Day 35

13K 196 13
                                    


Nakaalalay ang mga kamay ni Ash sa magkabilang balikat ni Lucy habang naglalakad sila  pabalik sa loob ng counter. Pagkabukas ng pinto sa likurang bahagi ay pagkagulat at pag-aalala ang agad na rumehistro sa mukha ni Maria nang makita sila nito.

"Anong nangyari, Lucianna?" tanong nito saka mabilis na inalalayan ang matanda upang makaupo.

Nanatiling nakatayo naman si Ash sa harapan ng mga ito habang sinusundan ang galaw ni Maria na naupo rin sa tabi ni Lucy. Nang hindi ito nakakuha ng tugon sa katabi ay si Ash na ang binalingan nito upang magtanong.

"Ash, Hija, anong nangyari?" pag-uulit nito.

Tumikhin si Ash bago tumugon. "Nagtalo po sila ng anak niya, Aleng Maria..." aniya.

Agad na napangiwi naman ang kausap. "'Yan na nga ba ang sinasabi ko sa 'yo, Lucianna, e! Hinayaan mo kasing humaba ang sungay ng batang iyon, 'yan tuloy sinusuwag ka na."

Saglit na pinunasan muna ni Lucy ang nga luhang patuloy na bumabagsak sa pisngi nito bago hinarap ang katabi. "Kasalanan ko ang lahat, Maria. Kung hindi naman dahil sa kapabayaan ko, eh 'di sana'y buo pa rin ang pamilya namin hanggang ngayon."

"Katarantaduhan 'yang rason mo, Lucianna! Kaya lumalaki sa baluktot na dahilan 'yang anak mo ay dahil sa baluktot mo ring rason, e. Taon na ang lumipas, halos nagkanda-kuba ka na sa katatrabaho makamit lang ng anak mo ang prestihiyosong eskwelahan na 'to, tapos 'yan pa rin ang rason mo? Pinagsisihan mo na ang lahat, alam ng Dios 'yan! Eh, yang anak mo ba'y alam niya na pinaghihirapan mo ang bawat butil ng kanin na isinusubo niya, ha?" galit at dire-diretsong saad ni Maria.

Parang dinudurog naman ang puso ni Ash habang nakikinig sa dalawang matandang nag-uusap. Tinitigan niya ang lumuluhang matanda at napaisip; paano nagagawa ng mga anak na tratuhin ang mga magulang nang ganoon? Totoo nga bang mabubuti ang mga ito o masasama? O dahil tinawag lamang sila ng pagkakataon?

"Hindi ko na alam ang gagawin ko, Maria. Nauubusan na ako ng pag-asa."

"Naku, dapat lang na maubusan ka, Lucy! Ginawa mo na ang lahat pero sadyang matigas ang puso ng anak mo. Ni hindi ko na nga maisip kung tao pa ba 'yon, e!"

Huminga nang malalim si Ash, bumubuwelo sa pagsingit. "Hayaan ninyo po, Aleng Maria, Aleng Lucy. Kakausapin ko po si Kylie," saad niya.

Nag-angat naman ng tingin si Maria sa kaniya. "Bakit? Close ba kayo n'on?"

"A-Ah, hindi po. Pero siguro naman ay makikinig 'yon sa akin-"

"Naku, Ash! Kung ito ngang ina ay hindi pinakinggan, ikaw pa kayang hindi niya close? Namimili ang batang iyon ng kakaibiganin, buti sana kung magandang impluwensya sa kaniya. Aba'y hindi! Naroon, kasama ang mga lalaki-"

"Maria..."

Natigil sa pagsasalita si Maria nang bumaling dito ng tingin si Lucy. Mariin nitong itinikom ang bibig bago tumayo at ipinagpatuloy na lamang ang naudlot na ginagawa kanina sa loob ng counter. Mabuti na lamang din dumating na kanina ang estudyanteng nagpa-part time job doon, ito ang pansamantalang humalili sa trabaho ng dalawang matanda habang nag-uusap ang mga ito tungkol sa anak na babae.

"Hindi ka po ba muna babalik sa dorm ninyo para makapagpahinga? Tutal, may makakasama na rin naman po rito si Aleng Maria," suhestiyon ni Ash habang papaupo sa dating puwesto ni Maria.

Love Without RulesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon