Marvin's Point of View
"Lapit na po kayo, mga suki! Bili na po kayo ng gulay! Maraming pagpipilian! Kasing fresh n'yo po ang mga paninda namin!" anyaya ko sa mga taong nasa Sangitan Public Market. "Anak, maiwan ka muna rito at pupuntahan ko muna sa barangay hall ang Ate Melba mo. Napaaway na naman daw sabi ng kapitbahay natin!" paalam ni Nanay Mila. "Hay naku, 'Nay! Bumalik na naman siya sa dati mula nang mabuwag ang samahan namin!" nalulungkot na tugon ko kay Nanay. "Anak, baka pwede mong kausapin ang ate mo at ang mga kaibigan ninyo? Nagbabakasakali lang ako na bumalik kayo sa dati!" seryosong wika ng aking ina bago iabot sa akin ang isang pamilyar na notebook. Nagulat ako nang mapagtanto ko na iyon ang nawala kong diary nung hinabol ko si Tatay Bernard. "Saan po ninyo ito nakita? Ang tagal na po nitong nawawala!" pagtataka ko. "Ahh... Binigay 'yan sa akin ni Zendee. Matagal na raw niyang napulot 'yan pero hindi niya naibalik agad sa 'yo!" paliwanag ng aking ina. Nabigla ako sa mga sinabi ni Nanay Mila. "Ibig sabihin, si Zendee yung batang may Hello Kitty na bag na nakita ko noon bago umulan?!" namamanghang sambit ko. "Nagkita na pala kayo dati ni Zendee?" nagtatakang wika ng nanay ko. "Hindi ko po akalain na siya yung bata na 'yon!" sambit ko na manghang-mangha pa rin sa nalaman. "Anak, tutuloy na ako. May gusto ka bang ipabili na miryenda?" tanong ni Nanay. "Ahh... Wala naman po. Kung ano na lang po ang sa inyo, 'yon na rin po ang sa akin!" sagot ko. "O sige, mabilis lang din ako doon sa barangay hall at magpapatulong na naman ako sa pinsan kong tanod. Bahala ka na muna d'yan!" muling paalam ni Nanay. "Sige po, Nanay! Mag-ingat po kayo!" paalam ko naman.
Kinahapunan ay nagdesisyon ako na kausapin ang four bad girls para mabuo ulit ang Vixens. Gusto ko na ring tapusin ang natitira pang mga misyon na kasama sila. Kinuntsaba ko si Kuya Marco na papuntahin sa ilalim ng Gen. Luna Bridge sina Pogs at Ate Melba. Nakiusap naman ako kay Jolens na ayain si Zendee na mamasyal sa ilalaim ng nasabing tulay. Sa una ay tinawanan lang ako ni Jolens pero pumayag naman siya dahil batid niya rin siguro na may pinaplano akong gawin. Buti na lang ay dumating sila. Sa di-kalayuan ay natanaw ko na magkakasabay pang naglalakad ang four bad girls. Parang hindi naman sila magkakaaway. Mukhang nag-aasaran pa nga sila habang papalapit sa akin. Huminto silang apat sa harap ko na animo'y handa na silang makinig sa kung anumang sasabihin ko. "Sa totoo lang, hindi mahalaga sa akin kung paano nagsimula ang Vixens at kung ano ang dahilan kung bakit isinama n'yo ako sa grupo. Nung nangarap akong mag-isa, ang pangarap ko ay nanatiling isang pangarap. Pero nung nangarap ako na kasama kayo, lahat ng imposible ay nagiging posible. Hindi ko lubos maisip na kaya ko palang gawin ang mga bagay na pinangarap ko lang dati. Kaya ko palang harapin ang mga takot ko. You may have started the gang for Vixen. But now, let's do it together for ourselves. Gusto kong mangarap na kasama kayo!" seryosong pahayag ko. "Boss Marvin, masaya ako na kasama ka namin sa Vixens! Salamat!" nakangiting sambit ni Zendee. "Hindi ko pa masyadong kilala si Vixen kahit nagkasama kami noon pero masasabi kong mabuti siyang tao dahil ganun na lang kung pahalagahan n'yo siya!" masayang sabi ko. "Ang swerteng babae talaga ni Vixen! Kahit wala na siya, napaka-cool pa rin niya!" wika ni Jolens habang tinatapik ang balikat ni Ate Melba. "Vixen, kung nasaan ka man, gusto kong magpasalamat sa 'yo dahil tinulungan mo kaming mangarap!" sambit ni Pogs habang nakatingin sa langit. "Tuloy ang laban!" malakas kong sabi bago pabunutin ang apat sa hawak kong kahon. Binunot na namin ang last nine missions na nasa box.
Wala pang isang linggo ay natapos na namin ang last nine missions. Si Jolens ay nag-bake ng cake at mga biskwit. Nag-ihaw naman ng marshmallow si Pogs. Humanap ng kakaibang recipe si Ate Melba. Itinala ni Zendee ang mga mabubuti niyang katangian. Inilista ko naman ang mga tao o bagay na ipinagpapasalamat ko. Masaya kaming sumunod sa isang exercise video. Nakinig din kami sa isang podcast. Nagsanay kaming mag-yoga. At ang pinakamasaya sa lahat ay sabay-sabay kaming sumigaw sa tuktok ng Bundok Tilapayong. Habang pababa na kami ng bundok ay napaisip ako kung bakit siyam na lang ang misyon. Ang pagkakaalam ko kasi ay may sampu pang natitira sa kahon. "May isang misyon pa yata tayo na nakaligtaan nating gawin?" pagtataka ko. Nagtinginan ang four bad girls. "Mas mainam siguro na hindi na lang natin gawin 'yon!" wika ni Ate Melba. "Ano ba kasi 'yon?" usisa ko. "Mamatay nang nakangiti!" seryosong pahayag ni Zendee. "Hindi naman natin literal na gagawin 'yan, 'di ba? 'Wag nga kayong seryoso d'yan!" malakas kong sabi. "Sabagay, may point ka!" nakangiting sambit ni Pogs. "Sa totoo lang, matagal nang namatay nang nakangiti si Zendee!" biro ni Jolens. Lahat kami ay natigilan sa sinabi niya. "Pangiti-ngiti lang si Zendee pero deep inside, patay na patay 'yan sa 'yo, Boss Marvin!" paliwanag ni Jolens sa akin. "Mission accomplished na nga! Baka kung saan pa mapunta ang usapan!" tanging nasabi ko bago ako natalisod sa isang maliit na siit ng puno. Sa halip na tulungan akong tumayo ay tinawanan lang ako ng four bad girls. Nang makatayo ay sinimangutan ko lang sila. "Hindi kumpleto ang Vixens kung walang isang lampa!" nang-aasar na wika ng ate ko. "Laging may isang lampa sa samahan. Kung minsan, lahat pa nga!" bwelta ko. "Ikaw talaga ang source ng happiness namin!" masayang sabi ni Zendee. "You know what? Kung walang lampa, walang source ng katatawanan!" tugon ko na kunwaring natatawa. Napansin ko na napatingin silang lahat sa akin. Muling nagsalita si Zendee, "Kung wala ang isang lampang gaya mo, hindi magiging masaya ang gang. Ikaw ang nagbibigay ng buhay at kasiyahan sa Vixens. Ginising mo ang natutulog naming mga puso!"
Nang matapos namin ang mga misyon na nasa kahon ay lalo akong naging close sa four bad girls. Ipinagpatuloy namin ang magandang samahan ng Vixens. Lalo akong napalapit kay Zendee. Kung dati ay immature ang tingin ko sa kaniya dahil hindi niya inisip na tapusin ang pag-aaral niya, ngayon ay nag-iba na. Hindi na. Sa tuwing nakakausap ko siya ay para akong kumakausap ng isang babaeng mas matanda sa akin nang maraming taon. Ang matured niya kasing magsalita at magpayo. Siguro, tama nga si Nanay na hindi naman talaga siya yung tipo ng tao na walang direksyon o pangarap sa buhay. Ang totoo n'yan, nalaman ko na kaya siya huminto sa pag-aaral ay dahil ayaw niya sa course na ipinipilit sa kaniya ng mga magulang niya. At lumuwas siya ng probinsya para patunayan sa kanila na kaya niyang mabuhay kahit wala ang mga tulong nila. Bukod sa pakikinig sa mga rant ko sa buhay ay may mas malaki pang naitulong sa akin si Zendee. Dahil nagagawa na ulit ni Kuya Marco na makatulong kay Nanay sa pagtitinda ng gulay ay tinulungan ako ni Zendee na makapasok at makapagtrabaho sa grocery na pagmamay-ari ng asawa ni Tito Danny. Isa pa, napakabait din ng tiyahin ni Zendee. Nalaman niya na gusto kong bumalik sa pag-aaral kaya tinulungan nila ako ni Tito Danny. Nang makakuha ako ng full scholarship ay sinagot nilang mag-asawa ang miscellaneous fee na kailangan pang bayaran. Lalo akong naging busy sa pagtatrabaho at pag-aaral pero palaging gumagawa ng paraan si Zendee para makita at masamahan ako. Hindi ko na matandaan kung kailan siya nagsimula pero hinayaan ko na siyang maging sweet sa akin kahit alam niya na matatagalan pa bago ako maging handa na pumasok sa isang relasyon.
BINABASA MO ANG
The Four Bad Girls and Me
Romance"Hindi mo kailangang gawin 'yon. Oo, mataas ang pangarap ko para sa sarili ko. Ayoko kasing dumating ang araw na buong pamilya na kaming naghihirap. Kaya ang sabi ko, aabutin ko lahat ng pangarap ko hangga't kaya ko. Pero, Zendee, hindi mo naman kai...