16

1.2K 100 9
                                    

"WHAT should I do, guys?" tanong ni Jay Ann kina Tutti, Kent, Estong, at Blu. Nasa bahay lang sila nang hapong iyon. Na-cancel ang taping ng The Charmings kaya makakapagpahinga ang grupo. Sinabi niya sa apat ang sitwasyon nila ni Zane. Hindi na kasi niya alam ang gagawin.

Zane had been avoiding her for two days and she was running out of time. Kapag nasa trabaho si Zane ay hindi niya maabala. Minsan, sadyang dumidistansiya na siya upang hindi mawala ang konsentrasyon ng binata sa ginagawa. Kapag may pagkakataon siyang lapitan ito at kausapin ay nakakagawa ito ng paraan para makalayo sa kanya.

Ang akala ni Jay Ann ay magkakaroon siya ng pagkakataong makausap si Zane nang araw na iyon. Ngunit nagmamadaling umalis ng bahay ang binata nang malaman ang cancellation ng taping. Wala silang ideya kung saan nagtungo si Zane kaya hindi niya masundan.

Naghintay siyang sagutin ng mga lalaki ngunit abalang-abala ang mga ito sa kinakaing chocolate cake roll na may whipped cream filling. Siya ang gumawa niyon upang may mapagbalingan ng enerhiya at inis. Alam niyang kailangan pa niya ng mahabang pasensiya. Alam niyang kailangan ni Zane ng panahon, ngunit nakakainip pa rin.

"Hoy, sagutin n'yo naman ako. Kain kayo nang kain diyan."

"Hindi namin alam," tugon ni Estong. "Wala kaming ideya kung ano ang puwede mong gawin."

Napalabi si Jay Ann. "Anong klase kayong mga kaibigan?"

"Ang klase na nagsasabi ng totoo," tugon ni Blu habang ngumunguya. "Bilib na kami sa lakas ng loob mo, Jay. Ikaw pa talaga ang unang nagsabi ng three magic words. Ikaw ang naghahabol—este, nanliligaw. Okay na 'yon."

"Maghintay ka na lang siguro," ani Tutti. "Iyon lang ang maibibigay kong advice sa ngayon.

Tumango lang si Kent. Nakikinig ito ngunit abala ang mga daliri sa cell phone. Ka-text ni Kent ang girlfriend. Kanina, nabanggit ni Kent na niyayaya nitong lumabas si Justienne Bhel ngunit kasama raw ng dalaga ang ilang kaibigan.

Napapabuntong-hininga na nangalumbaba si Jay Ann. "Dalawang araw na ang lumipas. Dapat, nag-sink in na sa kanyang isip ang lahat."

"Teka nga," biglang sabi ni Kent habang inilalapag ang cell phone sa mesa. "Bigla lang akong may naalala, Jay. You are getting married, 'di ba?"

Namilog ang mga mata ni Jay Ann. "Sabi nino?"

"Zane," sabay-sabay na sagot ng apat. Tila naalala din ng iba ang detalyeng iyon.

"Bad ka," akusa ni Blu. "'Di ka makontento sa isa.

"Nagtataka ka pa kung bakit gano'n na lang makaiwas si Zane," ani Estong.

Inisip ni Jay Ann nang mabuti kung bakit naisip ni Zane ang ganoon. Inalala ang kanyang mga sinabi. "Ang sabi ko sa kanya, Henry proposed to me. He really proposed naman talaga. Pero hindi ko sinabing tinanggap ko ang marriage proposal. Nakipaghiwalay ako sa kanya bago ako umuwi rito."

Sandaling natigilan ang apat mayamaya ay napatango-tango.

"Shunga si Zane," ani Tutti. Tumango-tango uli ang mga ito.

"Hindi makaintindi ng salita," dagdag ni Blu.

"'Wag si Henry ang pag-usapan natin. So, ano ang gagawin ko?" tanong na naman ni Jay Ann.

"Sigurado ka ba sa nararamdaman mo?" seryosong tanong ni Estong. "Hindi ka ba nalilito lang? Confused?"

Nagseryoso na rin ang tatlo. "Sigurado ka ba na pinipili mo siya hindi dahil siya ang safe choice?" tanong ni Kent.

Sumunod si Blu sa pagtatanong. "Sigurado ka na hindi magbabago ang isip mo?"

"Sigurado ka ba na in love ka sa kanya. Hindi na namin kukuwestiyunin kung mahal mo talaga siya, alam naming mahal mo na siya pero in love ka ba talaga sa kanya?" ani Tutti.

The Fairest of them All (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon