7

1.1K 99 13
                                    

NAGLABAS ng isang bote ng whiskey si Zane mula sa cabinet ngunit mabilis iyong inagaw ni Estong mula sa kanya at ibinalik sa cabinet. Kauuwi lang nila sa bahay.

Magrereklamo sana siya nang abutan siya ng isang bote ng Red Horse ni Estong. "Hindi ka puwedeng maglasing. May recording bukas. Pagtiyagaan mo na muna 'to. Pampaantok."

Tumango siya at binuksan ang isang bote. Hindi naman talaga niya planong magpakalasing. Magpapaantok lang siya. Pagkatapos ng nangyari, nangako siyang hindi na magpapasaway sa trabaho. Dati, nainis sila kay Kent nang maapektuhan ang trabaho nito dahil sa inis kay Justienne, na girlfriend na nito ngayon. Ngayon lang niya lubusang naintindihan na may mga pagkakataon na nawawalan talaga ng kontrol ang isang tao sa damdamin nito dahilan upang mawalan din ito ng kontrol sa inaakto.

"Sorry talaga kanina," ani Zane sa munting tinig. "Saka salamat." Kung hindi siya sinundan ni Estong, baka kung saan na siya sumuot. Dahil sa presensiya ng kaibigan, kahit na paano ay nakalma niya ang sarili.

Walang sinabing anuman sa kanya si Estong nang maabutan siya sa parking lot ng isang mall. Mabuti na lang at walang gaanong nakapansin o nakakilala sa kanila. Hindi siya pinilit na bumalik ni Estong. Tahimik siyang tinabihan at ipinaramdam na naroon lamang ito, na hindi siya nag-iisa. Hindi ito nagtanong kung ano ang nangyari, tahimik nitong hinintay kung kusa siyang magsasabi. Nanahimik lang din siya hanggang sa magdesisyong balikan ang kanilang mga obligasyon.

Nahihiya si Zane sa mga kasama dahil pati ang mga ito ay napagalitan nina Kuya Robert at Megumi.

"'La 'yon," nakangiting tugon ni Estong.

Sinamahan nila ang ibang kasama sa dining table kung saan naroon ang dalawang malaking kahon ng pizza. Kumakain na ang mga kasama nila. Si Paolo ay umuwi muna sa bahay.

"Sorry," sabi ni Zane sa mga kagrupo. "Hindi na mauulit ang nangyari kanina."

"So, ano'ng mangyayari kay Jay?"

"Ikakasal na siya." Tinungga ni Zane ang bote ng Red Horse pagkasabi niyon.

"Oh..." sabay-sabay na usal ng mga kaibigan.

"Pero bago 'yon, pahihirapan muna niya ako kaya nakabuntot siya sa 'tin sa loob ng isang linggo." Hindi na niya ipinaliwanag sa mga kasama kung bakit gagawin iyon ni Jay Ann.

"Gusto mo bang nakabuntot siya sa 'yo?" tanong ni Tutti. "We can always ask Blu to get rid of her," pabiro nitong sabi.

Patuloy sa paglantak ng pizza si Blu. "I'm not the huntsman. I can't get rid of Snow White," anito sa pagitan ng pagnguya.

Hindi niya inasahan ngunit napangiti siya. "Kahit na maitim si Jay, parang kay Snow White ang buhay niya. Ang evil queen nga lang ay totoong nanay niya. She asked my father to get rid of her, can you imagine? Iniuwi niya ang baby sa isang bahay kung saan nakatira ang pitong magkakapatid and presto, she had her seven dwarves. Minsan, nakipagpaligsahan siya sa totoong mommy niya sa kagandahan. Pareho nilang ginusto na maging pinakamaganda sa lahat. Alam n'yo kung paano niya nakilala ang Prince niya? Dahil sa apple."

"I'm so dead. I'm so dead. Zane, ano ang gagawin ko? Kuya Caleb will kill me," natatarantang bulong ni Jay Ann sa kanya. Nasa university library sila at binabalikan ang mga lugar na pinuntahan ni Jay Ann. Naiwala ng dalaga ang iPod at MacBook na hiniram nito kay Kuya Caleb. Nasira kasi ang laptop ni Jay Ann at ginagamit naman niya ang kanya.

"I doubt that," tugon niya. Kahit na si Kuya Caleb ang pinakamadaling magalit sa kanilang magkakapatid, hindi nito kayang magalit nang matagal kay Jay Ann. Kapag hindi nila nahanap ang MacBook at iPod, malamang na sa kanya maibunton ang lahat ng galit ng kuya niya. "Maiintindihan kong naiwala mo ang iPod, pero MacBook, Jay? Come on!"

The Fairest of them All (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon