EROS' POINT OF VIEW
"A-anak? Naninirahan sa katawan ng iisang ta-tao? A-ano pong ibig niyong sabihin?" Kunot noong tanong ko. Palipat-lipat ang tingin ko sa mama ni Bonnie at sa notebook na hawak ko.
Mabilis siyang lumapit sa akin at inagaw ang diary. "Hindi mo na kailangan malaman pa kung anong ibig sabihin ko. Mapapahamak ka lang," aniya bago tumalikod sa akin. Nagsimula na siyang humakbang palabas sa k'warto pero agad siyang napahinto nang magsalita ako.
"Kilala mo po ba si Sitri?" Mahinahon at may galang kong saad. Hindi ko alam kung ito ang tamang panahon para pag-usapan si Sitri, pero kung may alam nga ang mama ni Bonnie tungkol sa kaniya, mabuti na ring malaman ko ang mga ito.
Dahan-dahan siyang lumingon sa akin. "Pa-paano mo nakilala ang demonyong 'yon?" may bakas ng pag-aalala sa tono ng matanda. Matamang tumingin siya sa notebook na hawak, bago muling tumingin sa akin. "Mag-usap tayo sa baba. Masama kung magtatagal ka sa silid na 'to," aniya kaya tumango ako at sumunod sa kaniya papunta sa unang palapag.
Mahigpit niyang hawak ang diary na tila ba ayaw niyang may ibang maka-agaw nito mula sa kaniya. Hindi ko alam kung gaano kahalaga ang mga nakasulat do'n at para bang takot na takot siyang ipabasa sa iba ang laman no'n. Mas lalo tuloy akong kinakabahan dahil marami rin ang pahina na nabasa ko.
"P-paano mo nakilala si Sitri?" unang tanong niya nang maka-upo na kami sa sofa sa may sala. Magkaharap ang inuupuan namin ngayon, at titig na titig siya sa akin dahilan para manatili akong hindi kumportable kahit pa naka-upo na ako.
"S-sa group chat po namin, in-add ni Gemma, isa sa mga kaibigan namin, si Sitri. Ang akala namin ay normal na nagdedeliver lang siya ng mga pagkain kaya um-order kami sa k-kaniya," nag-aalinlangan kong sagot. Naningkit ang mga mata ng mama ni Bonnie sa narinig.
"Nagdedeliver ng pagkain..." mahinang bulong niya sa hangin.
"Kilala mo po ba si Sitri?" muli kong tanong sa pangalawang pagkakataon.
Muli niya akong tinitigan pero agad din niyang iniwas ang mga mata niya. "Hindi. Hindi ko siya kilala," aniya bago tumayo. "Kapag tumila na ang ulan, maaari ka ng umalis," dagdag pa niya bago akmang maglalakad palayo sa akin.
"Nanganganib po ang buhay ni Bonnie," saad ko. Hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa ko pero wala na akong ibang alas para makakuha ng impormasyon. Kailangan kong mapigilan si Sitri para hindi na niya kami magambala pa.
Muling tumingin sa akin ang mama ni Bonnie, diretso mismo sa mga mata ko. Dama ko ang pag-aalinlangan niya na tumugon sa sinabi ko. Mas lalo kong naramdaman na marami siyang nalalaman tungkol kay Sitri. Pero mas lalo naman akong nakukumbinsi na hinding-hindi niya sasabihin ang mga nalalaman niya base sa matalim niyang tingin.
"Kung sasabihin ba namin sa'yo ang mga nalalaman namin, may magagawa ka ba?"
Agad kaming napatingin sa matandang lalaki na lumabas mula sa pintuan na nasa unang palapag ng bahay. May tungkod itong gamit at mabagal ding naglalakad palapit sa amin.
"Heraldo, bakit lumabas ka pa ng iyong silid? Hindi ba't sinabi ko sa'yo na magpahinga ka na lamang?" ani ng babae sa kaniya. Tingin ko, asawa niya ito. Ang papa ni Bonnie.
"Matagal na akong nagpapahinga. Matagal na tayong tikom ang bibig. Kailangan na nating kumilos ngayon Elena," tugon ng matandang lalaki sa kaniya bago muling tumingin sa akin. "Sagutin mo ako, kung sasabihin ba namin sa'yo ang mga nalalaman namin, may magagawa ka ba?"
"Heraldo, anong laban niya sa demonyong 'yon? Isa lamang siyang binatang—"
"Sasabihin namin lahat ang alam namin tungkol kay Sitri, pero mangako ka sa amin..." naningkit ang mga mata ng matandang lalaki. "Mangako kang poprotektahan mo si Bonnie sakaling may mangyaring masama sa kaniya," aniya. May bakas ng tapang at poot sa tono ng boses niya.
![](https://img.wattpad.com/cover/230757957-288-k633687.jpg)
BINABASA MO ANG
666 Delivery
ParanormalCursed Stories #2 | Mistakes are unintentional, but you pay for it. *** An epistolary, short story. "Order now, die later." When a stranger was added to their group chat, tempting Bonnie and her friends to order for foods in the middle of the night...