1

11 2 0
                                    




Masikip.
Maingay.
Di kaaya-aya ang amoy.

Humigpit lalo ang hawak ko sa laylayan ng damit ng Lolo ko.
Sa gilid ng dinadaanan namin ay may mga pulubing namamalimos, tanaw ko rin sa kabilang gilid kung paanong dinukutan ng isang matabang bata ang isang lalaki.

Tumutulo ang sira-sirang bubong, pundido ang ilaw, ang mga tablang tinatapakan namin bilang sahig ay parang bibigay na dahil sa kalumaan.

Kahirapan.

'Yan ang salitang maglalarawan sa istasyon ng tren at boundary ng Luz.
Nagbalik ang atensyon ko kay lolo ng bigla niya akong higitin papunta sa isang pila.

"Marked number"
Anang isang matikas na lalaki na nakasuot ng asul na uniporme, sa bahagi ng dibdib niya ay isang imahe ng buwan—simbolo ng mga taga Luz.
Sa magkabilang tabi niya ay dalawang armadong kalalakihan, na pawang nakapula at may simbolo ng araw sa dibdib—militar ng Lumos.

Agad yumukod si Lolo sa isang kagamitan, itinapat niya ang ibabang bahagi ng mata. Ilang sandali pa'y umilaw ito ng dilaw.

Aalis na sana kami ni Lolo ng harangin kami ng isa sa mga militar ng Lumos.

"Yung bata."
Napaangat ako ng tingin kay Lolo pero nanatili siyang walang imik, sinulyapan lang niya ako at saka tumango.

Naglakad ako palapit sa scanner at itinapat ang mukha ko.
Napitlag ako ng bigla itong gumawa ng ingay at umilaw ng kulay pula.
Naalarma ang mga bantay na militar at itinutok sa'kin ang mga sandata nila, agad namang iniharang ni Lolo ang katawan niya para protektahan ako.

"B-baka nagkaroon lang ng problema, ulitin ninyo. Pakiusap."
Nagmamakaawang sabi niya, nagkatinginan ang mga bantay bago tumango sa akin.

Dumadagundong sa sobrang lakas ng tibok ang puso ko, huminga ako ng malalim.
Palihim kong sinugatan ang daliri ko bago ko muling itinapat ang mukha sa aparato nila.
Doon lamang ako nakahinga ng maluwag.

Nanginginig akong umalis sa pila noon, dinala ako sa tabi ni Lolo at pinaupo.
Nagsimulang tumulo ang luha sa mga mata ko, hanggang sa ang mga hikbi ay naging palahaw.

"Jam, apo. Makinig ka."
Lumuhod siya sa harap ko habang ginagamot ang daliring kanina'y sinugatan ko.

"Kailangan mong masanay."
Madiin niyang wika.
Sinusubukan kong ituon ang atensyon ko sa mga sinasabi niya pero nahalina ang mga mata ko sa ganda ng kabilang istasyon.

Ang mga iyak ko ay napalitan ng pagkamangha, kung ano ang kahirapan na makikita dito sa panig namin ay kabaligtaran sa kabila—ang lugar ng mga Lumos.

"Kung maari ay habang buhay kitang itatago, gagawin ko dahil kailangan."
Maraming sinasabi si Lolo pero hindi ko na naintindihan dahil sa biglang pag-ingay ng paligid.
May isang babaeng taga-Luz na tumawid sa riles ng tren papunta sa istasyon ng mga Lumos.

Batid kong alam ni Lolo ang nangyayari sa likuran niya pero hindi siya nag atubiling lingunin iyon.

"Kailangan mong magpakatatag."

Makapigil hininga ang mga sumunod na nangyari, bago pa man nailapat ng babae ang daliri niya sa plataporma ng istasyon ng Lumoz ay pinag babaril siya ng mga bantay militar.

Saksi ako sa kung paano ngumisi at tumawa ang mga taga-Lumos na para bang may pinapanood lang sila,
na para bang hindi buhay ng tao ang nawala sa harap nila.

Napatakip ako ng bibig ng walang habas na sagasaan ng tren ang katawan ng babae kanina.
Nagpatuloy sila sa kani-kanilang ginagawa pagkatapos.
Parang wala lang.

"Jam? Julianne Samantha Soliel, naiintindihan mo ba ako?"
Tigagal akong tumitig sa mata ni Lolo, gulat pa rin sa mga nangyari.

Marahan akong tumango bilang pagsang ayon sa sinabi niya.

Labing dalawang taon ako noon ng masaksihan ang kalupitan ng mundong ginagalawan ko.
Sa mundo ng Sin Brillo.

PROJECT: LMSW (Under Revision)Where stories live. Discover now