Chapter 35: Oleander

30 5 2
                                    

THIRD PERSON POINT OF VIEW

NANGINGINIG ang magkabilang kamay ni Fuschia habang mahigpit na hinahawakan ang ID ng kaniyang itinuturing na ama. Sa isang iglap, biglang nanumbalik sa kaniya ang payak ngunit masasayang karanasan ng pamilya nila noon bago naglaho na parang bula si Esmael at iniwan sila sa loob ng maraming taon.

Ibinahagi nito sakanila ang plano niyang pangingibang-bansa para makapaghanap ng magandang trabaho at makapag-ipon ng perang gagamitin sa pagpapangasawa. Anim na taon na ang lumipas ngunit hindi pa nila ito nakita o nakausap muli. Wala rin silang nabalitaan na umuwi ito ng syudad lalo pa't mailap sa probinsya nila ang teknolohiyang ginagamit upang magkaroon ng komunikasyon sa ibang tao.

Malaki ang tiwala ng ina ni Fuschia sa sarili nitong kapatid kahit pa man taliwas iyon sa kakaibang kutob ng kaniyang anak. Pareho nilang batid ang katotohanan na maaaring may inilihim si Esmael sa kanila o hindi kaya'y nagsinungaling lamang ito tungkol sa rason ng pangingibang-bansa.

Gayunpaman, labis pa rin silang nangungulila at nag-aalala sa kalagayan nito dahil hanggang ngayon, hindi pa rin nila ito nahahagilap. Hindi rin nila mawari kung bakit tila mabagal ang aksyon ng pulisya sa paghahanap kay Esmael gayong ilang beses na silang pabalik-balik sa himpilan.

Walang kurap na napatitig si Stephanie kay Fuschia nang masilayan ang unti-unting pamumuo ng luha sa mga mata nito. Sa reaksyon pa lang ng mukha nito, batid niyang may malalim na ugnayan ang dalaga sa lalaking nasa litrato. Tahasang umusbong sa kaniyang isipan ang hinuha na marahil kadugo o kamag-anak nito si Esmael.

"I-Ikaw ba ang anak ng kapatid ni Esmael na naging saksi noon sa aksidenteng kinasangkutan ng pamilya ni Franscilla? Ang kaisa-isang saksi sa kasong kinakaharap ng pamilyang Estela na inilitis noon sa korte?"

Dahan-dahang nag-angat ng paningin si Fuschia sa tanong na iyon. Hindi niya naintindihan ang mga salitang lumabas sa labi ng babaeng kaharap dahil tila may nais itong ipahiwatig at kinakailangan lamang ng hustong kumpirmasyon mula sa kaniya. Pero agad ding napantig ang magkabilang tainga niya nang marinig ang pangalan ni tiyuhin.

"Anong ibig mong ipahiwatig? B-bakit mo idinadawit si Tito sa aksidenteng nangyari noon sa Sorsogon? Nasaan siya ngayon?"

Nagtatakang tanong ni Fuschia na hindi pa rin nawawala ang tapang sa mukha. Umigting ang bagang ni Stephanie at napaatras ng isang beses. Kumpirmado. Kausap niya ngayon ang anak ng nakakatandang kapatid na babae ni Esmael.

Batid din ng dalaga ang nangyari sa pamilyang Amaranthine at ang eksaktong lokasyon ng aksidente noon. Biglang nabuhay ang kulo ng dugo na matagal ng pinipigilan ni Stephanie sa sarili. Walang inhibisyong lumitaw sa puso niya ang pananabik sa magkahalong hustiya at kabayaran.

Halos anim na taon din niyang hinanap ang nag-iisang kapatid ni Esmael ngunit para bang iwinawaglit iyon sa kaniya ng langit. Sukdulan ang adhikain niya na bigyang konklusyon ang nakaraan sapagkat narito ngayon sa kaniyang harapan ang taong magsasakatuparan niyon.

"N-nasaan ang iyong ina? Hindi na ako mag aaksaya pa ng oras, nais ko siyang makausap ngayon."

Malalim at seryosong saad ni Stephanie. Sa pagkakataong ito, wala na siyang palalagpasin pa kahit ang isang sinulid ng damit o hibla ng buhok. Kung nararapat siyang pumasok ulit sa butas ng karayom, gagawin niya upang matahimik na ang lahat ng kaluluwang nagluluksa pa rin sa wagi ng makasalanang nilalang.

Botanical SonnetsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon