloy ang sasabihin ko. "Eh paano yung mga hindi materyal na bagay? Paano ang pagmamahal? Sige nga, ipaliwanag mo ang dahilan kung bakit may mga lolo at lola na hanggang ngayon ay ubod pa rin ng sweet!" hamon ni Zendee. "Talaga namang hindi nawawala ang love. At ang iba ay maswerteng nararanasan ang sinasabi nilang forever. Sana all talaga! Pero nagbabago ang level at lalim ng pag-ibig. Kahit nga sa pagmamahal mula sa pamilya, nagbabago ang paraan at lalim. Mas showy magmahal ang bata kesa sa matatanda. Gusto mo bang bigyan kita ng examples?" seryosong wika ko. "Huwag na! Sige na nga. Ikaw na ang tama. Nakipagdebate pa ako, alam ko namang talo ako!" kunwaring naaasar na turan ni Zendee. "Luh, ang nega mo! Sinasabi ko lang naman ang perspective ko!" paliwanag ko sa kaniya. "Iba kasi ang pananaw ko. Hindi naman kasi lahat ng bagay ay dapat magbago!" seryosong sambit ng dalaga. "Hindi natin kayang pigilan ang pagbabago," mahinahong sabi ko. "Yun na nga eh. Natural na proseso ang pagbabago. Pero may mga bagay na mas magandang hindi na magbago. Tulad ng pagmamahal ng anak sa magulang. Noong bata pa tayo, mas malapit tayo sa mga magulang natin. Pero ngayong matatanda na, nagkakaroon ng hiya. Nagbabago ang paraan at lalim ng pagmamahal. Hindi ba pwedeng huwag na lang?" pahayag ni Zendee. "Oo, hindi lahat ng pagbabago ay maganda. Pero hindi ito maiiwasan. Besides, bawat pagbabago ay may rason!" tugon ko. "Lahat talaga ng nangyayari sa atin ay may rason!" wika niya. "Eh bakit sa tingin mo nagbabago ang lalim ng pagmamahal ng isang anak sa kanyang magulang?" tanong ko sa kaniya. "Kasi nahihiya na nga ang anak!" mabilis niyang sagot. "Hindi kaya may mas malalim na dahilan? Kaakibat ng pagmamahal ng isang bata ang dependence. Kung palagi siyang magre-rely sa kanyang mga magulang ay hindi siya matututong tumayo sa sarili niyang mga paa. Sa pagtagal ng panahon, ang batang parating nakasukbit sa kanyang mga magulang ay matututong maging independent. Tama ba?" seryosong pahayag ko. "Hay, suko na talaga ako! Panalo ka pa rin kahit anong gawin ko. Kaya bagay talaga sa 'yo ang debate!" sambit ni Zendee habang nakatitig sa akin. "Hindi nga 'to isang debate. Hindi kita katunggali, kaibigan kita. Kaya walang talo o panalo kasi kanya-kanyang opinyon naman 'to!" nakangiting sabi ko sa kaniya. "Kaibigan?! Oo nga pala!" mukhang napipilitang sabi ng dalaga. "Kaya dapat lang na maging handa tayo sa mga pagbabago!" pag-iiba ko ng usapan. "Eh ikaw, handa na ba? Handa ka ba sa mga magbabago sa buhay mo?" tanong niya sa akin. "Oo, handa naman ako kahit papano!" mabilis kong sagot. "So, kapag sinabi ko ngayong mahal kita, handa ka pa rin ba at tatanggapin mo ako?" seryosong tanong niya sa akin. "Ano?!" pagkabigla ko. "Kapag umamin ba ako ngayon, handa ka na?" muling tanong niya. Saglit na namayani ang katahimikan. "Marvin, ang totoo..." hindi na natuloy ang gusto niyang sabihin dahil humikab ako nang malakas. "Grabe, ang lamig na rito! Nakakaantok!" pag-iiba ko ng usapan. "Marvin..." dahan-dahan niyang sabi. Muli kong iniba ang usapan, "On the other hand, may excemptions ang change. Huwag kang mabahala, kung kaya mong ingatan ang kumot, maaaring forever mo na 'yong magagamit." Nagsalita ulit siya, "Marvin, may gusto akong sabihin. Akala ko ba handa ka?" Napabuntong-hininga ako at nagwika, "Handa ako pero hindi ngayon!" Napansin ko na naging seryoso ang ekspresyon ng mukha ni Zendee. "Ikaw pa ang nagsasabing handa ka sa pagbabago, na change is inevitable. Bakit ayaw mo akong pakinggan? Nagbago na ang pagtingin ko sa 'yo!" sambit niya. "Pero isa ang mga nararamdaman mo sa pagbabagong hindi ko kayang tanggapin," malumanay kong sabi pero alam ko sa sarili ko na hindi tamang sabihin ko iyon. "It really hurts!" wika ni Zendee na nagkukunwaring tumatawa. "Sorry, pero natatakot ako, natatakot na mapupunta sa basurahan ang relasyon natin kapag pumayag ako. Kapag naging tayo, maaaring sa simula nga'y masaya tayo. Pero paano sa mga susunod na buwan? Taon? Change is inevitable, 'di ba?" paliwanag ko. "Wala ka bang tiwala sa akin?" malungkot niyang tanong. "Hindi sa ganun!" wika ko na may halong pagsisisi. "Dahil ba marami akong ka-close na lalake? Dahil ba sa pagiging bad girl ko? O dahil wala akong ambisyon sa buhay? Kaya ko namang magbago!" seryosong pahayag ng dalaga. "Hindi ikaw ang problema!" tugon ko. "Huh? It's not you, it's me... Paniguradong 'yan ang susunod mong linya!" biro ni Zendee pero bakas pa rin sa mukha niya ang kalungkutan. "Hindi! Wala sa 'yo at wala sa akin. Wala akong tiwala sa oras. Wala akong kasiguraduhan sa tadhana. Natatakot ako sa pagbabago!" paliwanag ko. "Wala ka namang dapat ikatakot, kasi hangga't mahal natin ang isa't isa..." hindi na naituloy ni Zendee ang gusto niyang sabihin. "Paano kung kumupas ang nararamdaman natin sa isa't isa?" tanong ko. "Napaka-pessimist mo naman!" sagot niya. "Sorry, hindi kasi ako tulad ng ibang lalake na nagte-take advantage kapag nalaman nilang gusto sila ng babae!" seryoso kong sabi. "Nagte-take advantage? At least, hindi sila duwag na tulad mo!" bwelta ni Zendee. "Duwag?! You're calling me like that, and you expect me to trust you?" malakas kong sabi. "Sinasabi ko lang kung ano ang obvious!" mabilis niyang tugon. "You know what? You're judging me based on what I've just said!" naaasar kong sabi. "Totoo naman eh. Sabi mo handa ka na sa lahat ng aspeto ng pagbabago. Pero ngayon, ayaw mong tanggapin na mahal kita. Naduduwag ka!" galit na wika ni Zendee. "Bakit kasi nagmamadali ka? Hindi pa nga ako handa!" sambit ko na halatang naiinis na. "Hindi handa o hindi mahal?" tanong niya habang tinitingnan ako nang seryoso. Tumayo ako at nagsalita, "Matulog ka na d'yan at ako na lang ang pupunta sa higaan mo." Pilit na itinatago ni Zendee ang luha sa mga mata niya. "Sabihin mo na lang, Marvin. Huwag mo na akong paasahin!" utos niya. "Inaantok na ako. Palit na lang tayo ng papag!" tanging nasabi ko sa kaniya pero alam ng puso ko na mali ang ginagawa ko. Hindi tama na binalewala ko ang feelings ni Zendee gayong gusto ko rin naman siya. Ang nasa isip ko lang ay ang pagkakaibigan namin na pwedeng magbago kung magiging kami. "Duwag ka nga, Marvin!" bulong ko sa sarili ko. Tumayo na rin si Zendee at nagsalita, "Wala ka na bang sasabihin?" Lumingon ako sa kaniya at nagwika, "Ang friendship natin ay parang ikaw sa kumot mo. Matagal nang gustong palitan pero hindi kakayanin. Hindi ko kaya dahil mas makakatulog ako nang maayos sa friendship, rather than having sleepless nights with an unassured relationship!" Tumalikod sa akin si Zendee at lumakad palayo habang nagsasalita, "Babalik na ako sa papag ko. Matulog ka na d'yan. Good night, Boss Marvin!" Wala na akong nasabi. Hinayaan ko na lang na lumakad palayo ang babaeng nagbigay ng lakas sa akin nung ako ay mahina. Hinayaan ko na lang na masaktan ang babaeng naniwala sa mga kaya kong gawin. Hinayaan ko na lang ang sarili ko na maging duwag. Dahil sa nangyari, batid ko na marami nang magbabago sa pakikitungo namin sa isa't isa.
BINABASA MO ANG
The Four Bad Girls and Me
Romance"Hindi mo kailangang gawin 'yon. Oo, mataas ang pangarap ko para sa sarili ko. Ayoko kasing dumating ang araw na buong pamilya na kaming naghihirap. Kaya ang sabi ko, aabutin ko lahat ng pangarap ko hangga't kaya ko. Pero, Zendee, hindi mo naman kai...