4

1.4K 114 15
                                    

HINDI na makatulog si Jay Ann. Pabiling-biling siya sa higaan. Gusto niyang hanapin sa buong bahay si Zane ngunit pinigilan niya ang sarili. Now is not the time. Tahimik ang buong kabahayan at ayaw niyang istorbuhin ang katahimikang iyon. Masuwerte siya na hindi pinaalis ng grupo.

Hindi siya manhid upang hindi maramdaman na hindi nagustuhan ni Zane ang kanyang presensiya. Hindi naman niya inakala na magiging ganoon ang kanyang reaksiyon. Hindi naman sa nakalimot na siya sa lahat ng nangyari. Masyado lang niyang na-miss si Zane. Nang makita niya ang binata pagkatapos ng mahigit dalawang taon na paghihiwalay, na-overwhelm ng iba't ibang emosyon ang kanyang puso. Ang tanging nais niyang gawin ay yakapin nang mahigpit na mahigpit si Zane. Hindi na baleng nakatalikod ito at lumalakad palayo sa kanya. Kung hindi marahil siya naging maagap, baka nakalayo na ito nang tuluyan bago pa maisampa ang sarili sa likod nito.

Sa kabila ng kaligayahang naramdaman sa muli nilang pagkikita at paglalapit, naramdaman ni Jay Ann ang pagkakaiba ng dating Zane sa bagong Zane. He was cold.

Isa pang dahilan kung bakit hindi niya hinahanap si Zane ay dahil alam niyang pagod ang grupo at kailangan ng pahinga. Nahingi rin niya kay Trutty ang schedule ng banda. Masyadong abala ang mga ito sa kasalukuyan. Naisip niya na hindi iyon ang tamang panahon upang magbalik sa buhay ni Zane, ngunit natanto niya na masyado na siyang nag-aaksaya ng panahon. Masyado nang matagal ang dalawang taon na hindi sila nag-uusap. Kung hindi siya kikilos kaagad, walang mangyayari. Kung maghihintay pa siya ng mas magandang pagkakataon, baka hindi niya maipon ang lahat ng lakas ng loob na kailangan at tuluyan nang masira ang lahat sa kanila.

Inisip niyang maigi ang mga dapat na gawin. Nirepaso niya ang kanyang plano. She did not dare think about the possibility of failure. Magiging maayos ang lahat.

Alas-kuwatro ng madaling-araw nang bumangon si Jay Ann at lumabas ng silid. Pinakialaman uli niya ang kusina. Kanina ay nagising siyang nagugutom kaya nakialam na siya sa refrigerator. Nang makita niya ang spaghetti ay alam na agad niya na si Zane ang nagluto niyon. Kabisado niya hindi lang lasa kundi pati hitsura ng mga pagkaing niluluto ng binata.

She made coffee. Sinikap niyang huwag gumawa ng ingay upang hindi magising ang mga kasama. Alam niyang maagang aalis ang banda kaya mayamaya lang ay gising na ang lahat. Napapangalahati pa lang niya ang kape nang may lalaking pumasok sa kusina. Nag-iinat at naghihikab ito kaya hindi agad siya nakita. Napatalon ito nang makita siyang nakaupo sa breakfast counter.

"Tinakot n'yo naman po ako," anang lalaki nang makahuma, sapo-sapo ang dibdib.

Nginitian ni Jay Ann ang lalaki. Hindi ito isa sa mga The Charmings. Sa palagay niya, nagtatrabaho ito sa banda. Kung hindi siya nagkakamali, ito si Alvin, na kailangan niyang kausapin ayon kay Trutty. Kinakasihan talaga siya ng pagkakataon. Kanina lang, iniisip niya kung paano niya makakausap ang lalaki.

"Good morning," masiglang bati ni Jay Ann. "Coffee?" Bago pa man makatugon si Alvin ay nakatayo na siya at nakapagsalin na ng kape sa isang mug. Inilapag niya ang mug sa espasyo sa kanyang tabi at inudyukan itong samahan siya.

"Thank you po," ani Alvin habang alangang nauupo sa kanyang tabi.

"Kilala mo ba ako?" Nanatili ang palakaibigang ngiti sa mga labi ni Jay Ann upang hindi naman isipin ng lalaki na nagmamalaki siya.

Tumango ito. "Miss Universe." Bakas ang paghanga sa buong mukha ni Alvin.

Natawa siya. "That was two years ago at first runner-up lang ako." Sumali si Jay Ann upang masabi sa ibang tao na kaya niya, na hindi niya ikinahihiya ang hitsura at balat. Sumali siya upang patunayan sa sarili na maganda siya, na kailangan niyang mahalin kung ano ang ibinigay sa kanya ng Diyos.

The Fairest of them All (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon