EROS' POINT OF VIEW.
Napahawak ako sa sintido ko nang muling mamuo ang kirot dito. Hindi ko alam kung paano sumakit ng ganito ang ulo ko. Parang may iniikot na ugat sa batok ko, dahilan para sumakit ang sintido ko.
Minulat ko ang mga mata ko, pero bigo akong makakita. Gusto ko sanang magsalita pero hindi ko rin magawa. May madikit na bagay na nakadikit sa labi ko, at may kung anong bagay na nakataklob sa mukha ko.
Nakatali rin ang magkabilang kamay ko sa likuran ko, at ramdam kong naka-upo ako sa upuang gawa sa kahoy.
Ilang beses kong niyugyog ang katawan ko, sinusubukang makawala sa pagkakatali. Pero wala akong magawa. Masiyadong mahigpit ang pagkakatali sa magkabilang pupulsuhan ko. Bawat paggalaw ko ay lumilikha rin ng kirot sa mga ito, kaya wala akong nagawa kundi huminto sa pagpupumiglas.
"Hindi ka makakatakas," ani ng isang malamig na boses. Hindi ko maipaliwanag kung saan nagmumula ang boses niya kaya kung saan-saan ako luminga. Gusto kong tanungin kung sino siya, kung nasaan ako. Kung saan niya ako dinala at kung nasaan si Reydel.
Si Reydel.
Tama.
Huli ko siyang nakita no'ng pumunta kami sa lugar kung saan namin huling nakita si Dorrine. Pero bigla nalang akong nawalan ng malay matapos naming umikot pa ng ilang beses sa lugar. Sinubukan naming maka-alis do'n pero para kaming na-trap.
"Hindi ko kailangang magpakilala sa'yo, dahil hindi naman na kailangan. Kung hinahanap mo ang kaibigan mo, hindi ko maipapangakong ligtas siya," ani ng boses bago siya tumawa.
Ilang beses muli akong luminga-linga para hanapin kung saan nagmumula ang boses niya. Pero para 'yong umiikot sa buong lugar. Hindi ko alam kung nasaan ako, pero may ideya akong nasa kulob na lugar kami. Ume-echo ang boses niya kaya hindi ko masundan kung saan ito nagmumula.
Sinubukan kong magsalita, pero walang malinaw na salitang lumabas sa bibig ko. Para akong pipi na sinusubukang magsalita kahit hindi naman kaya.
"Don't exert too much energy. Kailangan mo pa 'yan para makaligtas sa lugar na 'to," monotonous na saad ng may-ari ng boses.
Naramdaman kong may lumalapit sa akin, kaya dagli kong inilayo ang sarili ko. Parang tanga lang dahil hindi naman talaga ako nakalayo. Nakatali ako sa upuan, at ang nagawa ko lang ay ilayo ng kaunti ang sarili ko. Ganito naman yata talaga gumana ang self defense mechanism hindi ba. Kahit hindi mo naman siguradong ligtas ka na, basta tingin mo naprotektahan mo na ang sarili mo, ayos na.
Unti-unting lumuwag ang pagkakatali sa pupulsuhan ko. Dahilan para agaran kong alisin ang mga ito sa lubid. Nakakapagtaka na hindi ko manlang naramdaman na may nagtanggal ng tali sa mga kamay ko. Parang may hangin lang na dumaplis dito.
Agad akong tumayo sa kinau-upuan ko, at lumayo. Muntik pa akong mawalan ng balanse dahil sa nakatakip sa mata ko. Sinubukan kong alisin ang bendang nakatakip sa buong mukha ko, pero hindi ko nagawa.
Madiin at mahigpit ang pagkakalagay nito sa mukha ko, kaya hindi ko alam kung paano tatanggalin. Pakiramdam ko rin nauubusan na ako ng hininga. Sakop ng benda ang ilong ko, hanggang sa leeg kaya nasu-suffocate ako.
"Maglaro tayo," saad ng boses sa nakakalokong tono. "Hindi ka nag-iisa sa lugar na ito. Bukod sa akin, may isa ka pang kasama. Ang kailangan mo lang gawin, ay mapatay ito, bago ka nito mapatay. Sa gano'ng paraan, hahayaan kitang makatakas sa lugar na ito. At ang buhay mo, ay magiging safe na," ani ng boses.
Malalim na ang bawat paghinga ko dahil sa kakapusan sa hangin. Gayunpaman, pinapanatili kong nakatayo ang sarili ko. Nanatili akong alerto sa paligid ko. Sinisikap kong maging handa sa kung ano mang p'wedeng bumulaga sa akin.

BINABASA MO ANG
666 Delivery
ParanormalCursed Stories #2 | Mistakes are unintentional, but you pay for it. *** An epistolary, short story. "Order now, die later." When a stranger was added to their group chat, tempting Bonnie and her friends to order for foods in the middle of the night...